Hindi man lamang tinamaan ng konting hiya sa katawan ang ilang kaporal ng nagdaang administrasyon, aba’y nangunguna pang kumutya sa kahinaan ng Philippine National Police (PNP) sa nangyaring hostage drama gayong unang dapat sisihin kung bakit nauwi sa komedya ang pag-assault kay ex-Senior Insp. Rolando Mendoza at kung bakit nanganganib ang buhay ng mga Pinoy workers sa Hong Kong.
Sa halip na manahimik at itikom ang kanilang bunganga kung bakit mala-pelikulang ‘Police Academy: Philippine version’ ang eksena sa Quirino Grandstand, mismong galamay ni Mrs. Gloria Arroyo ang nagpamukha sa buong mundo kung paano pinabayaan ang kapulisan, gayong sila mismo ang ‘mastermind’ o may gawa nito at nagsakripisyo ang bagong administrasyon na nasa 56 days pa lamang ngayon.
Pinagtatawanan ang Pilipinas sa buong mundo dahil palpak ang paghawak sa hostage drama at inuupakan ng mga galamay ni Mrs. Arroyo si Pangulong Benigno Simeon ‘PNoy’ Aquino III dahil mahina at palpak ang PNP, tila nakalimutang manalamin ng mga kumag at itanong sa sarili ang katagang “Kayo po ba ‘yan Ma’am”, hindi ba’t 9-taong ‘nagreyna’ si Mrs. Arroyo, aba’y nasaan ang PNP modernization program?
Bago ibinuka ng mga kampon ni Mrs. Arroyo ang kanilang bunganga, sana’y inisip kung saan ginamit ang multibilyong intelligence fund upang palakasin ang police force at saan napunta ang P21 milyong pondo ng Pagcor, hindi ba’t ipinambili sa McDonald’s at kinasangkapan ang kapulisan upang ma-divert ang pinagkagastusan?
Kung hindi pinagnanakaw ang pondo, mapa-fertilizer scandal hanggang midnight deals noong nakaraang halalan at hindi ipinansuhol sa mga heneral, katulad ng akusasyon sa kanilang Ma’am, hindi sana pipitsuging lubid ang ipinanghila ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa pintuan ng tourist bus.
Sa dami ng pondong tumagas, sampu ng mga eskandalong naimbestigahan sa Batasan at GSIS Compound, makakabili ng saku-sakong palakol o maso ang MPD at hindi sana nahirapang gibain ang bintana ng bus.
Sa malamang, pati Quirino Grandstand kayang bilhin ng kapulisan. Higit sa lahat, naka-bullet proof vest at naka-night vision goggles, as in sophisticated equipment ang Special Action Force (SAF) ng sumabak.
***
Napag-uusapan ang hostage taker, isang malaking palaisipan sa kapulisan kung sino ang iba pang kausap sa cellular phone, maliban sa negosyador bago pinagbabaril ang mga hostage at naganap ang madugong assault -- ito’y iniimbestigahan, lalo pa’t nagbago ang ‘mood’ ni Mendoza bago pa man nagwala sa national television ang kanyang kuya.
Ang ikinagulat ng MalacaƱang Press Corps (MPC) sa Press Working Area (PWA) habang naka-monitor sa television -- pagkatapos humupa ang tensyon sa Luneta, aba’y kauna-unahang umakyat sa bus ang chief photographer ni Mrs. Arroyo -- si Gerry Carual, maliban kung namalik-mata lamang ang mga mediamen o kaya’y hindi nag-iisa ang pagmumukha nito.
In fairness kay Carual, ito’y rescue volunteer kaya’t hindi kuwestyon ang pagtulong sa mga hostage victim, subalit hindi rin lingid sa kaalaman ng mga nakakilala dito kung gaano ka-close kay Mrs. Arroyo, hindi ba’t binigyan pa ng sariling ‘emperyo’ sa Palasyo kahit merong sariling dibisyon ang OPS-Photogs?
At ngayong iniimbestigahan ang huling kausap ni Mendoza sa telepono, ni sa paninigip, ayokong isiping may koneksyon ang bawat pangyayari sa loob ng bus.
Anyway, taga-Batangas si Mendoza at nagkataong kababayan din si ex-Executive Secretary Leandro Mendoza kaya’t tinatanong ng mga kurimaw kung magkamag-anak ang dalawa.
Laging tandaan: Bata niyo ko at Ako ang Spy niyo. (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment