Hindi kailangang UP graduate para maintindihan ang babala ni Pangulong Benigno Simeon ‘PNoy’ Aquino III laban sa mga car smugglers, ito’y walang puwang sa kanyang gobyerno.
Hindi ba’t merong negosyanteng nasampolan, ilang oras makaraang magtalumpati si PNoy sa harap ng mga car manufacturer sa World Trade Center noong Agosto 19? Mantakin niyo, sandamakmak ang mamahaling sasakyan ng negosyante, hindi man lamang kinilabutan sa sarili tuwing tinatakasan ang pagbabayad ng buwis.
Sa “All Leaders Summit”, maging sa 10th Bayer Young Environment Envoys Awards at 3rd Philippine International Motor Show (PIMS) ng Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines (CAMPI), malinaw ang mensahe ni PNoy, merong “kalalagyan” ang lahat ng mga tiwali at lihis ang landas.
Mismong si PNoy, napansin ang pagsabay ng ibon sa kanyang paglalakad -- nangangahulugang ito’y kumbinsido sa malinis na pamamahala kaya’t dapat nang magpahinga ang mga kawatan.
Sa nakaraang administrasyon, nagingmalaking “smuggling industry” sa iba’t ibang daungan ang ‘second hand car’, maging ang pagko-convert sa surplus vehicles bilang left hand drive, aba’y isinasabay ang mga bagong modelo upang makaiwas sa malaking buwis.
Kung magpapatuloy ang ganitong kalakaran, nanganganib mawalan ng trabaho ang 74,700 Pinoy na nasa vehicle assemblers industry.
Sa datos ng Department of Labor and Employment (DOLE), tinatayang P100 bilyon ang automotive industry sa Pilipinas at malaking tulong sa ekonomiya ng bansa -- ito’y nakakapag-ambag ng P20 bilyon sa buwis at P325 milyong withholding tax kada taon.
Sa unang 6 months, nakapagtala ng 37.1% pag-angat ang automotive industry, malinaw ang kumpiyansa kay PNoy ng mga negosyante.
***
Napag-uusapan ang All Leaders Summit at 10th Bayer Young Environment Envoys Awards, mabigat ang deklarasyon ni PNoy, makakatikim ng kaparusahan ang sumisira sa kalikasan at nagdudumi sa ilog.
Take note: Isang mahabang tanawin ni PNoy pagkagising sa umaga ang Pasig River at nagsisilbing malaking swimming pool sa Bahay Pangarap bago tumawid ng Guest House para mag-office.
Ang babala ni PNoy, hindi lamang papatawan ng mabigat na kaparusahan, bagkus, sasalang sa 15 days community service ang sinumang mahuhuling nagtatapon ng basura sa Pasig River at sumisira sa kapaligiran.
Ibig sabihin, mag-ingat ang mga nakakurbata sa Makati area at nagmamay-ari ng mga naglalakihang kumpanyang sumasalaula sa environment -- ito’y maglilinis ng imburnal at kubeta kapag naaktuhang nagtatapon ng balat ng kendi at upos ng sigarilyo sa kalsada.
Hindi lingid sa kaalaman ng publiko kung gaano kaimportante sa mga taga-Metro Manila ang 25-kilometrong Pasig River mula Laguna de Bay hanggang Look ng Maynila -- ito ang pinakamabilis at pangunahing ruta ng transportasyon.
Ang nakakalungkot, nasa ‘critical water body’ ang Pasig River, dahil tone-toneladang basura ang itinatapon kada araw mula sa kabahayan at industriyang nakatayo sa gilid nito.
Sa loob ng anim na taon, puntiryang mapagtagumpayan ang paglilinis sa Pasig River kaya’t malaking hamon ang kinakaharap, hindi lamang ni PNoy, bagkus, ng humigit-kumulang 100 milyong Pinoy.
Anyway, kung napatalsik ang diktaduryang Marcos via People Power Revolution, hindi panaginip ang makapag-picnic sa Pasig River kung magkakapit-bisig ang bawat Pinoy, katulad sa panalo ni PNoy ng nakaraang eleksyon. Laging tandaan: Bata niyo ko at Ako ang Spy niyo.
(mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment