Wednesday, August 25, 2010

Agosto 25 2010 Abante Tonite

‘Di natulog si PNoy!
Rey Marfil


Napakasimple ng aral at mensaheng iniwan sa nangya­ring hostage-taking sa Quirino Grandstand, hindi nakapag­hintay si dating Senior Inspector Rolando Mendoza sa pagbabagong ipi­nangako ni Pangulong Benigno Simeon ‘PNoy’ Aquino III, aba’y hindi lang lumihis ng daan, bagkus, maling bus ang sinakyan patungo sa pagbabagong inaasam.


Sa halip bumiyahe papuntang Batasan kung saan naroon ang Office of the Ombudsman, isang tourist bus na patu­ngong Ocean Park ang sinakyan.

Ang masakit, parang bulang nawala ang lahat ng pinaghirapan (PNP) ni Mendoza sa isang nakakahiyang pangyayari sa Quirino Grandstand at ngayo’y kinamumuhian ng buong mundo dahil pumatay ng 8 Hong Kong nationals at idinamay ang imahe ng bansa.


Maraming “kung at sana” ang kinalimutan ni Mendoza sa panahon ng kapusukan kaya’t naganap ang madugong pagwawakas ng kanyang buhay.

Kung nagawang umasa ni Mendoza ng pagbabago sa nakaraang eleksyon, sampu ng kapamilyang nagwawala sa national television, sana’y inisip ang maikling panahon ng pamamalagi sa Palasyo ni PNoy.


Hindi sapat ang 55-araw ni PNoy upang malinis ang lahat ng duming iniwan ng nagdaang administrasyon, lalo pa’t ngayon pa lamang nagkakahugis ang mga bakas nito.

Hindi madali ang trabaho ni PNoy -- ito’y hindi si Superman at lalong hindi Diyos na kayang resolbahin sa isang iglap ang problema ng 95 milyong Pinoy.


Habang nagwawala sa national television, harapang ‘sini­singil’ ng isa sa kapamilya ni Mendoza ang pangakong pagbabago ni PNoy sa nakaraang eleksyon, kaya’t malaking katanu­ngan kung nagawang ilapit sa kinauukulan ang problema bago gumawa ng marahas na aksyon ngayong bago ang administrasyon.


Ang report: ‘Namumulaklak’ sa medalya ang uniform ni Mendoza, kaya’t hindi lubos maisip ng mga kurimaw kung bakit idinaan sa dahas ang hangaring makabalik sa serbisyo, lalo pa’t napaka-transparent ni PNoy at bukas ang pintuan ng Malacañang sa bawat reklamo.

Kung matalino at matinong pulis si Mendoza, katulad ng papuri at pagkilala ng mga kaibigan, bakit hindi naabot ng kaisipan ang katotohanang appointee ni Mrs. Gloria Arroyo si Ombudsman Merceditas Guttierez at hindi type ni PNoy ang liderato nito?
***


Napag-uusapan si PNoy, halos hindi natulog buong magdamag upang bantayan ang bawat pangyayari sa Qui­rino Grandstand.

Sa pag-uumpisa ng hostage-taking, naka-monitor si PNoy bago pinag-oath-taking ang mga appointed officials, kasama ang inyong lingkod, ganap ala-una ng hapon (Lunes).


Pagkatapos ng oath-taking ceremony, balik sa Guest House si PNoy upang i-monitor ang bawat kaganapan sa Quirino Grandstand, kaya’t maling akusahang walang ak­syon lalo pa’t police matters ang pakikipagnegosasyon at hindi rin akmang makialam ang isang Pangulo sa hostage-taking dahil palalain lamang ang sitwasyon, maging ang ima­he sa international community.


Pagkatapos ng press conference sa Malacañang (alas-12:30 ng hatinggabi), nag-ocular inspection si PNoy sa pinangyarihan ng hostage drama (1:30 a.m.), kasama sina Presidential Communication Sec. Sonny Coloma, Usec. Chris Tio, Asec. Jun Delantar at ang inyong lingkod. Naroon sa Qurino Grandstand sina DILG Sec. Jesse Robredo at Usec. Rico Puno at iba pang police officials.


Nadatnan ni PNoy ang mga taga-Scene of the Crime Ope­ratives (SOCO) na nag-iimbestiga at nakauwi lamang ng Bahay Pangarap, dakong alas-dos ng madaling-araw.

Kaya’t maling sabihing ‘not on top’ ang Pangulo sa hostage-taking dahil walang tulog sa magdamag ito. Laging tandaan: “Bata niyo ko at Ako ang Spy niyo”.


(mgakurimaw.blogspot.com).

No comments: