Wednesday, August 18, 2010

Agosto 13 2010 Abante Tonite

May rason si PNoy!
Rey Marfil


Walang atrasan ang barangay at Sanguniang Kabataan (SK) elections ngayong Oktubre at balik sa Agosto 21 (Sabado) ang “Ninoy Aquino Day”, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Benigno Simeon ‘PNoy’ Aquino III.

Kaya’t may pasok sa Agosto 23 (Lunes) at masuwerte ang “Saturday Group” -- ito’y special holiday, as in non-working day.


Hindi na kailangan pang pag-isipan kung bakit pina­boran ni PNoy ang barangay at SK election ngayong Oktub­re, aba’y subukang kumuha ng barangay clea­rance, karamihan dito’y kinapitan ng lumot sa tagal ng panunungkulan at hindi makapirma sa sobrang tanda o kaya’y anak ang nagpapatakbo ng komunidad dahil hindi na makabangon sa higaan ang lehitimong kapitan.


Higit sa lahat, paano magkakaroon ng katuparan ang ‘matuwid na daan’ ni PNoy kung araw-araw bad trip ang buong komunidad sa nakaupong barangay chairman dahil saksakan ng arogante, iresponsable at corrupt, ala­ngang lumipat sa ibang barangay at hindi naman paso ang lupang kinatitirikan ng kanilang bahay, maliban kung nangungupahan?


Maging sa usapin ng Sanguniang Kabataan, ito’y isang napakalaking kalokohan, aba’y maagang kinu-corrupt ang isipan ng mga kabataan kabaliktaran sa hangaring maturuan at linangin sa pamamalakad ng pamahalaan.

Suriin ang mga nakaupong SK chairman o kaya’y SK kagawad, hindi ba’t anak at pamangkin nina mayor, gobernador at congressman?

Kapag hindi pa nahiya sa kanilang balat, pati apo sa tuhod gustong gawing ‘muse’ ng barangay?


Ang pinakamalupit sa lahat, naturingang SK chairman o SK kagawad ang posisyong inuokupahan, karamihan dito’y lagpasan sa edad ng kabataan dahil pala­ging napu-postpone ang halalan.

Ika nga ni Director Mar Rodri­guez, ilan dito’y malapit ng magka-apo subalit kinakatawan pa rin ang mga kabataan sa kanilang barangay dahil palaging inirarason ng nakaraang administras­yon ang malaking gastusin ng pamahalaan gayong multi-bilyong piso ang ninanakaw.
***


Napag-uusapan ang “Ninoy Aquino Day”, dapat maintindihan ng publiko kung ano ang mas malaking epekto sa ekonomiya kapag inililipat ng ibang araw ang holiday o sobra-sobra ang non-working days.

Ngayong kinakapos ng pondo ang gobyerno at mara­ming ‘iniwang bakas’ si Mrs. Gloria Arroyo, kaila­ngan ang sakripisyo ng bawat Pilipino -- ito’y hindi kakayaning mag-isa ni PNoy.

Aanhin ang isang araw na bakasyon kung magiging kapalit nito’y karagdagang pagkain sa mga nagugutom?


Multi-bilyon ang nawawala sa negosyo kapag naililipat ang holiday sa working days, ito’y malaking kawalan sa gobyerno dahil maaantala ang transaksyon lalo pa’t Lunes ang Agosto 23, katulad ng naisabatas ng Kongreso na awtomatikong ililipat sa pinakamalapit na araw (weekdays) kapag pumatak ng weekend ang special ho­liday.

Isa pang dapat isipin ng publiko, napaka-importante kay PNoy ang August 21 -- ito ang petsa na pinaslang ang amang si Ninoy at ito rin ang simbolo sa pagtayong ama ng pamilya nito.

Kaya nga hindi nakakapag-asawa hanggang ngayon.
Sa naging desisyon ng Palasyo, asahang mag-aalburoto si Senador Joker Arroyo na ‘mastermind’ sa paglipat ng mga special holiday lalo pa’t ‘mortal enemy’ si PNoy sa committee hearing at session hall noong 14th Congress, mapa-Malolos Constitution hanggang paglikha ng ‘special district’ ni Cong. Dato Arroyo na pinalagan ng Pa­ngulo (PNoy) bilang chairman ng Senate committee on local government. Laging tandaan: ‘Bata niyo ko at Ako ang Spy niyo.’


(mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: