(Part 2)
Narito ang ikalawang bahagi ng pasabog ni “Matuwid Kong Anino” tungkol sa malawakang katiwalian at iba pang ‘karaketan’, as in illegal activities sa National Food Authority (NFA) ng nakaraang administrasyon:
Ngayon, mabalik tayo sa bidding, saan ka makakakita ng alas-12:00 ng madaling-araw ang pila, samantalang maliwanag sa guidelines na alas-otso ng umaga ang umpisa.
Kaya ang nangyari, umiiyak at umuuwing luhaan na lang ang natalong bidder, sapagkat ang mga taong tinutukoy ko sa itaas (Ms. AT at Mr. SJ) ay minamanipula ang mga binabayaran nilang NFA officers.
Bakit nga ba ganu’n na lang ang proteksyon na kanilang ginagawa?
Iyan ang tanong ng ating mga kurimaw?
Ang siste, may rebate kasi na pagpapartihan ng mga ganid sa pera na P1.00 at 50 sentimos kasi per kilo ang ibabalik sa kanila, ayon sa guidelines.
Nagbayad nga ng service fee na P2.00 (para pamalit sa ‘di pagbabayad ng taripa sa Bureau of Customs), tapos ibabalik din sa kanila.
Sobrang ganid at wise ano po?
Malaking buwis at pera ng bayan ang nawawala talaga kapag nagpatuloy iyan.
Tapos, nu’ng wala nang nagreklamo dahil ang iba ay napangakuan na bibigyan sila ng alokasyon -- hayun, tuloy ang ‘happy-happy’.
Ganyan ang sindikato kung gumalaw. Kaya mag-ingat si NFA administrator Lito Banayo dahil baka mapunta lang sa kangkungan ang ginagawa niyang imbestigasyon.
Magkakutsaba kasi ang mga traders, farmers cooperatives at mga tinamaang opisyal ng kanyang ahensiya.
Oo nga pala, pagkatapos nilang makuha ang alokasyon, ipinagbibili nila ngayon iyong napanalunan nilang alokasyon na may patong.
At P250.00 kada bag naman ngayon. Aba naman, kagagaling po ano?
Laway lang ang puhunan. Kaya kung susumahin mo iyong kuwenta, mahigit P200 milyon hanggang P400 milyon ang kanilang kita.
Kaya’t ipatawag lahat ang mga sumali sa bidding na iyon para sila ay gisahin sa imbestigasyon.
Tingnan mo Ka Rey, magsisipagtago ang mga iyan at bahag ang buntot sa nerbiyos ang kanilang nararamdaman ngayon. Sigurado ‘yan.
Magkakaalaman talaga kapag nagkataon, nang sa gayon, malilinis natin ng unti-unti ang bayan natin.
Marami na akong nasabi sa ngayon, umpisa pa lang iyan.
Kung meron kang tanong sa mga bagay na sinabi ko, itanong mo na lang at sasagutin ko.
Marami pa akong ibibigay na impormasyon sa iyo na malaking tulong sa pag-iimbestiga ng mga katiwalian sa NFA. Sa susunod Ka Rey.
“Tandaan, Ako ang Spy mo sa isang matuwid na landas”.
Mananatiling tapat sa hangaring maging maayos ang bayan natin.
Batiin mo sana ako sa alyas na “Matuwid Kong Anino”. Pagpalain tayo ng Poong Maykapal.
Email sender: Matuwid Kong Anino
Spy’s Note: Ipinarating ni administrator Banayo sa inyong lingkod ang pag-aksyon sa sumbong ni Matuwid Kong Anino at makakaasa ang publiko ng resulta tungo sa matuwid na landas na ipinangako ni Pangulong Benigno Simeon ‘PNoy’ Aquino III. Laging tandaan: Bata niyo ko at Ako ang Spy niyo.
(mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment