Monday, December 20, 2010

December 17, 2010

Taga-rescue ang OFWs!
Rey Marfil


Hindi nagtatapos sa monthly remittances ang kabayanihan ng mga overseas Filipino workers (OFW’s) upang tustusan ang kanilang pamilya at maka-ambag sa paglago ng ekonomiya— ito’y ‘taga-rescue’ kapag meron calamity, patunay ang malaking donasyong naibabahagi kada taon at makatwiran lamang na kilalanin ngayong ipinagdiriwang ang “Overseas Filipinos and International Migrants Day”
Sa 2010 Presidential Awards for Filipino Individuals and Organization Overseas (PAFIOO), kinilala ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III ang ipinapakitang malasakit ng mga OFW’s at iba’t ibang organisasyon sa mga kababa­yang sinalanta ng bagyo, pagbaha at iba pang uri ng kalamidad, sa pamamagitan ng donasyon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Kundi nagkakamali sa kuwenta ang mga kurimaw, nakapag-ambag ng $91,000 cash donation ang OFW’s noong 2009 subalit bumaba sa $23,000 ngayong taon. Kaya’t pa­kiusap ni PNoy — palakasin ang bayanihan lalo pa’t meron katiyakang makakarating ang donasyon sa mga pamilyang tinamaan ng kalamidad.
Sa kaalaman ng OFW’s, binigyan ng kapangyarihan ni PNoy ang Presidential Management Staff (PMS) maglabas ng ‘clearance’ upang malibre sa Bureau of Internal Revenue (BIR) ang lahat ng importasyon at donasyong may kinalaman sa calamity victims, alinsunod sa Memorandum Order No. 36. Ibig sabihin: lahat ng donasyong galing sa ibang bansa — ito’y hindi ipagbubuwis at mapapasakamay ng mga taong dapat tumanggap.
***
Napag-usapan ang 2010 PAFIOO rites — labing-tatlong (13) OFW’s at pitong (7) organisasyon ang kinilala at tumanggap ng presidential awards dahil nagpakita ng malasakit upang tulungang mai-angat ang katayuan ng Pilipinas, kabilang ang tatlong (3) foreigners— ito’y nagmamula sa Estados Unidos, Hong Kong, South Korea, Israel, Jordan, Le­banon, Saudi Arabia, UAE, Australia, Germany at Canada.
Ang mga tumanggap ng presidential awards (Pamana ng Pilipino) sina Ramon Felix ‘Rage’ Totengco (fashion designer); Lilac Cana (Canada); Angelito David, Fred De Asis, Bernard Randy Gener at Lilibeth Navarro (USA); Ang Banaag awardees — Computer Society of Filipinos International (Saudi Arabia); Congress of Visayan Organizations (USA); Federation of Filipino Communities (Israel); Dr. Emi­ly Abagat (South Korea); George Gange at Sindaw Kinding (USA); Marilyn Kasimieh (UAE); Sister Lucia Olalia (South Korea) at Evangeline Ybo (Jordan).
Ang Lingkod ng Kapwa Pilipino (LINKAPIL) awar­dees — sina Teresita Alarcon (USA); Ruth Martinez (Australia); North Central Virginia Association of Philippine Physicians (USA); Philippine-American Association of Connecticut (USA) at Philippine-German Community Oberberge e.V. Ang Kaanib ng Bayan awardees — Caritas Lebanon, Migrants Center (Lebanon); Phoebe Lam Bik Che at Sunny Lam Kai Chor (Hong Kong) at Simha Salpeter (Israel).
Isang biennial awards system ang PAFIOO — ito’y likha ng Executive Order No. 498 nilagdaan ni Pangulong Corazon Aquino — isang paraan upang bigyang-pugay ang nagawa at mahalagang ambag para sa kapakanan ng mga Pi­lipino sa ibayong dagat.
At ngayong taon, umabot sa 110 nominees mula sa da­lawamput-tatlong (23) bansa ang natanggap ng Commission on Filipinos Overseas (CFO) bilang Awards Secreta­riat — ito’y sinuri ng tatlong lupon mula gobyerno, media, academe, religious group at business sector. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: