Monday, August 9, 2010

Agosto 9, 2010 Abante Tonite

Sinasalo lahat ni PNoy!
Rey Marfil


Sa 15-pahinang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno Simeon ‘PNoy’ Aquino III, mas nasentro ang headlines ng mga peryodiko, mapa-broadsheets at tabloid sa ‘dagat ng bigas’ ng National Food Authority (NFA) o sobra-sobrang importasyon at iilan lamang ang nakapansin sa power rate hike ngayong Agosto, malinaw ang babala ng progresibong grupo sa P14/kwh increase.


Ang magandang balita, ito’y kaagad binara ni presi­dential spokesman Edwin Lacierda at binigyang-diing bababa ang power rate sa susunod na buwan, alinsunod sa kanilang pag-uusap ni Energy (DOE) Sec. Rene Almendras.

Anumang oras matapos ang rehabilitasyon ng San Jose Sub-station sa Bulacan -- ito ang naghahatid ng power supply sa Metro Manila at inaasahang mababawa­san ang singil sa konsumo ng kuryente.


Malinaw sa SONA ni PNoy ang problemang iniwan ni Mrs. Gloria Arroyo sa National Power Corporation (Napocor).

Kung babalikan ang page 5 ng SONA ni PNoy, nakadetalye kung paano puwersahang ipinabenta ng palugi ng administrasyon Arroyo ang kuryente sa Napocor, simula taong 2001 hanggang 2004 upang hindi tumaas ang presyo at kasing-linaw ng gin, bulag ang katotohanang konektado sa 2004 national elections.


Ang sabi ni PNoy: Sumagad ang pagkakabaon sa utang ng Napocor noong 2004 at napilitan ang national government na saluhin ang P200 bilyong utang nito.

Lingid sa kaalaman ng publiko, hindi nakatipid sa kuryente ang gob­yerno dahil binabayaran ni Juan dela Cruz ang inaakalang natipid.

Sa simpleng pag-analisa ng “Simpleng Pangulo” -- meron ng gastos sa kuryente, binabayaran pa ng bawat Pinoy ang pagkakautang ng gobyerno”.


Kung naging matino ang pag-utang ng gobyerno at hindi nagamit sa maling pulitika o ibinatay sa pangangaila­ngan ng nasasakupan, katulad ng pahayag ni PNoy, maaa­ring nadagdagan ang kasiguruhan sa power supply at hindi kinakabahan sa blackout tuwing sasapit ang tag-araw.
***


Maliban sa Napocor, ganito rin ang nakita ni PNoy sa Metro Railway Transit (MRT), hindi ba’t harapang ‘binili’ ng nakaraang administrasyon ang ‘pagmamahal’ ng commuters at pilit pinananatiling mababa ang pamasahe?

Sa pagpasok ng Aquino administration, namimiligrong makasuhan kapag hindi naipatupad ang karampatang fare increase.


Sa simpleng pananalita ng ‘Simpleng Pangulo’ -- hindi magampanpan ang garantiyang ibinigay sa operator para mabawi ang kanilang puhunan at nagawa pang utusan ang Land Bank of the Philippines (LBP) at Development Bank of the Philippines (DBP) na bilhin ang MRT.

Ibig sabihin, ipinagpalit sa naluluging operasyon ang salapi ni Juan dela Cruz.


Ngayong nakaumang ang pagtaas ng pasahe kada MRT at LRT station, ito’y isisisi kay PNoy gayong sa mahabang panahon, simula ng maupo si Mrs. Arroyo noong 2001 via EDSA II, iniwasang ipatupad ang fare hike dahil unpopular ang isyu, sa takot sumadsad ang popularidad sa ‘double zero’, lalo pa’t merong isyung nandaya noong 2004 elections.


Kung susuriin ang sitwasyon, napapanahong ipatupad ang fare hike, aba’y subukang mag-jeep mula Baclaran patungong Monumento, halos pumapalo sa P40.00 ang pasahe at hindi pa naka-air-con samantalang P15.00 lamang sa MRT at LRT na hindi pa pinagpawisan ang pasahero.

Kaya’t dapat maintindihan ng publiko na merong negosyante ang namuhunan at umiiyak sa maling patakaran ng nakaraang administrasyon.

Kung ganito ang magi­ging kalarakan, sino pang magnenegosyo? At huwag ding magreklamo kung nababaon sa kababayad ng utang ang gobyerno. Laging tandaan: Bata niyo ko at Ako ang Spy niyo.


(mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: