Sa hanay ng mga naupong presidente, simula kay Emilio Aguinaldo, mapa-Commonwealth hanggang magsarili ang mga Pilipino, walang kasing-tapang si Pampanga Congw. Gloria Macapagal-Arroyo kahit pa ihambing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos, aba’y hindi man lamang tumayo ang balahibo sa makailang-beses na pagpapraktis ng rebel group at nagawa pang ipakulong ang tropang Magdalo at napaamong parang tuta ang ilan dito.
Makailang-beses tinangkang patalsikin si Mrs. Arroyo ng iba’t ibang uri ng disgruntled group, mapamilitar man, na hindi kaya nitong bahugan ng promosyon hanggang sa kaliit-liitang hanay ng oposisyon at militant sector, subalit hindi natinag at ginawa pang extension ang North Harbor, animo’y na-convert sa malaking pier ang Palasyo sa dami ng container van na ipinangharang, huwag lamang ma-evict sa poder ito.
Alam niyo na ngayon kung bakit naging kinatawan ng mga guwardiya si Ang Galing Pinoy partylist Rep. Mikey Arroyo, ito’y merong pinagmanahan sa kanyang ina kung galing at husay sa pagbabantay ang kompetisyon.
In fairness kay Mikey, ito’y may karapatang rumesbak sa ibang sectoral group, partikular ang mga nagmamalinis at nagpapakilalang lehitimong organisasyon gayong ilan dito’y binili din lamang ang posisyon sa Kongreso.
Kung si ex-Secretary Angelo Reyes umaastang sugo ng mga tsuper at operator, wala ring pinag-iba si Mikey, maging ng ilan pang sectoral group, mapa-cooperative hanggang barangay association.
Tanging question lamang, nasaan ang delicadeza ng pamilya Arroyo lalo pa’t nagkumpulan sa Kongreso ang buong angkan?
Kung nakabalik pa si ex-Partylist Rep. Marilou Arroyo, kumpleto ang ‘1st 5 defensive team’ sa Lower House.
***
Napag-uusapan ang tapang ni Mrs. Arroyo, hindi pa rin nagbabago ng estilo ang “Mahal na Pangulo” ni Little Mike Defensor, aba’y kung sinu-sino ang pinapasalag sa lahat ng banat, as in puro pa rin takbo gayong napakatapang gumawa ng kabulastugan sa loob ng siyam na taon, maliban kung bulag at bingi si Albay Cong. Edcel Lagman kaya’t kaliwa’t-kanan ang depensa sa kanyang Ma’am?
Ngayong nakabalik sa Pilipinas at naiwasan ni Mrs. Arroyo ang posibleng pagdugo ng tainga sa mga pasabog at paniningil sa kanyang kasalanan sa SONA, napapanahong humugot ng ‘fighting spirit’ kay Sarangani Cong. Manny Pacquiao, ito’y tumayo sa floor at nagsalita.
Ang tanong lamang: Kaya bang salagin ni Mrs. Arroyo ang suntok ng mga taga-mayorya lalo pa’t nagtalunan sa ibang bakuran ang mga dating katropa?
Kung sadyang matapang at walang takot si Mrs. Arroyo sa lahat ng mga eskandalong kinasangkutan o malinis ang kanyang budhi at walang bahid ng katiwalian ang mga kamay, sampu ng mga galamay, katulad ng ipinakitang imahe sa sambayanang Pilipino sa loob ng 9-taon, bakit allergic sa Executive Order No. 1 na inilabas ng MalacaƱang?
Ika nga ni Assistant Secretary (Asec.) Zaldy dela Yola, hindi kailangang katakutan ni Mrs. Arroyo ang Truth Commission kung naging totoo sa sarili at lalong hindi dapat ‘dagain sa dibdib’ kung busilak ang kalooban.
Hindi ba’t puro “paglulubid ng buhangin” ang resbak ni Atty. Jess Santos sa mga nagdadawit kay First Gentleman Mike Arroyo sa mga katiwalian, kaya’t hindi dapat matakot kung nagsimulang ipunin ni Pangulong Noynoy Aquino ang mga buhanging iniwan. Laging tandaan: “Bata niyo ko at Ako ang Spy niyo”.
(mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment