Welcome back! | |
REY MARFIL Sa kautusan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino, isinailalim sa preventive suspension ng nakaraang Lunes (March 28) ang lahat ng tiwaling tauhan ng Bureau of Customs (BOC) o ginagawang ‘gatasan’ ang posisyon sa pamahalaan, partikular ang mga isinasangkot sa smuggling at iba pang sinampahan ng reklamo o criminal complaints. Layunin ng direktiba ni PNoy kay BOC Commissioner Lito Alvarez na malinis ang buong ahensya at maibalik ang pagtitiwala ng publiko. Higit sa lahat, maiwasang maimpluwensyahan ang resulta ng ginagawang imbestigasyon sa technical smuggling. ‘Ika nga ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Sec. Sonny Coloma -- ito’y isang patotoo kung gaano kaseryoso ang Pangulo sa anti-corruption drive. Anyway, happy birthday kay Sec. Sonny at mismong si PNoy ang nanguna sa pagkanta ng ‘happy song’ sa cabinet meeting ng nakaraang Lunes. Sa nagdaang panahon, kasing-kapal ng history books ang smuggling sa BOC -- ito ang malaking rason kung bakit ipinag-utos ni PNoy ang pag-imbestiga sa lahat ng Custom personnel na nagkaroon ng papel sa pagri-release ng mga smuggled products at lantarang nagmamanipula para pagkakitaan ang mga nakukumpiskang kontrabando dahil paulit-ulit lamang ang kuwento sa Port area. Sa pamamagitan ng Run After Smugglers (RATS) Group, lahat ng BOC personnel na isinasangkot sa technical smuggling at lumabag sa Custom and Tariff Code -- ito’y pinaiimbestigahan ni PNoy; ipagharap ng kaso at ‘pinasusungalngal’ ng ebidensya upang tuluyang mawala sa ahensya at hindi pamarisan ng ilan pang nagbabalak gumawa ng kabulastugan. Damay sa direktiba ni PNoy ang brokers accreditation privilege -- ito’y pinahihimay kay Custom Deputy Commissioner at RATS executive director Gregorio Chavez, kalakip ang kautusang suspendihin ang prebilehiyong ipinagkakaloob, anumang oras masangkot sa technical smuggling o makasuhan ng BOC’s Legal Service. Sa isinumiteng report ni Chavez sa Malacañang -- isang dosenang tauhan ng BOC, as in labindalawang (12) personnel ang nasampahan ng kaso, kinabibilangan ng operations officers, examiners at document processors -- ito’y nahaharap sa smuggling at corruption cases, sampu ng importers na pinoprotektahan ng mga ito. Mula July 2010 hanggang kalagitnaan ng March 2011, tatlumpung (30) kaso ang naisampa ng BOC sa Department of Justice (DOJ) -- lahat ng mga ito’y importers at brokers ng mga armas, illegal drugs, high-end cars, heavy equipment, bigas, asukal, sibuyas, bakal, oil products at kung anu-ano pang kontrabando na napag-iisipang ipasok sa Pilipinas. *** Napag-usapan ang ‘anti-corruption drive’, aminin o hindi ng mga kritiko ni Senator Panfilo “Ping” Lacson, sampu ng mga kawatan sa nagdaang administrasyon -- sa malamang nanginginig ang kanilang laman sa panahong ito lalo pa’t nakabalik sa Pilipinas at maaaring masampolan kapag nagbalik-sesyon ang Kongreso. Anyway, malinaw ang mensahe ni Senator Ping -- ‘walang papel’ ang Malacañang sa pagkabasura ng warrant of arrest, maging sa senaryong bahagi ng Impeach Merci ang pagbabalik, ito’y ibinase sa ebidensya ng Court of Appeals (CA). Mismong senador, hindi maitago ang pagtatampo sa administrasyon, isang patunay na kailanman ay hindi nakikialam si PNoy sa trabaho ng hudikatura at lehislatura, hindi katulad sa nagdaang panahon, hindi ba’t “binaboy” ang lahat ang ahensya para pagtakpan ang kanilang kalokohan? Hindi biro ang pinagdaanan ni Senator Ping sa loob ng labintatlong (13) buwan, aba’y napakahirap mawalay sa pamilya at lalong nakakapagpababa ng moral ang kamuntikang pagkasibak sa trabaho ng mga tauhan. Ibig sabihin, hindi masisisi ang mambabatas kung resbakan ang mastermind lalo pa’t idinamay ang mga walang kinalaman. Sa kabuuan, isa ang inyong lingkod sa masaya ngayong ito’y nakabalik ng bansa. Welcome back Sir! Laging tandaan: “Bata n’yo ko at ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com) |
Wednesday, March 30, 2011
Monday, March 28, 2011
Masasaligan! | |
REY MARFIL |
Sa 32nd Philippine National Police Academy (PNPA) Commencement Exercises nu’ng nakaraang Sabado (March 26) sa Silang, Cavite, malinaw ang mensahe ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa 260-man member ng “Batch Masaligan” -- hindi grado at teoryang napag-aralan sa loob ng akademya ang sukatan o pamantayan ng mabuting pulis bagkus kung ilang buhay ang naisalba at kung naging kapaki-pakinabang sa bayan.
Hindi lingid sa kaalaman ng publiko, mahirap ang pinagdaanan ng isang kadete sa loob ng apat (4) na taon bago makuha ang ranggong Inspector, mapa-PNPA o Philippine Military Academy (PMA).
Maliban sa mga pagsusulit na nagpatalas sa isipan ng bawat isa, pinatibay din ng mga pagsubok, katulad ang paggapang sa putikan at pagbibilad sa katirikan ng araw subalit mas maraming pagsubok ang kahaharapin ngayong nakalabas ng eskuwelahan.
‘Ika nga ni PNoy -- “Walang binatbat ang mga teoryang natutuhan sa mga realidad paglabas ng akademya. Sa pagsabak sa lipunan, hindi mababang grado o demerit ang kapalit ng pagkakamali.
Ang bawat kababayang ipagtatanggol laban sa krimen, ililigtas sa sunog, babantayan sa loob ng mga piitan -- ito’y hindi mapapantayan ng anumang pabuya o medalya. Higit sa lahat, hindi matutumbasan ng grado ang buhay na maisasalba.”
Simple arithmetic at “mala-Claro M. Recto” sa linaw ang mensahe ni PNoy sa graduation rites -- maliban sa dunong at talinong ibinahagi sa PNPA, kakailanganin ng bagong Police Inspector, Fire Inspector at Jail Inspector ang prinsipyo para labanan ang katiwalian at kahirapan sa lipunan.
Isang malaking kalokohan kung hindi mahaharap sa senaryong susuhulan ng saku-sakong pera ang mga bagong PNPA graduates -- dito masusubok ang katapatan at karangalan ng bawat isa.
Maraming tukso sa labas ng akademya kaya’t umaasa si PNoy -- hindi magpapatalo at masasaligan ang “Batch Masaligan” ngayong nasa posisyon para ituwid ang ‘bali-balikong daan’ na nakagisnan.
Hindi kaila sa nakakarami kung paano nabalutan ng putik ang imahe ng kapulisan sa nagdaang panahon.
Take note: mismong si PNoy ay prangkahang ipinabatid sa PNPA graduates ang malaking hamong kinahaharap at ipinangakong hindi magiging “Kawawang Cowboy” ang kapulisan sa kanyang administrasyon -- “Na merong baril, walang bala at hikain ang kabayong dala.”
***
Napag-usapan ang PNP, itinuwid ni PNoy ang maling impresyon ng publiko sa kapulisan, sa ilalim ng kanyang administrasyon -- ito aniya’y nagbabagong-bihis at epektibo ang repormang ipinapatupad, patunay ang maraming accomplishment na naitala subalit hindi nabibigyan ng tamang espasyo o naibabalita.
Bagama’t hindi maiaalis ang “pagkapit sa patalim” ng ilang pulis, walang rason upang masangkot sa katiwalian lalo pa’t tinutugunan ni PNoy ang pangangailangan, mapa-umento at benepisyo, pinaka-latest ang murang pabahay na nagkakahalaga ng P200.00 kada buwan, ‘di hamak na napakalayo sa P3 libo hanggang P18 libong monthly amortization na inu-offer ng mga ahente ng iba’t ibang real estate company na nagkalat sa loob ng mga department store at kumakaway sa tabi ng kalsada.
Aminin o hindi ng mga kritiko ni PNoy, sampu ng mga pulitikong hindi makapag-move on sa resulta ng 2010 national elections at loyalista ng ilang talunang presidentiables, maraming repormang nagawa ang PNP sa nagdang sampung (10) buwan dangan lamang hindi napapansin dahil mas pinahahalagahan ang “bad news” at paglikha ng intriga para maitulak ang pansariling interes sa pamahalaan.
Dahil sa reporma, naibaba ng PNP ang carnapping sa huling bahagi ng taong 2010 -- mula 500 kaso, ito’y 200 kaso sa first quarter ng taong kasalukuyan.
Hindi lang iyan, kaagad ding nabigyang-linaw ang pagpatay kay Marlina Sumera Flores (dzME anchor); naresolba ang tatlo (3) pang media killings -- pamamaslang kina Gerardo Ortega, Jose Daguio at Miguel Belen, hindi ba’t natukoy at nahuli ang mga may-sala dahil sa sipag at dedikasyon ng kapulisan, maliban kung bulag at bingi ang mga kurimaw?
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Friday, March 25, 2011
Ginagastos sa tama! | |
REY MARFIL |
Hindi biro ang ginagastos ng gobyerno sa paglilikas ng mga overseas Filipino workers (OFWs), mapa-Japan o Libya, as in lahat ng paraan, ito’y ginagawa ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino, patunay ang pagkapit-bisig ng mga ahensya para pondohan ang pangangailangan sa repatriation.
Ang problema lamang, hindi sumisipot sa ‘tagpuan’ ang ilan nating kababayan kaya’t nasasayang ang salaping pinang-arkila ng bus.
Sa kabuuang P729.2 milyong inilaan ng pamahalaan sa repatriation, halos paubos ang pondo -- ito’y gumastos P459.9 milyon (as of March 10), kabilang ang P169.2 milyong ginamit sa Assistance to Nationals (ATN) fund ng Dept. of Foreign Affairs (DFA) kung saan P89.9 milyon ang nagmula sa 2010 Continuing Appropriations Fund.
Ang opisina ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Butch Abad -- ito’y naunang nagpakawala ng P50 milyon sa Department of Labor and Employment (DOLE) upang tustusan ang on going repatriation, pinaka-latest ang karagdagang P10 milyon mula sa 2010 Continuing Appropriations Fund. Ang P50 milyong ini-released ng DBM sa DOLE -- ito’y ginamit sa relocation, partikular sa pre-designated holding areas ng OFWs sa Libya.
Kasing-linaw ng ‘kuwatro-kantos’ na paborito ng mga tambay sa kanto ang instruction ni PNoy sa lahat ng departamento at ahensya ng pamahalaan -- magkapit-bisig ang DOLE, DFA, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Philippine Overseas Employment Administration (POEA) upang tulungan ang distressed OFWs, mapa-documented o undocumented.
***
Napag-usapan ang financial assistance at iba pang tulong ng pamahalaan, ramdam ngayon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang pagbabago at repormang ipinapatupad ni PNoy sa kanilang hanay, sa pamamagitan ng pagbibigay ng maayos na pabahay.
May kabuuang P3.7 bilyon ang inilaang pondo ni PNoy upang tustusan ang construction ng 20 libong housing units o pabahay ng mga kasundaluhan at kapulisan --ito’y babayaran lamang sa mababang halaga at ‘di hamak mas malaki kumpara sa condominium unit na ibinibenta ng mga land developer sa Metro Manila.
Kundi nagkakamali ang mga kurimaw, humigit-kumulang 140 libong pamilya ang makikinabang sa housing project na ipinagkaloob ni PNoy sa PNP at AFP -- ito’y plano pang palawakin sa Visayas at Mindanao kapag naging epektibo sa Luzon. Take note:
Maaaring hulugan lamang sa halagang P200.00 kada buwan kaya’t kalokohan kung meron pang sundalo at pulis ang naninirahan sa squatters area ngayong mababa ang monthly amortization, maliban kung maraming inuuwiang pamilya?
Hindi lang pabahay sa AFP at PNP ang tinututukan ni PNoy, noong nakaraang Martes, pinasinayaan ang construction ng mga kalsada at tulay sa Northern Mindanao, pinaka-latest ang Misamis Oriental road link at flyover project sa Cagayan De Oro.
Take note: Hindi sumakay sa bullet-proof vehicles (Ford Expedition) kahit meron banta sa seguridad -- ito’y umangkas sa Toyota Innova na sinasakyan ng mga security, kalakip ang hangaring makawayan ang mga residente dahil minsan lamang nakadalaw sa probinsya.
Sa kaalaman ng publiko, 10 kilometro ang layo sa kabisera ng Cagayan De Oro ang kalsadang pinasinayaan ni PNoy, partikular ang Opol-Basak-Tingalan road (2-lane) -- ito’y nakabawas ng P100.00 sa gastos ng mga commuters at 30 minuto sa biyahe.
Ang Opol ay isa sa pinakamalaking sakahan sa lalawigan at tinatayang 1,500 pamilyang magsasaka ang nakinabang dito. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Wednesday, March 23, 2011
Malinaw ang ebidensya! | |
Rey Marfil 03/23/2011 |
Sa harapang pagtatanong, hindi pa rin nagbabago ang approval and trust rating ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ito’y pinagkakatiwalaan ng tatlo (3) sa apat (4) na Pilipino at hindi nagsisinungaling ang ebidensya, malinaw ang resulta ng Pulse Asia survey, may petsang February 24 hanggang March 6 sa kabila ng samu’t saring pang-intriga at problemang kinaharap nito.
“No significant changes in the performance and trust rating of President Aquino occur between October 2010 and March 2011 -- at the national level and in all geographic areas and socio-economic groupings” -- ito ang simpleng explanation ng Pulse Asia. Ibig sabihin: nanatiling mataas ang pagtitiwala ng publiko kay PNoy sa nagdaang siyam (9) na buwan at walang pagbabago sa October 2010 survey.
Nakapagtala ng pinakamataas na approval at trust ratings si PNoy sa Visayas region. Pumalo sa 75% hanggang 86% ang approval ratings ng Pangulo habang 75% hanggang 87% ang naitalang trust ratings, maging sa ‘socio-economic groupings’, merong 78% hanggang 83% ang presidential performance nito.
Kapag sinuri ang approval ratings ni PNoy ngayong taon -- ito’y “naglalaro” sa 66% sa Metro Manila, 83% sa Visayas region habang 69% hanggang 80% sa tinaguriang “best of class ABC” at “poorest Class E”. Take note: nanatiling single-digit ang disapproval ratings ni PNoy sa national level -- ito’y nakapagtala lamang 7%.
Hindi lang iyan, maging sa iba’t ibang geographic areas -- ‘naglalaro’ lamang sa 4% hanggang 9% ang disapproval ratings ni PNoy habang 5% hanggang 8% sa socio-economic groupings. At kapag sinuri ang majority trust ratings sa lahat ng geographic areas -- nagtala ng 69% hanggang 84% si PNoy habang 71% hanggang 78% sa socio-economic classes.
Pinakamataas ang approval ratings ni PNoy sa usapin ng paglaban sa graft and corruption -- ito’y nakapagtala ng 56%; paglaban sa kriminalidad (54%) at pagpapalakas sa national peace situation (53%). Sa simpleng arithmetic: epektibo at tiwala ang nakakaraming Pilipino sa slogan nitong “Kung walang corrupt, walang mahirap” at “Daang Matuwid”.
Isinagawa ang survey sa panahong mainit ang usapin sa impeachment proceedings laban kay Ombudsman Merceditas Gutierrez; plea bargaining agreement na pinasok ni retired general Carlos Garcia; diplomatic row sa pagitan ng Pilipinas at Taiwan; pagsagip sa tatlong (3) Pinoy na bibitayin sa China; 25th anniversary ng EDSA revolution; evacuation ng mga Pinoy workers sa Libya at earthquake sa New Zealand.
***
Napag-usapan ang krisis sa Libya, merong sapat na pondo ang gobyerno para ilikas ang mga Pilipinong naiipit sa giyera, as in hindi isyu kay Budget and Management (DBM) Secretary Butch Abad ang pera -- ito’y merong inilaang P729.2 milyon. Ang problema, katigasan pa rin ng ulo ang rason kung bakit hindi agarang mailikas bago naganap ang pangbobomba. Hindi rin katwiran ang isyung mapanganib ang daan palabas ng Libya sa panahong ipinapatupad ang voluntary evacuation dahil nakalabas ang karamihan, maliban kung duwag?
Mapa-television, radyo at peryodiko, malinaw ang balita -- maraming Pinoy workers ang nagpaiwan sa pag-aakalang huhupa ang tension sa Libya at ngayong lumala ang gulo at umuulan ng mortar at bala, saka hinahanap ang tulong ng pamahalaan, maliban kung gusto pang pabuhat kay DFA Secretary Albert Romulo para isakay sa mga barko at bus.
Anyway, ipinakita ng mga kongresista ang katapatan sa sinumpaang tungkulin at pagiging independent. Sa bisa ng 210 votes, tuluyang iniakyat sa Upper House ang reklamo laban kay Gutierrez at hindi nagpasulsol ang tropa nina Cong. Niel Tupas at Cong. Rudy Fariñas sa kabila ng samu’t saring pang-iintriga bago ang botohan, katulad ang alegasyong marami ang nananakot at nakikialam para paboran ang pagbasura. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.”
(mgakurimaw.blogspot.com)
Monday, March 21, 2011
Maling gawa! | |
REY MARFIL |
Apat (4) sa limang (5) lalawigang sakop ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ang pumabor sa pagpapaliban ng eleksyon ngayong August 8 -- ito’y malinaw sa nilagdaan at isinumiteng manifesto nina Sulu Governor Abdusakur Tan, Tawi-Tawi Governor Sadikula Sahali, Manguindanao Governor Esmail Mangudadato at Basilan Governor Jum Akbar.
Ang gustong mangyari ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino, isabay sa 2013 mid-term national elections ang ARMM election, kalakip ang layuning mabago ang masamang imahe ng mga taga-Mindanao, katulad ang pagiging sentro ng dayaan tuwing eleksyon at magkaroon ng katuparan ang awtonomiya -- ito’y nakapaloob sa iba’t ibang manifesto na nilagdaan ng provincial at municipal executives.
Hindi lamang provincial governors at municipal executives ang pumabor sa postponement ng ARMM election, ganito rin ang nilalaman sa manifesto ng iba’t ibang organisasyon, civil society at Moro National Liberation Front (MNLF) -- ito’y humihingi ng intervention ni PNoy at ipatupad ang genuine autonomy sa ARMM, kabilang ang suhestyong ibasura ang “hold-over status” sa lahat ng incumbent officials, as in magtalaga ng Acting Governor hanggang Regional Legislative Council.
Binubuo ng limang (5) lalawigan at isang lungsod ang ARMM -- Sulu, Tawi-Tawi, Basilan, Maguindanao, Lanao Del Sur at Marawi City. Kung hindi nagkakamali ang Spy, walong (8) beses na-postpone ang ARMM election at tanging halalan noong 2008 ang natuloy sa itinakdang petsa.
‘Ika nga ng mga kurimaw: simple arithmetic kung bakit kailangang ipagpaliban ang ARMM election -- magkakaroon ng sapat na panahon at pakakataong makalikha ng mekanismo para maipatupad ang reporma, simula August 2011 hanggang May 2013.
Sa kaalaman ng publiko, bago pa man inilatag ang postponement ng ARMM election -- ito’y naunang napagkasunduan sa Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting na ipinatawag ni PNoy kaya’t walang nakikitang rason ang mga kurimaw upang madiskaril ito. Take note: saksi ang mga lider ng Dalawang Kapulungan ng Kongreso, kabilang ang minority at majority bloc dito.
***
Napag-usapan ang pagbabago at reporma, ibinalik ni PNoy sa Department of Justice (DOJ) ang hurisdiksyon sa Land Registration Authority (LRA) -- ang ahensyang nangangasiwa sa pagpaparehistro ng mga lupa, isang patunay kung gaano kaseryoso ang Pangulo sa ‘daang matuwid’ lalo pa’t ‘nagsali-saliwa’ ang job description ng iba’t ibang ahensya, animo’y ‘bitukang manok’ na nagkalat.
Noong December 2007, inilipat ni Mrs. Gloria Arroyo sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang LRA, sa pamamagitan ng Executive Order (EO) No. 690.
At nakaraang March 14, 2011, pinawalang-bisa ni PNoy ang kautusan ni Mrs. Arroyo at ibinalik sa DOJ ang ahensya, maging Registries of Deeds sa buong bansa, gamit ang Executive Order (EO) No. 30 dahil “ang maling ginagawa ng mga matatanda, ito’y nagiging tama sa mata ng mga bata.”
‘Ika nga ni Executive Secretary Jojo Ochoa -- “Ang hakbanging ito’y naaayon sa hangarin ng administrasyong Aquino na ‘magkaroon at maipatupad ang isang pamahalaang nakikinig at higit na may kakayahan’ sa pamamagitan ng maayos na pagsasama-sama ng mga ahensyang magkakaugnay ang gawain.”
Take note: kung kasanayan at kakayahan ang pag-uusapan, mas mabisa at epektibo ang LRA sa ilalim ng DOJ lalo pa’t batas ang nagsasalita sa bawat pagpaparehistro o paghahabol ng lupa, mapa-paso o isang dakot ang pag-aaring lupa.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Friday, March 18, 2011
Climate change! | |
REY MARFIL |
Isang long-term program kung paano protektahan ang kalikasan o kapaligiran ang hamon ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino sa pamunuan ng League of Municipal Mayors, kalakip ang pakiusap na gawing makatotohanan ang proyekto at isantabi ang ‘pogi points’ -- ito ang buod ng kanyang talumpati.
Sa 3-day Local Government Unit Summit on Mainstreaming Climate Change Adaptation in the Philippines, ginanap sa Pilipinas Grand Ballroom ng Grand Regal Hotel, Davao City, maraming tinamaan sa talumpati ni PNoy lalo pa’t ilang local politicians ang walang inatupag kundi magpa-guwapo sa constituents kahit nahaharap sa delubyo.
Seryoso ang national government maglatag ng mga programa upang mabawasan ang epekto ng climate change, patunay ang paglikha ng 12-year plan upang plantsahin ang magiging aksyon ng gobyerno, sa pangunguna ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Malinaw ang mensahe ni PNoy sa humigit-kumulang 700 miyembro ng League of Municipal Mayors -- isang malaking problema ang climate change at kailangang magsama-sama ang bawat isa para meron pang matira sa susunod na henerasyon.
Sa ilalim ng Philippine Strategy on Climate Change Adaptation o 12-year plan, kailangang mabilis ang pag-aksyon ng Climate Change Commission (CCC) at National Climate Change Action Plan sa isyung may kinalaman sa agrikultura, water resources, ecosystems, at infrastructure services, katuwang ang local government units (LGUs).
Anyway, congratulations kay Bacoor Mayor Strike Revilla, pangulo ng League of Municipal Mayors dahil matagumpay ang 3-day summit.
Ngayong nauuso ang lindol at tsunami, kaagad ipinag-utos ni PNoy ang pag-review sa disaster response mechanism ng bansa. Isa sa programang pinag-aaralan ni PNoy ang pagbibigay ng insentibo sa mga residenteng “maglilipat-bahay” sa mas mataas na lugar, partikular ang mga naninirahan sa baybaying dagat at iba pang lugar na mataas ang banta ng tsunami o pagbaha.
Kasalukuyan din pinag-aaralan ng Office of the President (OP) ang disensyo at implementasyon ng infrastructure at non-infrastructure programs upang maprotektahan ang coastal areas laban sa natural disaster, katulad ng tsunami lalo pa’t napakaraming beach resorts sa Pilipinas at isang paraang nakikita ni PNoy ang mangrove reforestation.
***
Napag-usapan ang local government units (LGUs), 17 lokalikad ang tumanggap ng “Galing Pook Awards” kay PNoy -- ito’y taunang ipinagkakaloob ng Office of the President (OP) bilang pagkilala sa husay at galing ng mga local officials sa pamamahala. Take note: Dumadaan sa masusing pagsusuri at paghahatol ang bawat kategorya.
Simula taong 1993, may kabuuang 150 local government units (LGUs) ang nabigyan ng award -- ito’y nakasentro sa pambihirang programa sa kalusugan, pangangalaga ng kapayapaan, kabuhayan, pabahay at marami pang iba. At ngayong taon -- Barangay San Andres (Pasig City) at Pasig City; Barangay Tangos, Baliwag Bulacan; Sta. Cruz, Laguna; Bingawan, Iloilo; Cagwait, Surigao del Sur; Dumangag, Zamboanga del Sur at Misamis Oriental, Surigao del Sur at Zamboanga del Norte ang awardees.
Hindi lang iyan, pitong LGUs na kumakatawan sa pamamahala sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ang pinarangalan sa bagong kategoryang “Galing Pook sa ARMM” -- ito’y kinabibilangan ng Kapatagan, Lanao del Sur, Province of Sulu, Southwestern Ligawasan Alliance of Municipalities, Wao, Lanao del Sur; Sultan Mastura, Maguindanao; Bongao, Tawi-Tawi at Upi, Maguindanao.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Wednesday, March 16, 2011
March 16, 2011
Walang bait sa sarili! | |
REY MARFIL marcg 16, 2011 Sa gitna ng kalamidad at trahedyang naranasan ng mga taga-Japan, nakakalungkot isiping pinaglalaruan ng ilan nating kababayan ang sitwasyon, katulad ang pagpapakalat ng ‘text scare’ sa pagsabog ng nuclear plant -- ito’y hindi lamang masamang biro lalo pa’t nakakadagdag sa problemang kinakaharap ng mga kalapit-bansa nito. Ilang unibersidad at eskwelahan ang nagsuspinde ng klase, isang patunay kung gaano kalupit ang epekto ng nuke plant explosion sa Japan -- ito’y pinaniwalaan ng mga estudyante at magulang kahit walang babala o anunsyong inilalabas ang pamahalaan. Sana’y hindi tamaan ng skin disease ang mastermind ng malisyosong text brigade. Dalawang bagay lamang ang nakikita ng mga kurimaw sa pagkalat ng “text scare” -- ito’y maaaring kagagawan ng mga kalaban ni Pangulong Noynoy Aquino na gustong guluhin ang gobyerno o kaya’y gustong pagkakitaan ang pananakot, aba’y multi-milyon piso ang ganansya kapag marami ang nauto sa “please pass scenario” na nakasulat sa dulo ng mensaheng natanggap nito. Hindi maitatangging “gumagalaw” ang mga kalaban ni PNoy lalo pa’t walang bahong mahalukay sa kanyang administrasyon at pawang “nakaraan” ang nababalikan sa Kongreso, mapa-plea bargaining agreement hanggang “pasalubong at pabaon”. Ang duda ni Mang Gusting, hindi pa rin ‘makapag-move on’ sa resulta ng eleksyon ang ilang grupo at gusto pang makabalik sa poder kaya’t nanggugulo. *** Napag-usapan ang nuclear plant explosion, walang dapat ipangamba ang publiko sa “acid rain scare” na ipinakalat sa text. Mismong Department of Science and Technology (DOST) ang nagsabing isang malaking kalokohan ang pangambang aabot sa Pilipinas ang radiation. Ang madalas ipangaral ng mga matatanda “ang taong naniniwala sa mga sabi-sabi, ito’y walang bait sa sarili”. Ano kaya ang tawag sa nagpakalat ng text scare kung kahit utak-biya, hindi puwedeng i-address? Maliban sa DOST, inilatag ng Office of Civil Defense (OCD) ang National Radiological Emergency and Preparedness Plan bilang tugon sa nuclear meltdown, kinabibilangan ng Philippine Nuclear Institute at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) -- ito ang magpapatupad ng preparedness plan. Ang masakit lamang na katotohanan sa sinumang proponent ng nuclear power plant sa Pilipinas, posibleng mapurnada ang reactivation ng Bataan Nuclear Power Plant (BNPP). Sa kabuuan, hindi acid rain o radiation sa nuclear plant explosion ang malaking problemang kinakaharap ng mga kalapit-bansa, katulad ng mga pananakot sa text ng mga taong walang magawa sa buhay bagkus ang masamang epekto ng lindol at tsunami sa mga tinaguriang ‘third world country’, katulad ng Pilipinas lalo pa’t napakalaking donasyon ang tinatanggap mula sa pamahalaang Japan. Dahil bagsak ang ilang parte ng Japan, napaka-imposibleng maglabas ng pondo para tulungan ang mga kalapit-bansang naghihikahos at walang pampagawa ng kalsada, tulay at eskuwelahan. Ibig sabihin, huwag ikagulat ng publiko kung suspendihin ang lahat ng development projects sa ating bansa. Alangang unahin ni Prime Minister Naoto ang Pilipinas gayong kailangang bumangon ng Sendai? Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com) |
Monday, March 14, 2011
March 14, 2011
Walang pogi points! | |
REY MARFIL March 14, 2011 |
Malinaw ang paninindigan ni PNoy -- ito’y pumalag sa mungkahing pansamantalang suspendihin ang pagpapataw ng EVAT sa petroleum products upang gumaan ang epekto ng lingguhang pagtaas sa halaga ng langis ngayong nahaharap sa krisis ang ilang bansa sa Middle East -- ang pangunahing pinagkukunan ng oil supplies.
Walang tuwirang benepisyo ang suspension sa EVAT na ipinapataw sa petroleum products bagkus makakasama lalo pa’t papasanin ng gobyerno ang lahat ng responsibilidad, as in lolobo ang budget deficit o kakulangan sa pondo.
Walang pinag-iba sa isang TV ads ang kalalabasan ng suspension sa EVAT -- “kapag nagkasakit, lahat ng perang naitatago, ito’y nailalabas”. Ibig sabihin: ang salaping nakalaan sa mahahalagang programa at proyekto, ito’y masasakripisyo.
Sa kuwenta ni PNoy, humigit-kumulang P5 bilyong buwis ang mawawala sa kaban ng bayan kapag sinuspendi ang EVAT sa petroleum products -- isang napakalaking kawalan lalo pa’t libu-libong classroom at eskuwelahan ang kailangang ipatayo ng pamahalaan ngayong lugmok sa pagkakautang ang bansa, hindi pa kasali ang matinding katiwaliang minana.
Saan kukuha ng pasahod sa bagong guro, itatayong ospital, tulay, kalsada at iba pang mahahalagang imprastraktura, alangang puro kuwento lang?
Hindi lang iyan, asahang bagsak din ang credit ratings ng Pilipinas sa Standard and Poor’s Moody’s -- isa sa mga credit watchdog ang nagsabing ‘hindi wastong hakbang sa pananalapi ang suspension ng oil EVAT’.
Ang paniwala ni PNoy: artificial solution ang EVAT suspension dahil mas lalong lalakas ang konsumo sa langis at walang pagtitipid o pasintabi sa paggamit ng mga sasakyan.
Siyempre, masarap kapag libre!
Ang isa sa nakikitang solusyon ni PNoy ang paggamit ng alternatibong enerhiya at masigurong sapat ang supply ng langis sa loob ng animnapung (60) araw o sakto sa dalawang (2) buwan ang buffer stock lalo pa’t ginagawang palusot ng oil companies ang biglaang paggalaw ng presyo sa world market tuwing nagtataas.
***
Napag-usapan ang budget, may kabuuang P13 bilyon ang inilaang pondo ng gobyerno o standby funds ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para gamitin sa repatriation o paglilikas sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na naiipit sa Middle East, alinsunod sa deklarasyon ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Butch Abad.
Sa simpleng explanation, hindi kailangan pang gawing isyu ang paghingi ng karagdagang pondo ng OWWA, katulad ang alegasyong P200 milyon ang natitira sa P500 milyong naibigay.
Bagama’t mas piniling manatili sa Saudi Arabia at Libya ng maraming Pinoy nurse, hindi binabawi ni PNoy ang alok na ilikas at iuuwi ng Pilipinas ang mga ito, as in naka-standby lamang ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa magiging desisyon.
Anyway, tumatanggap ngayon ng electronic passport (ePassport) applicant ang Philippine Consulate General sa Shanghai -- ito’y binuksan ng nakaraang March 9 at kauna-unahang aplikante -- Ms. Stephanie Ante, isang Physical Education Teacher sa Concordia International School Shanghai.
Lahat ng mga Pinoy sa Shanghai at iba pang probinsya, katulad ng Anhui, Hubei, Jiangsu at Zhejiang, maaaring mag-file ng ePassport applications sa Consulate General. Laging tandaan:
“Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Friday, March 11, 2011
Panis ang 24 floor!
Panis ang 24 floor! | |
REY MARFIL March 11, 2011 SINGAPORE --- Mula Indonesia, kaagad sumabak si Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino sa trabaho -- pagkalapag ng Changi International Airport noong Miyerkules, alas-4:30 ng hapon isang tour sa Changi Water Reclamation Plant ang iskedyul ng Pangulo, kasunod ang pakikipagkita sa mga miyembro ng Philippine Bayanihan Society Board at pakikipag-meeting sa Filipino community -- ito’y ginanap sa RELC International Hotel. Bumilib kay PNoy ang buong staff at pamunuan ng Changi Water Reclamation Plant matapos maghagdan ang Pangulo mula 1st floor hanggang 24th floor dahil nasira ang elevator -- ito ang banner photo at front story ng Straits Times kahapon (Huwebes) dito kung saan humanga ang mga Singaporean at hiyang-hiya sa nangyari, kabilang ang katakut-takot na paghingi ng “sorry” sa Pangulo. Mismong si PNoy ang nagbigay ng suhestyong maghagdan keysa hintaying maayos o makumpuni ang elevator. Na-impress ang Singaporean sa ipinakitang pag-uugali ng Pangulo -- itoy nakangiting naglakad, hindi maarte at hindi nakitaan ng anumang galit sa katawan. Higit sa lahat, physically fit ang Pangulo -- isang patunay na epektibo ang pagba-bike nito. Maliban sa Singaporean security at Presidential Security Group (PSG), sumabay kay PNoy maghagdan sina Presidential Communication Operations Office (PCOO) Sec Sonny Coloma, Finance (DOF) Sec Cesar Purisima, Trade (DTI) Sec Gregory Domingo, Energy (DOE) Sec Jose Almendras at Foreign Affairs (DFA) Sec Albert Del Rosario, as in “pinanis” ang 24th floor. Take note: 71 years old si Sec Del Rosario at hindi man lamang pinagpawisan si Sec Almendras. Bago naghagdan, sinalubong si PNoy sa Changi International Airport nina Singapore Minister Lim Swee, pinuno ng National Trade Union Congress; Ambassador Lim Cheng, Head Protocol; at Philippine Ambassador Minda Calaguian-Cruz, sampu ng Philippine Embassy Officials. Naunang dumating sa Singapore ang 25-man media delegation noong Miyerkules (2:30 p.m.) habang si PNoy, alas-4:30 ng hapon. Bago tumulak ng Singapore para sa 2-day state visit, ilang grupo ng Indonesian businessmen ang nakaharap ni PNoy sa Jakarta, simula alas-9:00 ng umaga hanggang tanghali. Sa ikalawang araw ng state visit, binigyan si PNoy ng arrival honors sa Istana, alas-11:00 kahapon, kasunod ang courtesy call kina President S.R. Nathan sa 2nd floor ng West Drawing Room (Istana) at Prime Minister Lee Hsien Loong sa East Drawing Room. Isang lunch ang inisponsoran ni Prime Minister Loong -- ito’y naunang nakasama ni PNoy sa ASEAN summit (Vietnam) at APEC summit (Japan) noong nakaraang taon. Katulad ng nakaugalian sa nagdaang foreign trip, isang interaction sa Philippine media delegation ang ibinigay ni PNoy kagabi -- dito tinapos ng Pangulo ang ikalawang araw ng state visit sa Singapore. Ngayong araw, kasabay ang pagtatapos ng state visit, makakaharap ni PNoy ang iba’t ibang negosyante sa Singapore Business Forum. *** Napag-usapan ang Singapore, lingid sa kaalaman ng sambayanang Filipino, may kabuuang 177 libo ang Pinoy ang nagkalat dito, kinabibilangan ng 44 libong permanent migrants at 85 libong temporary migrants. Ang nakakalungkot, humigit kumulang 50 libo ang irregular o undocumented migrants. Bagama’t tinatayang 71 libo ang nagtatrabaho bilang domestic helpers, dumarami ang napapasok sa IT/computer programmers at analyst -- ito’y humigit-kumulang 25 libo at 18 libo ang engineers; 13 libo ang architect/draftsman; 12,200 ang nurse/healthcare assistant o nursing aides. Hindi lang iyan, humigit-kumulang 6 libo ang nagtatrabaho bilang aircraft technicians at mekaniko; 2,200 ang steward at stewardess sa cruise vessels; 13 libo nasa service sector; 6 libo ang nagsasanay o trainees sa hotel and restaurant management (HRM), 1,200 ang musicians at entertainers. Ang nakakabilib, walong libong Pinoy ang top executives sa Singapore, as in nagtatrabaho bilang managers ng kumpanya, hotel o kaya’y bank executives -- isang patunay kung gaano kahusay at katalino ang mga Pinoy. Ibig sabihin, kahit sino pang Pontio Pilato ang iharap, mapa-kurbata ang trabaho o paglilinis ng pinggan -- ito’y kayang tapatan ng isang Pinoy. Sa kabatiran ng lahat, napakaliit ng Singapore -- ito’y binubuo lamang ng 699.4 square kilometers at meron limang milyong populasyon, kinabibilangan ng Chinese (76.8%); Malay (13.9%); Indian (7.9%) at 1.4% ang nasa kategoryang other ethnic group. Hindi rin kaila sa buong mundo, maging sa isang developing country kung gaano kaunlad ang Singapore subalit hindi pa huli ang lahat upang makamtan ang tagumpay lalo pa’t matuwid ang nagtitimon sa Pilipinas ngayon. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com) |
Wednesday, March 9, 2011
Ratsada si PNoy! | |
REY MARFIL March 9, 2011 JAKARTA, Indonesia --- Sinimulan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang 3-day state visit sa pag-aalay ng bulaklak (wreath-laying ceremony) sa Kalibata National Heroes Cemetery kahapon (Martes), alas-9:00 ng umaga -- ito’y bilang respeto at pagpupugay sa mga kinikilalang bayani ng binibisitang bansa nito, kasama ang buong Philippine delegation. Bago ang wreath-laying ceremony kahapon, pitong (7) mataas na opisyal ng Indonesia, sa pangunguna nina Ministry of Foreign Affairs Marty Natalegawa, Ambassador of the Indonesia to the Philippines Yohanes Kristiarto Soeryo Legowo, at Ministry of Youth and Sports Andi Mallarangeng ang sumalubong kay PNoy sa Soekam o Hatta International Airport, alas-11:45 ng gabi (Lunes). Ilan pang Indonesian official ang sumalubong sa delegasyon ni PNoy -- sina Governor of Jakarta Military Secretary to the President Fuazi Bowo, Regional Military Commander Major General Marciano Norman, Regional Police Commander Major General Sutarman, Indonesian President Aide de-camp Col. Yunus Ismael. Sa panig ng Philippine delegation -- sina Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Albert Del Rosario, Charge d’ Affairs Philippine Embassy Maria Rosairo Aquinaldo, Philippine Permanent Representative to ASEAN Wilfrido Villacorta at Minister and Consul General Philippine Embassy Bernardita Catalla ang sumalubong sa delegasyon ni PNoy sa airport. Sina Minister and Consul Ronnel Santos, at First Secretary and Consul Germinia Usudan naman ang sumalubong sa Philippine delegation, alas-12:45 ng hatinggabi ng Martes sa Grand Hyatt Hotel, kasama si Peter Stettler, hotel general manager. Naunang dumating si Del Rosario sa Indonesia noong Linggo, kasabay ng 25-man media delegation. *** Napag-usapan ang Indonesia trip ni PNoy, isang arrival honors ang ipinagkaloob kay PNoy, sampu ng Philippine delegation sa Istana Merdeka (Indonesia Presidential Palace), alas-10:00 ng umaga kahapon, kasunod ang photo session kay Indonesian President Susilo Bambang Yudhoyono, partikular sa Credential Halls. Tanging limang (5) mediamen, kasama ang in-house photographer at cameramen ang pinayagang kumuha rito. Makaraan ang photo session, isang courtesy call sa Jepara Room (Istana Merdeka) ang ibinigay ni PNoy kay President Bambang, alas-10:30 ng umaga, kasama sina Sec. Del Rosario, Department of Finance Secretary Cesar Purisima, Department of Trade and Industry Sec. Gregory Domingo at Presidential Adviser on Peace Process Teresita Quintos-Deles. Alas-11:00 ng umaga, nagkaroon ng bilateral meeting sa Ceremonial Hall ang dalawang (2) bansa -- pinangunahan nina Sec. Del Rosario, Charge d’ Affairs Aquinaldo, Sec. Purisima, Sec. Domingo, Department of Energy Secretary (DOE) Rene Almendras, Sec. Deles, Presidential Communication Operation Office (PCOO) Secretary Sonny Coloma, DFA Undersecretary (Usec) Erlinda Basilio, Assistant Secretary (Asec) Cristina Ortega (Office of the Asian and Pacific), Philippine Sports Commission (PSC) chairman Ricardo Garcia at Philippine National Police (PNP) chief General Raul Bacalzo. Tinapos ni PNoy ang ikalawang araw ng 3-day state visit sa signing ceremony -- ito’y may kinalaman sa tatlong (3) kasunduan -- ang memorandum of understanding (MOU) on Basic Education, Sports Cooperation at Cooperation on Preventing and Combating Transnational Crimes, panghuli ang joint press briefing, kasama si President Susilo Bambang Yudhoyono. Tanging tig-dalawang (2) tanong ang ibinigay sa media. Sa panig ng Philippine media -- sina Ms. Genalyn Kabiling (Manila Bulletin) at Ms. Marie Pena-Ruiz (Radyo ng Bayan) ang nabunot sa raffle upang magtanong sa dalawang (2) lider. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com) |
Monday, March 7, 2011
Una ang Indonesia! | |
REY MARFIL March 7, 2011 |
JAKARTA, Indonesia --- Ngayong hatinggabi (Lunes) darating si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino dito, lulan ng Cebu Pacific flight J759, kasama ang piling gabinete -- ito’y bahagi ng 5-day state visit sa Indonesia at Singapore na naglalayong palakasin ang ugnayan at relasyon sa dalawang (2) kalapit-bansa, partikular ang bilateral at regional ties nito.
Katulad sa naunang foreign trip ng nakaraang taon, ‘matipid na biyahe’ ang state visit ni PNoy at limitado lamang sa apat (4) na gabinete ang Philippine delegation, kinabibilangan nina Foreign Affairs (DFA) Secretary Albert Del Rosario, Energy (DOE) Secretary Rene Almendras, Finance (DOF) Secretary Cesar Purisima at Presidential Communication and Operation Office (PCOO) Secretary Sonny Coloma.
Magsisimula ang 3-day state visit ni PNoy ngayong Lunes (March 7) hanggang Miyerkules (March 9) ng hapon, kasunod ang 2-day visit sa Singapore, simula Huwebes (March 9) ng umaga hanggang Biyernes (March 11) -- ito’y isang courtesy visit o tradisyon ng sinumang head of state bilang respeto at pagpugay sa ASEAN-member countries. Naunang dumating kahapon sa Indonesia ang Philippine media delegation (25-mediamen).
Naka-iskedyul si PNoy makipagpulong kay Indonesian President Susilo Bambang Yudhoyono at iba pang Indonesia officials sa unang araw ng state visit. Ang Indonesia ang chairman ng ASEAN ngayong taon (2011) at pangunahing pag-uusapan ng dalawang Asian leader ang pagpapalakas sa bilateral relations at ASEAN solidarity.
Tatlong (3) agreement o kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Indonesia ang sasaksihan nina PNoy at President Bambang Yudyohono -- Memorandum of Understanding on Basic Education, Sports Cooperation, Cooperation on Preventing and Combating Transnational Crimes and Capacity Building -- ang mga kasunduang ito’y lalo pang magpapaganda sa samahan ng dalawang bansa.
Makikipagpulong din si PNoy sa Filipino community at Indonesian businessmen sa huling araw ng state visit upang himuking maglagak ng kapital at negosyo sa Pilipinas, sa pamamagitan ng programang public-private partnership (PPP) initiatives, kasunod ang pagdalaw ng Pangulo sa Palita Harapan University.
***
Napag-usapan ang state visit ni PNoy, bago pa man nagsimula ang diplomatic relations ng Indonesia at Pilipinas noong November 24, 1949, matagal ng magkaibigan ang dalawang bansa at hindi nagkakalayo ang sitwasyon ng bawat isa mapa-regional at international issues, maging sa usaping pang-ekonomiya.
Simula 1949, may kabuuang 35-bilateral agreements ang nilagdaan ng Pilipinas at Indonesia -- ito’y may kinalaman sa seguridad ng bawat isa, consular matters, kalakalan at negosyo, maritime concerns, transportasyon, komunikasyon, enerhiya at turismo.
Take note: apat (4) na beses nakaharap ni Mrs. Gloria Arroyo si President Bambang Yudhoyono, simula nang maupong Pangulo noong October 2004 (Indonesian leader) -- isang patunay kung gaano kaganda ang relasyon ng dalawang bansa.
Maliban kay President Bambang Yudhoyono na huling bumisita sa Pilipinas noong June 2005, makailang-beses ding nagpabalik-balik sina ex-President Sukarno at ex-President Soeharto sa ating bansa, maging si ex-President Abdurrahman Wahid -- ito’y tatlong (3) beses bumisita gayong dalawampu’t isang (21) buwan lamang nanungkulan sa Indonesia.
Take note: dalawang (2) beses pang bumisita si Wahid sa Pilipinas noong November 1999, maging si ex-President Megawati Soekarnoputr -- ito’y dumalaw sa Pilipinas noong August 2001.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Friday, March 4, 2011
Kuwatro ang matitira! | |
REY MARFIL 03/04/2011 | |
Isang “memorandum of cooperative undertaking” ang nilagdaan, sa pagitan ng Presidential Communications and Operation Office (PCOO) at Advertising Foundation of the Philippines -- kasunduang isusulong ang programang maglilinang sa kagandahang-aral at pagbabagong tatampukan ng magagandang kaugalian ng Filipino, kalakip ang hangaring patatagin ang bansa.
Sa simpleng explanation nina PCOO Secretary Sonny Coloma at Advertising expert Ruperto Nicdao Jr., makaraan ang seremonya sa Bahay Ugnayan (Malacañang) noong nakaraang Martes -- magtutulungan ang gobyerno at advertising industry upang isulong ang programang “Makabayang Pilipino” -- ito’y nakasentro sa nasyunalismo, katapatan, disiplina, paggalang sa mga batas at may kapangyarihan, malasakit sa kalikasan, diwa ng bayanihan at global competitiveness.
Sa ilalim ng “sumpaan”, pinagsanib ang marketing communications program -- ito’y binubuo ng multi-media advertising campaign, special events at iba pang social marketing projects na may kinalaman sa pagsusulong sa mga magagandang katangian ng mga Filipino at pagpapalaganap sa Makabayang Pilipino movement, nangangahulugang magkakaroon ng “sharing” sa kagamitan o resources ang pribadong sektor, civil society at gobyerno.
Dumalo sa ceremony rites sina Johnip Cua, dating pangulo ng Ad Foundation; Luis Morales, Oversight Chairman ng Makabayang Pilipino at Eric Canoy, vice chairman ng Makabayang Pilipino core group.
***
Napag-usapan ang communications group, tanging isang government television station ang ititira ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino, alinsunod sa itinatadhana ng Saligang Batas. Ibig sabihin, tuloy ang pagsasapribado ng RPN-9 at IBC-13 lalo pa’t “malaking adobe” ang iniwan ng mga dating occupant sa Malacañang, as in multi-bilyon ang pagkakautang at puro abono ang inabot ng pamahalaan.
Mismong si Sec. Sonny Coloma ang nagkumpirmang walang atrasan ang pagsapribado sa dalawang sequestered television station -- ang RPN-9 at IBC-13, ito’y isang ‘win-win solution’, aba’y mawawalan ng tinik sa lalamunan ang gobyerno, gaganda ang kita ng mga empleyado at lalakas ang kompetisyon, as in hindi lamang tatlong local channel ang pinapanood.
Tanging People’s Television Network (PTV-4), ngayo’y National Broadcasting Network (NBN) ang pangangalagaan at palalakasin ng gobyerno -- ito’y good news lalo pa’t informative ang misyon ng gobyerno. Kaya’t abangan ang pagsusulputan ng mga programang lilinang sa magandang kaugalian ng mga Filipino at walang balak makipagkompetisyon sa programming ng private TV station ang Channel 4.
Ang “latest report” ni Sec. Sonny, pursigido ang Privatization Council, pinamumunuan ni Department of Finance (DOF) Sec. Cesar Purisima na ipagbili ang “parte” o government shares sa mga broadcast networks lalo pa’t nalulugmok sa pagkakautang ang gobyerno. Ang Privatization Council -- ito’y binubuo ng National Economic and Development Authority (NEDA), Department of Trade and Industry (DTI) at Privatization Management Office (PMO).
Para sa kaalaman ng nakakarami -- ang dalawang TV network na ipinasubasta noon pang 1986 at pinangasiwaan ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) subalit makailang-beses naudlot.
Sa ngayon, Solar Entertainment ang may-ari ng 34% sa RPN-9 habang pumasok sa joint venture agreement ang IBC-13 sa pagitan ng Prime Realty, as in kasosyo ang R-II Builders Group ni Reghis Romero Jr. -- naganap ang lahat ng transaksyon sa nagdaang administrasyon. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Wednesday, March 2, 2011
“All rice” | |
REY MARFIL | |
Sa nagdaang panahon, hindi lamang gatasan ang National Food Authority (NFA) kahit walang gatas na ibinibenta kundi naging literal na ‘palabigasan’ ng mga naghaharing kawatan sa gobyerno, patunay ang ‘siksik, liglig at nag-uumapaw’ na pagkakautang -- ito ang pangunahing rason kung bakit nais balasahin ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang ahensya, kalakip ang hangaring malinis at magkaroon ng bagong mandato.
Hindi kailangang UP graduate para maintindihang baon sa pagkakautang ang NFA -- ito’y bunga ng walang katapusang importasyon kahit wala nang mapag-imbakang bodega at inaamag ang tone-toneladang bigas na naunang na-import. Ibig sabihin, walang ibang paraan kundi balasahin upang mapabuti ang serbisyo at mabawasan ang pag-angkat ng bigas, matulungan ang local farmers at magkaroon ng sapat na supply sa loob ng dalawang (2) taon.
Ang gustong mangyari ni PNoy, gawing National Food Corporation (NFC) ang ahensyang tinitimon ni Administrator Lito Banayo -- ito’y isa sa dalawampu’t tatlong (23) priority bills ng Palasyo at inilatag sa first meeting ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) ng nakaraang Lunes. Ang misyon ni PNoy, tamang supply ng bigas, as in “All Rice”.
Kung bakit kailangang balasahin ang NFA, napakasimple ang sagot ni PNoy -- malinaw ang mandato ng ahensya, walang iba kundi magsilbing tagapangasiwa sa national strategic at tiyaking sakto ang supply ng bansa, as in Hulyo kada taon dapat masiguro ng ahensya ang pangangailangan sa palay at bigas.
***
Napag-usapan ang pagbalasa sa NFA, bago mag-isip ng ‘spin’ ang mga kalabang partido ni PNoy, sampu ng masasagasaang rice smugglers -- hindi mamanahin ng National Food Corporation ang pagkakautang at pananagutan ng lumang ahensya, partikular ang P161 bilyong atraso.
Lingid sa kaalaman ng publiko, sa maikling panahon ng panunungkulan ni PNoy, sa ilalim ng pagtitimon ni Banayo, malaki ang nabawas sa pagkakautang ng NFA -- ito’y naibaba sa P161 bilyon mula P177 bilyon, as in nakapagbayad ng P16 bilyon ang kasalukuyang administrasyon.
Sa simpleng explanation, malinis na magsisimula ang National Food Corporation -- lahat ng ari-arian na hindi kasamang maililipat, ito’y pananatilihin at pangangasiwaan ng kumpanya samantalang ipagbibili at ili-liquidate ng NFA ang mga maiiwang pasilidad.
Sa paglikha ng National Food Corporation, dadagdagan ng ngipin ang batas -- itataas ang multa at kaparusahan sa sinumang magpupuslit ng bigas at ituturing bilang ‘economic sabotage’ -- isang kasalanang ‘non-bailable’ o hindi makakapagpiyansa ang sinumang masasakdal, kahalintulad ng heinous crime.
Maliban sa NFC, itatatag ang Food Development and Regulatory Administration (FDRA) -- ito ang magpapatupad ng regulasyon at developmental functions upang matiyak ang kasapatan sa pagkain at madagdagan ang ani o kita ng local farmers, aba’y puro na lamang import ang ginagawa ng Pilipinas gayong maraming agricultural products ang puwedeng ibenta sa labas ng bansa.
Sa nagtatanong kung ano ang LEDAC -- ito’y nilikha sa bisa ng Republic Act 7640 at pinagtibay noong December 9, 1992, sa panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos. Ang LEDAC ang nagsisilbing consultative at advisory body ng Pangulo bilang pinuno ng National Economic and Planning Agency. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)