Kahit pa magpapako sa krus si Pangulong Benigno Simeon ‘PNoy’ Aquino III, hindi maisasalba ang Pilipinas sa maruming kalakaran, mapapulitika at burukrasya kung walang suporta at pagsasakripisyo ng bawat isa -- ito’y nakapaloob sa State of the Nation Address (SONA) at hinihingi ang pakikiisa ng mamamayan sa pagresolba ng problema at samahan sa isang matuwid na landas.
Napakasimple ang mensahe ng “Simpleng Pangulo”, hindi puwedeng puro reklamo ang gawin ni Juan dela Cruz sa isyung nababasa sa peryodiko at nasasaksihan sa bawat kanto, bagkus, makibahagi sa paghahanap ng solusyon kung nais makitang umaasenso ang kapitbahay at buong komunidad nito.
Iyon nga lang, tila walang tinamaan sa SONA ni PNoy, aba’y nagkalat pa rin ang mga tulisan at nagpalit lamang ng costume!
Ang nakakalungkot, samu’t-saring reklamo ang ipinupukol kay PNoy at sandamakmak ang suhestyon ng mga nagpapakilalang ‘righteous’, animo’y walang bahid ng katiwalian ang mga kamay gayong hanggang dulo ng mga kuko nito’y nakamarka ang ninakaw sa gobyerno, as in nagpasasa sa kapangyarihan at kabilang sa mga naglustay ng pondo ng nakaraang administrasyon.
Ika nga ni PNoy, paanong makakakuha ng trabaho ang mga taong hindi nabigyan ng pagkakataong mag-aral?
Paano magiging consumer kung walang trabaho? At paano magkakaroon ng bank account o makakapag-impok kung walang sinusuweldo?
Ibig sabihin, kailangang tulungan at dagdagan ang kakayahan ng kapwa para maging mabunga at maging isang mabuting Pilipino.
***
Bago malihis ang kaisipan ng publiko kung ano ang nilalaman ng Executive Order No. 4, napakasimple lamang ang explanation, ipinag-utos ni PNoy ang pagbabago sa pangalan ng Office of the Press Secretary (OPS) bilang Presidential Communications Operations Office (PCOO) at nilikha ang Presidential Communication Development and Strategic Planning Office (PCDSPO) bilang katuwang nito.
Ibig sabihin, iisang opisina at iisang pondo ang gagamitin ng nakaupong pinuno.
Hindi bago ang pagkakaroon ng dalawang pinuno na kapareho ang ranggo sa iisang ahensya o departamento, malinaw ang sistema sa Amerika -- ito’y merong 11-man director, sa ilalim ng pangangasiwa ng White House Communication Director (dating Assistant to the President for Communications):
Special Consultant to the President for Media Affairs; Deputy Director of Communications; Director of Speech Writing; Director for New Media; Director of Media Affairs; Director of Broadcast Media; Director of Specialty Media; Director of Hispanic Media; Director of Citizen Participation at Director of American Media.
Bagama’t napakaliit ng Pilipinas kumpara sa Amerika, hindi nagkakalayo ang sitwasyon ng dalawang bansa, aba’y matalisod ka lamang, ibang lengguwahe ang maririnig sa kabilang kalsada.
Kaya’t binago ni PNoy ang makalumang sistema dahil naging malaking ‘junta’ ng iisang tao ang government broadcast facilities -- ito’y ‘binaboy’ at ginawang ‘gatasan’ ng isang “Malaking Daga”.
Ang pinakamasakit sa lahat, nasira ang imahe ng OPS at nangibabaw ang isang maliit na ahensiyang pinangangasiwaan ng isang “Malaking Daga” dahil ginamit ang posisyon upang gawing junta ang kapangyarihang ipinagkaloob ng MalacaƱang.
Laging tandaan: Bata niyo ko at Ako ang Spy niyo.
(mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment