Ngayong Semana Santa, bakit hindi magtika ang mga kampon ni Mrs. Arroyo, katulad ni Jocjoc Bolante, aba’y pagkatapos pagkakitaan ang pondo ng mga magsasaka noong 2004 elections, ito’y tatakbo pang gobernador at walang ibang napiling lugar kundi ang lalawigan ng boypren ni Ate Koring -- ang Capiz. Kapag nagkataon, hindi lang abono ang aanurin, baka Office of the Governor mailista sa tubig. Ang tanong lamang, bakit ‘no comment’ ang office ni Boy PI, as in Mar Roxas gayong napakalakas ng loob magmura at mag-sumigaw ng P... Ina sa harap ng media, maliban kung takot mawalan ng boto at suporta sa sariling bayan?
Hanggang ngayon, shock si Ronald Peral, isa lamang sa constituent ni Roxas kung anong mukhang ihaharap ng mga taga-Capiz sa buong mundo kapag naupong gobernador si Bolante. Sa isang baranggay fiesta noong Marso 17, ‘special guest’ ang tinaguriang ‘grand master’ sa pagda-divert ng multi-bilyong fertilizer fund at ipinakilala pang ‘next Governor’ ng isang alkalde.
Ika nga ni Ronald, ‘I was surprised when he was introduced by our mayor as the next governor of Capiz. I can’t imagine that he is our next governor.’ Maaaring ‘na-surprise’ si Ronald pero hindi ang mga kurimaw, rebyuhin ang mga nakapalibot sa misis ni Jose Pidal, hindi ba’t kasapakat sa dayaan at nasangkot sa iba’t ibang katiwalian?
***
Sa lahat ng gabinete ni Mrs. Arroyo, malamang kapos ang tatlong (3) araw, simula Huwebes Santo hanggang Linggo ng Pagkabuhay para pagnilayan ni DOJ Sec. Raul Gonzalez ang pagkakamali sa buhay, hindi lamang ang demolition job, nagiging almusal ni Senator Ping Lacson, simula pagbuhay sa Kuratong Baleleng hanggang script ni Cezar Mancao, kundi sa iba pang taong pinahiya at pinahirapan.
Balikan ang nakaraan, hindi ba’t pati kasal nina Cesar Montano at Sunshine Cruz, ito’y pinakialaman, kesyo magastos at bongga ang handaan sa Coconut Palace, gayong kahit isang singkong duling, hindi naman hiningan ng mag-asawa, maliban kung nagpapa-imbita?
Maliban sa ‘Buboy-Sunshine wedding’, hindi rin pinatawad ni ‘Sir Raul ko’ ang dalawang (2) biyuda-sina ex-President Cory Aquino at Susan Roces. Mantakin bang pagsabihan ang misis ni Da King na ‘sobrang maganda para makulong’ gayong nagpakatotoo lamang sa deklarasyong ‘You cheated the Presidency, Not once but twice’ maliban kung tatlo ang bilang ni ‘Sir Raul ko’, kasama ang ‘Maguindanao magic’ noong 2007 polls?
Maging si Kris Aquino, idinamay ni ‘Sir Raul ko’ sa ‘katalasan’ ng kanyang dila para lamang maresbakan si Tita Cory at ‘feeling-stage father’ nang pagsabihang hindi magawang rendahan ang anak. Hindi man lamang inisip ni ‘Sir Raul ko’ na utang sa Aquino administration ang pagkaka-upong Tanodbayan, iyon nga lang nasibbak sa eskandalong sinabitan!
Pinakahuling biktima ni ‘Sir Raul ko’ ang umano’y tatlong (3) reporter na inutusan ni Lacson magbitbit ng US$100 libong piyansa ni ex-Col. Glenn Dumlao sa Amerika. Ni sa panaginip, ayokong isiping nagha-hallucinate si ‘Sir Raul ko’, aba’y nangangailangan ng sampung (10) tao para mailusot sa US immigration ang salaping ito, as in US$10 libo lamang ang allowed bawat pasahero.
Kung pamilya ni ex-AFP comptroller Rodolfo Garcia nasabat, iyon pa kayang pinagbibintangang mediamen? Hindi lang iyan, animo’y merong pinanghahawakang ebidensiya kung magsalita at napakalakas pang pangalanan si Raymond Burgos. Kung nag-aaral lamang ng homework ang mga kaporal ni ‘Sir Raul ko’ sa Bureau of Immigration and Deportation (BID), hindi sana ‘nakuryente’ at nadiskubreng paso ang US visa ni Raymond.
Kung nagkataong bebot si text message, sa malamang, ito’y matagal nang nanganak at nagka-apo, aba’y ‘pinapatulan’ ni ‘Sir Raul ko’ ang mga malisyosong text message na kumakalat.
At sa malamang, naisama sa intriga at nilagyan ng malisya ang Christmas vacation naming mag-asawa sa Texas na nakakahiya sa aking hipag na kumargo sa lahat. Sabi ng namayapa kong ina ‘Ang taong naniniwala sa sabi-sabi, ito’y walang bait sa sarili’. Siguro naman ‘present’ si ‘Sir Raul ko’ nang ituro sa Grade One ang kasabihang ito, maliban kung ‘tulo-laway’ na natutulog sa bangko o kaya’y umeskapo para kainin ang baon sa likod ng classroom na sa tingin ng Spy, ito’y hindi magagawa nang ‘Sir Raul ko’. (www.mgakurimaw.blogsot.com)