Friday, December 31, 2010

December 31, 2010

Konsiderasyon lang!
Rey Marfil


Malinaw ang direktiba ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa lahat ng gabinete bago mag-Pasko -- ito’y kailangang sumunod sa tradisyon — ang pagsumite ng performance report upang matimbang ang sarili kung nagampanan ang tungkulin sa loob ng 6-buwang panunungkulan ng mga ito.
Kaya’t busy si Presidential Management Staff (PMS) chief Julia Abad sa pagtanggap ng accomplishment report. Sa ganitong sistema, matutukoy ni PNoy kung nasusundan ng mga itinalagang gabinete ang 16-point social contract ng nakaraang kampanya — ito’y nakapaloob sa medium-term priority deve­lopment plan ng Pangulo.
Sa kabuuan, hindi maa­ring akusahang ‘OJT’ (on the job training) ang mga itinalagang gabinete ni PNoy, aba’y subukang lumingon ng mga ‘nagmamagaling’ sa camera, hindi ba’t maganda ang takbo ng ekonomiya sa nagdaang 6-buwan? Take note: Hindi nakukuha sa gara ng diploma at pagalingan sa pag-Ingles ang pangangasiwa ng isang ahensya.
Ika nga ng mga kurimaw: ‘Mas beterano sa gobyerno, mas ekspertong magnakaw ng pondo’. Kaya’t maling husgahan ang credentials ng mga itinalagang gabinete ni PNoy kung naayon lamang sa apelyido. Ibig bang sabihin, kahit gaano katalino ang isang tao, ito’y wala ng karapatang magpatakbo ng isang departamento kung hindi ka-apelyido ng mga antigo sa gobyerno? Kaya’t konting konsiderasyon sa mapanghusgang kritiko!
***
Napag-usapan ang ‘konting konsiderasyon’, hindi pa huli ang lahat upang pag-isipang mabuti ng mga ma­histrado kung paano maka­kabawi sa pagkakakabasura ng Truth Commission. Malay n’yo, mag-aparisyon si Nora Aunor at magkaroon ng “Himala’ pagkatapos ng Pasko at Bagong Taon.
Kahit idineklerang illegal ang Truth Commission ng mga mahistradong na-appoint sa panahon ni Mrs. Arroyo, hindi pa rin nawawalan ng pag-asa si PNoy at patuloy umaasang lukuban ng magandang espiritu ngayong Kapaskuhan ang buong hudikatura — malinaw ang isinumiteng motion for reconsi­deration.
Sa motion for reconside­ration na isinumite ni Solicitor General Jose Cadiz sa Supreme Court (SC), ipinagdiinan nitong hindi labag sa Konstitusyon ang paglikha ng Truth Commission at walang nalihis sa alinmang ‘equal protection clause’, katulad ng gustong palabasin ng mga mahistradong bomoto pabor sa interes ni Mrs. Arroyo.
Tatlong (3) isyu ang pinuntuhan ni Cadiz: 1) hindi labag sa ‘equal protection clause’ ang Truth Commission dahil ang kautusang taga-pagpaganap — ito’y hindi hangad idiin lamang ang nagdaang administrasyon; 2) hindi tumukoy sa sinumang tao, kundi sa mga hindi kapani-paniwalang transaksyon: at 3) walang ‘invidious classification’ ng transaksyon sa nakalipas na administrasyon sapagka’t nakasalig sa mga substantial distinctions.
Hindi lang iyan, pinuntuhan ng Solicitor General sa isinumiteng motion for reconsideration ang naunang deklarasyon ng Korte Suprema — ang pagkakaroon ng kapangyarihan ng Pa­ngulo na magsiyasat upang matiyak na maipapatupad ang batas. Kaya’t hindi pa huli ang lahat sa mga mahistrado, laging alalahanin ang mensahe ng mga nagka-caroling, “Bagong Taon, Magbagong Buhay.” Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, December 29, 2010

december 29, 2010

Bawas-holiday!
Rey Marfil


Bago mag-Pasko, nag-Santa Claus si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino III -- tatlong overseas Filipino workers (OFWs) ang masuwerteng tumanggap ng tig-P450 libong gift certificate -- ito’y personal na sinalubong ng Pangulo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Hindi man kasing-dami ng mga nangingibang-bayan kada araw ang nabiyayaan ng cash at gift certificate, alinsunod sa programang Pamaskong Handog para sa mga OFWs ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), malinaw ang mensahe ni PNoy sa libu-libong Pinoy workers -- kailangang bigyang parangal ang mga ‘bayaning buhay’.
3 OFW ang mapalad at nanalo sa raffle draw ng OWWA -- sina Gilbert Acebedo (41 years old); Evangeline Escano (33 years old); at Myrna Pagkaliwagan (39 years old) -- ito’y sakay ng Qatar Airways flight QR-646. Kaya’t maganda ang programa ni PNoy -- posibleng ‘bawas-bilang’ ang 3 sa hanay ng mga nangungulila sa pamilya tuwing Pasko.
Maraming katulad ni Acebedo sa Middle East, Europe at Amerika -- ito’y nanilbihang salesman ng tatlong taon upang ihango sa hirap ang pamilya. Ganito rin ang kuwento ni Escano -- tubong Tayug Pangasinan at anim na taong nurse o kaya’y ng BatangueƱang si Pagkalinawan -- 6-taong guro sa Doha, Qatar.
Kung susuriin ang P450 libong cash at gift certificate na napanalunan -- ito’y barya sa haba ng panahong tiniis sa dayuhang bansa, aba’y subukan niyong malayo sa pamilya, nagpa-Paskong walang kasama at nagkakasakit na walang nag-aaruga, ewan lang kung hindi kayo mabuwang?
***
Napag-uusapan ang Pasko, napapanahon ang pagbabawas ng holiday ni PNoy. Sa nagdaang administrasyon, halos linggu-linggo nagkakaroon ng holiday -- ito’y popular sa trabahador dahil mahaba ang bakasyon, subalit mala­king pagkalugi sa panig ng gobyerno at negosyo. At pag-aralan ang mga mayayamang bansa, hindi ba’t puro trabaho at kakaunti ang populasyon -- ito’y kabaliktaran sa Pilipinas, aba’y mas marami pang oras sa ‘paggawa ng bata’ dahil puro pahinga o kaya’y walang trabaho.
Mula 11-long weekends ngayong taon, mauuwi sa 3-long weekends sa 2011, alinsunod sa Proclamation No. 84 -- ito’y hindi bago, bagkus, ibinalik lamang ni PNoy sa nakagisnang holiday ng mga Pinoy. Take note: Matuwid na daan ang pa­ngako sa nakaraang eleksyon kaya’t makatwirang ituwid ang maling panuntunan ng nagdaang administrasyon.
Ibig sabihin, walang karapatang umangal ang mga mahihilig sa holiday at magbakasyon -- naaayon sa batas ang aksyon ni PNoy, maliban kung nilulukuban pa rin ng ‘masamang espiritu’ kaya’t ayaw ng pagbabago at puro lakwatsa ang pinasok sa gobyerno ng mga ito?
Para maging malinaw ang lahat, narito ang kumpletong listahan ng holiday sa 2011. At least, maagang maipaplano ang bakasyon: Regular Holidays -- New Year’s Day -- (January 1/Saturday); Araw ng Kagitingan (April 9/Saturday); Maundy Thursday -- (April 21); Good Friday -- (April 22); Labor Day -- (May 1 Sunday); Independence Day -- (June 12/ Sunday); National Heroes Day -- (August 29/Last Monday of August); Bonifacio Day -- Nov. 30 (Wednesday); Christmas Day -- Dec. 25 (Sunday); Rizal Day -- Dec. 30 (Friday); Special (Non-Working) Days -- Ninoy Aquino Day -- Aug. 21 (Sunday); All Saints Day -- November 1 (Tuesday); Last Day of the Year -- December 31 (Saturday); Special Holiday (for all schools) -- EDSA Revolution Anniversary -- Februa­ry 25 (Friday). Laging tandaan: “Bata niyo ko at Ako ang Spy niyo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, December 27, 2010

December 27, 2010

First time!
Rey Marfil


Ngayong araw naka-iskedyul lagdaan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino III ang P1.64 trilyong 2011 national budget -- ito’y ‘first time’ sa nagdaang siyam na taon, as in walang katapusang reenacted budget ang ipi­natikim ng nagdaang administrasyon kaya’t napakara­ming proyekto ang nasayang at naisantabi.
Sa ilalim ng reenacted budget, walang ibang pinakakawawa kundi ang sambayanang Pilipino dahil malaya ang sinumang nakaupong Pangulo na ‘pag­laruan’ ang pondo -- ito’y nagiging malaking pork barrel lalo pa’t naunang napondohan ang proyekto. Kahit sinong ul­yanin, hindi makakalimutan ang pagtagas ng pondo sa nakaraang 9 na taon.
Napakalaking papel ang ginampanan ng Dala­wang Kapulungan ng Kongreso para maisakatuparan ang pag-apruba sa 2011 national budget bago magtapos ang taon -- isang patunay kung gaano kalaki ang pagtitiwala ng mga kongresista at senador sa Aquino administration. At kahit itaga niyo sa bato -- hindi magnanakaw si PNoy.
Hindi lingid sa kaalaman ng publiko, halos abutin ng Valentine’s Day, hindi pa rin niraratipikahan ng Kongreso ang annual budget dahil napakaraming pagkuwestyon sa bawat sentimong hinihingi ng nagdaang administrasyon -- ito’y palaging kakambal ang pagdududa kung saan gagastusin ang pondo lalo pa’t napuno ng eskandalo ang bawat ahensiya at departamento.
***
Napag-uusapan ang 2011 national budget -- ito’y pinagtibay ng Kongreso at Senado noong December 13 at December 14. Ang maagang pag-apruba sa 2011 national budget, nangangahulugang masisimulan sa pagpasok ng Enero o first quarter ng taon ang mga proyektong pang-imprastraktura at panlipunan na hindi nangyari sa nagdaang ilang taon.
Nasa ilalim ng 2011 national budget, ang karagdagang P300 hanggang P400 milyong alokasyon sa Upper House habang P50 milyon sa Lower House -- ito’y kinaltas ni PNoy bilang bahagi ng pagtitipid su­balit ibi­nalik ng mga mambabatas. Maging ang Office of the Vice President (OVP), itinaas sa P195 milyon mula P177 milyon ngayong taon.
Ang pondo sa maintenance and other operating expenditures (MOOE) ng mga state colleges and universities (SUCs) -- ito’y ibinalik sa level ng 2010 national budget -- nasa pagitan ng P110 at P140 miyon, subalit walang alokasyon sa capital outlay kung pagbabata­yan ang pinagtibay na 2011 national budget.
Sa kabuuan, itinuturing ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Butch Abad na “Reform Budget” ang 2011 General Appropriations Act (GAA) -- ito’y salamin sa pangako ni PNoy na maiahon sa kahirapan ang bansa sa pamamagitan ng matapat at masigasig na pamamahala.
Katulad ng pangako ni PNoy -- ang sektor ng edukasyon ang may pinakamalaking dagdag sa ilalim ng 2011 national budget -- ito’y umabot sa P750 milyon bilang alokasyon sa karagdagang limang libong guro. Take note: Kahalati ang binawas ng Department of Health (DOH) sa P932 milyong pambili ng condom at iba pang contraceptives, ‘nawa’y manahimik na sina Father. Laging tandaan: “Bata niyo ko at Ako ang Spy niyo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, December 24, 2010

December 24, 2010

Mukha nina Waldrof at Barjer!
Rey Marfil


New York City, USA --- Maayos ang ekonomiya ng bansa ngayon, “mala-kalabaw”, as in “Bullish” ang merkado sa wika ng mga stock analysts sa Philippine Stock Exchange (PSE). At meron pang nagsasabing “All time high!”
Sa tuwa ng mga ito, inim­bitahan pa ang Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino at ipinaalingawngaw ang batingaw sa PSE noong nakaraang linggo. Ang mala­king kaibahan nito sa nakalipas na 9 na taon -- angat sa tiwala ng taumbayan si PNoy.
Noon, sadsad at malalim pa sa gutter ang tiwala ng bayan sa nakaupo. Ngayon 80% pa rin ang pigura para kay PNoy. Maliban dito, halos lahat ng mga polisiya’t programang inihain ng Pa­ngulo sa mga Filipino ay suportado ng buung-buo -- ito ang mga nakasaad sa resulta ng survey na kinumisyon ng isang peryodiko.
Pero ‘di pa inilalabas, pinag-aaralan pa raw ng bossing nila. Pinag-aaralan ba o ‘di na ilalabas? Noong Miyerkules na lamang, pumalo sa pinakamataas na antas ang piso, aba’y P43.88 na lang ang katapat na piso sa bawat dolyar ngayon. Pinakamataas na halaga ng piso sa loob ng dalawang taon.
Malungkot man itong ba­lita para sa mga kababayan nating umaasa sa mga kamag-anak na nasa abroad, ito’y sen­yales naman na bumubuti ang ekonomiya. Indikasyon din ito sa tiwalang iniaatang ng local business community at foreign investors, as in upbeat at optimistic ngayon ang pagtingin sa galaw ng piso at sa ekonomiya.
***
Mas tataas pa ang mga nasabi nating mga pigura kapag nakabalik na ang tropa ni PNoy mula sa “Byaheng Tuwid” dito sa Amerika. Tingnan n’yo na lamang ang lakad ng “Tropang PNoy” dito sa Big Apple, aba’y mala-kurbata na ang mga dila ng mga kasamahan naming reporters sa pag-cover, as in hindi lang “lagareng hapon” kundi mala-chainsaw ang ginawa ng Pangulo kahapon para “ibenta” ang Pilipinas, sa pamamagitan ng pagha­hanap ng investors.
Umaga pa lang, sunud-sunod na miting sa mga BPO call centers tulad ng IBM, Sutherland, Automa­tic Data Processing at Coach and Luen Thai ang ginawa ni PNoy. Ito ang mga kasunduang magdadala ng libu-libong trabaho sa mga propes­yunal at kababayan nating ‘di makahanap ng trabaho.
At kahapon, naganap na rin ang pirmahan ng GRP-Millenium Challenge Corporation Compact na magpapasok ng higit sa dalawan­daang milyong dolyares sa ekonomiya ng Pilipinas.
Taas-noo at buong yabang din na sinalubong ng Filipino Community mula sa Tri-State (New York, Connecticut at New Jersey) si PNoy. Ang reception para sa Tropang PNoy ay ginawa ng ating mga kababayan sa Mason Hall ng Baruch Community College dito sa NY.
Bukas (Biyernes) ang “highlights” o “main event” sa Byaheng Tuwid ni PNoy dito sa NY -- ito’y makiki­pagkita sa Koreanong Pa­ngulo ng United Nations (Ban Ki Moon) sa North Lawn Building ng UN Headquarters, kasunod ang meeting sa Heads of States o katsokaran sa puwesto mula sa iba’t ibang dako ng mundo.
Magsasalita si PNoy sa harap ng UN General Assembly na kinabibilangan ng lahat ng Heads of State ng mga kasaping bansa. Dito ilalahad ni PNoy ang mga nasimulan nang pagbabago o pag-overhaul sa pamama­lakad ng pamahalaan at mga ginhawang idudulot nito, ‘di lang sa mga kababayan natin pati na rin sa mga dayuhang mamumuhunan.
Ang Waldorf Astoria na nagkakahalaga ng US$ 2,500 ang kuwarto at paboritong hilikan ng dating nakaupo sa palasyo, ito’y mapapasyalan din sa wakas ni PNoy at masisilayan kung gaano “ka-expensive” ang tinirahan ng pinalitan sa puwesto. Mala­mang sa hindi, kapag nasa Astoria na si PNoy, mapapai­ling ang Pangulo sa pagkadismaya sa luho ng nakalipas na administrasyon kahit baon sa hirap ang marami nating mga kababayan.
Gaganapin sa Astoria ang 2nd ASEAN-US Leaders Meeting, ganap ala-una ng hapon at mangyayari na ang pakikipagkita ni US President Barack Obama kay PNoy.
Sa kabuuan, ang pagkain ng hotdog sa kanto ni PNoy at burger sa In-N-Out, ma­ging pagtira sa US$ 750 per night sa Sofitel Hotel (hindi US$7,500) animo’y nagbabalik-alala ang “barjer” ni ex-Comelec chairman Benjamin Abalos at maluhong pagtira sa Waldorf ng da­ting Pangulo na naispatan sa Penninsula -- ito’y dalawang simbolo ng malungkot na nakaraan ng bansang isinadsad sa lusak ng mga taong sa simula’y lubos na pinagkatiwalaan. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com

Wednesday, December 22, 2010

December 22, 2010 Wednesday

Coffee table book: PNoy Rock Star (Part 1)
Rey Marfil


Isang malaking karangalan ang mapabilang sa hanay ng mga personalidad na nagsulat sa coffee table book ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III na magiging ba­hagi ng ating kasaysayan -- ang “The Inaugural Book: The Inside Story of Aquino Presidency”, kaya’t ipinagpapa­salamat ng inyong lingkod kay Tita Maria Montelibano (publisher) ang pambihirang pagkakataong ito.
Narito ang unang bahagi ng mga mahahalagang pangyayari at kaganapan sa nakaraang eleksyon at kung paano umusbong ang “Noynoy’s Magic” -- ito’y base sa mata ng isang dating reporter (Abante/TONITE) na nag-cover sa Upper House at presidential campaign ni PNoy.
PNoy Rock Star!
Mula sa pagiging mahiyain at ‘no pansin’ ng media, maliban sa nakagisnang katropa, mapa-session hall o kaya’y sa labas ng Batasan at GSIS compound, nagbago ang lahat sa buhay ni Pangulong Benigno Simeon ‘PNoy’ Aquino III sa nakaraang kampanya dahil naging ‘mala-rock star’ ang arrive -- ito’y pinagkakaguluhan, mapa-senior citizens na tumatamasa sa 20% discount, hanggang ‘Kindergarten 1’.
Kung sa pelikula, blockbuster sa takilya ang bawat campaign sortie ni PNoy, walang pakialam o ‘deadma’ ang tao kahit walang artistang kumakanta at sumasa­yaw. Gaano man kahaba ang oras ng paghihintay at nagmukhang daing sa tindi ng sikat ng araw, hindi alintana ang pagod at hirap basta’t makakurot at masilayan ang maamo nitong mukha.
Sa panahon ng kampanya, naging simbolo ni PNoy ang ‘Laban sign’ na pinasikat ni dating Pangulong Corazon ‘Tita Cory’ Aquino noong EDSA 1. Kung saan kapag itinaas ni PNoy ang kanyang kamay at nag-Laban sign, isang batubalani (magnet) na hinihigop ang kamalayan ng madla, lahat ay sumusunod at sumisigaw ng “Noynoy, Noynoy!”, mapa-estero, entablado o gitna ng kalsada.
Naging ‘campaign costume’ ni PNoy ang yellow polo shirt na may kulay itim na ribbon sa kaliwang bahagi ng dibdib bilang tanda ng pagdadalamhati sa namapayang ina at black polo shirt na merong yellow ribbon -- ito’y simbolo sa laban ng mga magulang.
‘Ang Matuwid na Daan’ naman ang ‘favorite line’ ni PNoy sa harap ng audience subalit pinakamabenta ang ‘duster shirt’ sa campaign sorties. Duster shirt dahil ang litanya ni PNoy: ‘Sakto sa umaga ang size ng polo shirt subalit pagdating ng gabi, ito’y malaking duster na sa dami ng taong humahatak sa kanyang damit’.
Ang pagka-convert sa duster ng polo shirt ang isa sa pangkiliti ni PNoy sa supporters. Kapag narinig ang kuwento sa duster, hagalpakan sa tawa ang audience. Kahit embedded media o nagku-cover sa ‘Noy-Mar team’ ay natatawa pa rin kahit daang beses nang narinig ang kanyang script.
Abangan sa Biyernes ang huling bahagi ng “PNoy Rock Star” -- ito’y NASUSULAT at NABABASA sa ‘The Inaugural Book: The Inside Story of Aquino Presidency’. Laging tandaan: Bata niyo ko at Ako ang Spy niyo’. (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, December 20, 2010

december 20, 2010

Coffee table book ni PNoy
Rey Marfil


Noong December 17, inilunsad ang ‘coffee table book’ ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III -- ito’y naglala­rawan sa tunay na kaganapan, simula ng namayapa ang inang si da­ting Pa­ngulong Corazon Aquino hanggang tumakbo sa pre­sidential elections at makarating sa palasyo.
Katulad ng mga eksena sa nakaraang eleksyon, mapa-coliseum o kaya’y palengke tour, naging ‘dagat ng dilaw’ ang Ninoy Aquino Stadium dahil dumagsa ang libu-libong supporters ni PNoy upang saksihan ang launching ng ‘The Inaugural Book: The Inside Story of Aquino Presidency’ -- ang 181-page na librong naglalarawan kung paano narating ni PNoy ang rurok ng tagumpay sa pulitika.
Ang The Inaugural Book, inilathala ni Maria Montelibano, communications chief ni PNoy sa nakaraang presidential campaign at mas kilalang “Tita Maria” ng mga katrabaho -- ito’y kilalang stage director, producer at dating direktor ng Presidential Broadcast Staff (PBS) sa panahon ni Tita Cory.
Napakahalaga ng libro -- ito’y isang dokumento ng pambihirang kapalaran ng batang Aquino -- isang taong kailanma’y hindi nangarap maging tagapagmana sa samu’t-saring problema ng mga Pilipino subalit nanumpa bilang ika-15 Pangulo ng Pilipinas.
Katulad ni PNoy, napakasimple ng mensahe ni Tita Maria sa launching ng coffee table book-- ito’y napakahalaga lalo pa’t bahagi ng kasaysayan ang bawat litrato na naglala­rawan kung paano tinahak ng isa pang Aquino ang landas ng pagka-Pangulo at walang katulad na tagumpay ni PNoy.
***
Napag-uusapan ang The Inaugural Book, aminin o hindi ng mga kritiko ni PNoy -- ito’y ‘one of a kind’ sa Pilipinas at kahit ilan pang history book ni Gregorio Zaide ang halungkatin, walang makakapantay sa record -- naging instrumento ang mga magulang (Ninoy at Cory) upang mapalaya sa diktaduryang rehimeng Marcos.
Sa nagdaang siyam na taon, napuno ng eskandalo ang gobyerno at nagsilbing ‘ilaw’ si PNoy upang makaalpas ang sambayanang Pilipino, maliban kung nakalimutan ng mga mahistrado ng Korte Suprema ang multi-bilyong pisong fertilizer scandal at sangkaterbang Senate inquiry. Never mind ang Hello Garci dahil hindi na mababawi ang anim na taon. Kaya’t napakahalaga ang inaugural book -- dito nakadetalye ang mga kaganapan sa nakaraang eleksyon.
Ang 181-page coffee table book -- ito’y naglalaman ng 100 larawang kuha ng mga kinikilalang photogprapher -- sina Teodoro “Ted” Aljibe, (Agence France Presse); Erik De Castro (Reuters); Alberto “Bullit” Marquez (veteran photojournalist); Dennis Sabangan (European Pressphoto Agency) at Jay Morales (chief Presidential Photographers Division at close-in photographer ni PNoy).
Kung merong photographer, hindi makukumpleto ang libro kung walang writer at isa ang inyong lingkod sa contribu­tor at nagsulat ng mga ‘symbols’, kasama ang mga beteranong manunulat at kilalang personalidad -- sina Billy Esposo (Star) Joanne Ramirez (Star), Conrad de Quiros (Inquirer), Antonio Meloto (Gawad Kalinga), Atty. Alex Lacson, Usec. George Syliangco, Usec. Chris Tio, Cesar Sarino, Jan Co-Chua, Ward Luarca, Jing Magsaysay at Secretary Sonny Coloma Jr.
At siyempre -- si Boss Lynette Baldivino -- ang isa sa nagpakahirap sa media handling ni PNoy sa nakaraang presidential elections, as in ‘small but terrible’. May kamahalan ang libro kaya’t abangan niyo sa Miyerkules ang konting kontribusyon ng inyong lingkod sa coffee table book ni PNoy. La­ging tandaan: “Bata niyo ko at Ako ang Spy niyo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

December 17, 2010

Taga-rescue ang OFWs!
Rey Marfil


Hindi nagtatapos sa monthly remittances ang kabayanihan ng mga overseas Filipino workers (OFW’s) upang tustusan ang kanilang pamilya at maka-ambag sa paglago ng ekonomiya— ito’y ‘taga-rescue’ kapag meron calamity, patunay ang malaking donasyong naibabahagi kada taon at makatwiran lamang na kilalanin ngayong ipinagdiriwang ang “Overseas Filipinos and International Migrants Day”
Sa 2010 Presidential Awards for Filipino Individuals and Organization Overseas (PAFIOO), kinilala ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III ang ipinapakitang malasakit ng mga OFW’s at iba’t ibang organisasyon sa mga kababa­yang sinalanta ng bagyo, pagbaha at iba pang uri ng kalamidad, sa pamamagitan ng donasyon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Kundi nagkakamali sa kuwenta ang mga kurimaw, nakapag-ambag ng $91,000 cash donation ang OFW’s noong 2009 subalit bumaba sa $23,000 ngayong taon. Kaya’t pa­kiusap ni PNoy — palakasin ang bayanihan lalo pa’t meron katiyakang makakarating ang donasyon sa mga pamilyang tinamaan ng kalamidad.
Sa kaalaman ng OFW’s, binigyan ng kapangyarihan ni PNoy ang Presidential Management Staff (PMS) maglabas ng ‘clearance’ upang malibre sa Bureau of Internal Revenue (BIR) ang lahat ng importasyon at donasyong may kinalaman sa calamity victims, alinsunod sa Memorandum Order No. 36. Ibig sabihin: lahat ng donasyong galing sa ibang bansa — ito’y hindi ipagbubuwis at mapapasakamay ng mga taong dapat tumanggap.
***
Napag-usapan ang 2010 PAFIOO rites — labing-tatlong (13) OFW’s at pitong (7) organisasyon ang kinilala at tumanggap ng presidential awards dahil nagpakita ng malasakit upang tulungang mai-angat ang katayuan ng Pilipinas, kabilang ang tatlong (3) foreigners— ito’y nagmamula sa Estados Unidos, Hong Kong, South Korea, Israel, Jordan, Le­banon, Saudi Arabia, UAE, Australia, Germany at Canada.
Ang mga tumanggap ng presidential awards (Pamana ng Pilipino) sina Ramon Felix ‘Rage’ Totengco (fashion designer); Lilac Cana (Canada); Angelito David, Fred De Asis, Bernard Randy Gener at Lilibeth Navarro (USA); Ang Banaag awardees — Computer Society of Filipinos International (Saudi Arabia); Congress of Visayan Organizations (USA); Federation of Filipino Communities (Israel); Dr. Emi­ly Abagat (South Korea); George Gange at Sindaw Kinding (USA); Marilyn Kasimieh (UAE); Sister Lucia Olalia (South Korea) at Evangeline Ybo (Jordan).
Ang Lingkod ng Kapwa Pilipino (LINKAPIL) awar­dees — sina Teresita Alarcon (USA); Ruth Martinez (Australia); North Central Virginia Association of Philippine Physicians (USA); Philippine-American Association of Connecticut (USA) at Philippine-German Community Oberberge e.V. Ang Kaanib ng Bayan awardees — Caritas Lebanon, Migrants Center (Lebanon); Phoebe Lam Bik Che at Sunny Lam Kai Chor (Hong Kong) at Simha Salpeter (Israel).
Isang biennial awards system ang PAFIOO — ito’y likha ng Executive Order No. 498 nilagdaan ni Pangulong Corazon Aquino — isang paraan upang bigyang-pugay ang nagawa at mahalagang ambag para sa kapakanan ng mga Pi­lipino sa ibayong dagat.
At ngayong taon, umabot sa 110 nominees mula sa da­lawamput-tatlong (23) bansa ang natanggap ng Commission on Filipinos Overseas (CFO) bilang Awards Secreta­riat — ito’y sinuri ng tatlong lupon mula gobyerno, media, academe, religious group at business sector. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, December 15, 2010

December 15, 2010

Naka-4 points si PNoy!
Rey Marfil


Hindi maganda ang Pasko ng mga kritiko ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III, sampu ng mga naglalakad ng paliku-liko sa kalye at hindi maka-recover sa nakaraang eleksyon, aba’y mataas ang satisfaction rating nito, alinsunod sa huling survey ng Social Weather Stations (SWS), may petsang November 27-30 -- ito’y kinomisyon ng Business World.
Hindi nagsisinungaling ang mga ebidensiya -- ito’y NASUSULAT at NABABASA -- malinaw ang SWS survey, hindi lang ‘good’ kundi ‘very good’ ang performance ni PNoy sa nagdaang limang buwan at tanging 10% ang diskuntento sa diskarte ng Pangulo -- sa malamang nakinabang sa likong daan ang natanong. Take note: Nakapagtala ng +64 net sa­tisfaction rating si PNoy, nangangahulugang mas mataas ng 4% kumpara noong Setyembre.
Sa unang tatlong buwan ni PNoy, simula Hulyo hanggang Setyembre -- ito’y nakapagtala ng +60 net satisfaction rating at makalipas ang dalawang buwan, nakabawi ang Pangulo sa bangungot na nilikha ng ‘Quirino siege’ at hindi umepek­to ang kaliwa’t-kanang ‘pagmamagaling’ at pag-‘Mr. Know All’ ng mga dating nakinabang sa gobyerno.
Kapag sinuri ang SWS November poll, pinakamalaking pag-angat sa satisfaction rating ni PNoy nagmula sa Min­danao region -- ito’y nakakuha ng +65 mula +52 (74% sa­tisfied at 9% dissatisfied), maging sa Balance Luzon, nadagdagan ng 4% ang rating ni PNoy -- mula +65, umakyat sa +69 (77% satisfied at 8% dissatisfied) habang 2% sa Visayas region -- ito’y nakapagmarka ng +56 (71% satisfied at 15% dissatisfied) kumpara sa +54 noong Setyembre.
Bagama’t nabawasan ang satisfaction rating ni PNoy sa Metro Manila -- ito’y ordinaryong paggalaw lamang lalo pa’t nakasentro ang lahat ng isyu sa Maynila. Take note: Kahit si Superman ang mag-office sa Guest House, hindi mawawala at makukuntento ang mga ‘reklamador’ sa Mendiola at Liwasan, as in araw-araw pa rin magmamartsa ang militant groups, sampu ng mga nag-iingay para pondohan ng dayuhang organisasyon.
***
Napag-uusapan ang satisfaction rating, isang ‘long shot’ ang 9% pag-angat ni PNoy sa rural areas -- mula +58 nitong Setyembre -- ito’y pumaimbulog sa +67, maging sa urban a­reas, umangat ang rating ng Pangulo -- mula +61, na­ging +62 (73% satisfied at 12% dissatisfied), nangangahulugang nasa tamang direksyon ang Pangulo at sinusundan ito.
Sa tinaguriang socioeconomic class, binigyan ng ‘excellent grade’ si PNoy -- ito’y nakapagtala ng +75 (82% satisfied at 7% dissatisfied) mula ‘good +49’ (ABC Class) at naka-very good sa Class D (masa) ang Pangulo matapos nakakuha ng +65 (74% satisfied at 9% dissatisfied) -- ito’y malayo sa naunang +59 (SWS September poll). Maging sa Class E (mas mahihirap), malinaw ang gradong ‘very good’ ni PNoy -- ito’y nakapagtala ng +65 (74% satisfied at 9% dissatisfied).
Kahit ‘by gender’ o kasarian ng tao ang pagbatayan sa satisfaction rating, hindi nagbabago ang pagtingin ng mga kalalakihan at kababaihan kay PNoy -- ito’y ‘very good’, patunay ang naitalang +65 (76% satisfied at 10% dissatisfied) at +63 (73% satisfied at 10% dissatisfied), ayon sa pagkakasunod. Take note: Isang face-to-face interview ang ginawa ng SWS kaya’t tigilan ng mga kritiko ang pagdududa sa satisfaction o popularity rating ni PNoy dahil kahit kailan, hindi magnanakaw ang Pangulo.
Anyway, walang binago sa schedule ng “Christmas Holidays” -- tuloy implementasyon ng Proclamation No. 1841 -- December 24 (Biyernes) at December 31 (Biyernes) -- ito’y special non-working days habang non-working holiday ang December 27 (Lunes) dahil pinakamalapit sa December 30 (Rizal Day). Laging tandaan: “Bata niyo ko at Ako ang Spy niyo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, December 13, 2010

Dec 12, 2010

Ang resbak ni PNoy! (last part)
Rey Marfil


Narito ang huling bahagi ng pahayag ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino noong Disyembre 8, alas-7:00 ng gabi tungkol sa pagkontra ng Korte Suprema sa legalidad ng Truth Commission. Kayo ang humusga kung makatwiran ang sampung (10) mahistradong bumoto, pabor sa interes ni Mrs. Gloria Arroyo, naupo ng 9-taon:
Lilinawin ko po: Hindi nakatutok ang Truth Commission sa iisang tao lamang, kundi sa maraming iba’t ibang insidente. Kailangan po nating malaman -- hiwa-hiwalay bang kaso ito, o ito ang sistemang umiral sa loob ng siyam at kalahating taon? May mga kakuntsaba pa bang nasa puwesto ngayon, at may pagkakataon pang ipagpa­tuloy ang kanilang pamiminsala?
Di ba’t may pakinabang sa akusado ito na maaaring linisin ang kanilang pangalan? Kasabay nito ang pakinabang sa estado na para makasiguro tayong hindi magpapatuloy ang maling gawain, at magbayad ang may kasalanan.
Kapag napinsala ang mga Pilipino, hindi po ba kayo nababahala? Hindi po ba kasama ang inyong mga anak, apo at mga mahal sa buhay na makikinabang sa paglalatag natin ng maayos na sistema, kung saan mananagot ang mga nagkasala?
Sa lawak ng mga akusasyon, mahaba-habang panahon ang gugugulin sa paghahabol sa sanga-sangang pinaghihinalaang katiwalian, kung saan ito tumutungo o tuturo. Kung walang tututok dito, ginagarantiya natin ang patuloy na kapinsalaan sa taumbayan.
May pananagutan po tayo. Hahayaan ba nating maantala ang paghahatid ng katarungan sa taumbayan?
May mga tanong ang taumbayan na kailangang masagot. Totoo ba ang Hello Garci, kung saan sinabing nadaya ang eleksyon?
Paanong umusbong ang NBN-ZTE na pagkamahal-mahal na wala namang pakinabang ang bayan?
Saan ba napunta ang pondong pambili ng fertilizer? Ito pong fertilizer scam na ito, parang sine, may part one at part two, at napag-alaman nating may part three pa po na mas karumal-dumal.
Saan napunta ang pondong diumano’y nawaldas na dapat sana ay napunta sa mga nasalanta nina Ondoy at Pepeng?
Bukod pa po rito ang napakarami pang ibang midnight deals at midnight appointments. Baka nalimot na po ninyo, P981 milyong piso ang halaga ng isang midnight deal na dinaan sa mabilisang hokus-pokus. Noong ipina-rebid, naging P600 million na lang. Ito po bang mga deal na ganito ay talagang naging kalakaran lang noong nakaraang dekada?
Hindi po ba lehitimong mga tanong ito? Hindi ba kung hindi natin maisaayos ang sistema, ay ginagarantiya lang natin na mauulit at magpapatuloy ang maling kalakaran?
Tungkulin at obligasyon natin sa bawat Pilipino ang hanapin ang sagot sa mga tanong na ito, lalung-lalo na sa mga handang magsakripisyo at isiwalat ang buong katotohanan ukol sa katiwaliang naganap.
Nananawagan ako, sa mga nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan sa malinaw na panawagan ng taumbayan, huwag po sanang harangan ang aking tungkulin.
Gagawin ko ang lahat ng nararapat sa ilalim ng batas upang itigil ang pamiminsala sa taumbayan.
Huwag po kayong magduda, bago ang sarili ko, bago sino man, ang papanigan ko ay ang interes ng taumbayan. Habang nandito ako, hindi ako papayag na patuloy na apihin ang Pilipino.
-- Pangulong Benigno S. Aquino III
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, December 10, 2010

Ang resbak ni PNoy!

Ang resbak ni PNoy!
Rey Marfil


Narito ang buong pahayag ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino noong Disyembre 8, alas-7:00 ng gabi tungkol sa pagkontra ng Korte Suprema sa legalidad ng Truth Commission. Kayo ang humusga kung makatwiran ang sampung mahistradong bomoto, pabor sa interes ni Mrs. Arroyo naupo ng 9-taon.
“Marami ang nadismaya sa desisyon ng Korte Suprema na ipawalang-bisa ang Truth Commission. Bilang inyong pinuno, tinatanong ako kung ano ang mga susunod kong hakbang.
Kasalanan ba ang maghanap ng katotohanan? ‘Di ba obligasyon kong tuklasin ang katotohanan? ‘Di ba obligasyon ko rin na maparusahan ang mga lumabag sa batas? ‘Di ba tungkulin nating malinis ang pangalan ng mga inakusahan nang walang base?
Nanumpa po ako bilang inyong Pangulo: ipagtatanggol ko ang Konstitusyon; ipatutupad ko ang mga batas; at magbibigay ako ng hustisya sa bawat Pilipino. Sino mang alagad ng katarungan ay sumusumpa rin sa kanilang tungkuling kumapit sa kung ano ang totoo.
Ang hinahabol po natin dito ay katotohanan. Itinatag natin ang Truth Commission upang isara ang sinasabing isa sa mga pinakamadilim na kabanata sa ating kasaysa­yan — at malinaw na makakamtan lamang natin ito kung patuloy nating tutuklasin at kakapitan ang katotohan.
May mga nagtatanong: Bakit pa kailangan ng panibagong Komisyon kung nariyan naman ang napakara­ming mga institusyong naitalaga na upang isulong ang katarungan?
Nariyan ang Ombudsman. Ang Department of Justice na patung-patong na rin ang tungkulin at nakabinbin na kaso. Natural, kung papasanin pa nila ang ganito kalaking dagdag na trabaho — mas lalong babagal ang paghahatid ng hustisya sa mga kasong ilang taon nang nakabinbin sa kanila.
Ang hustisyang inantala ay hustisyang ipinagkait. Karapatan ng mga walang-sala ang mabawi ang kanilang dangal, at tungkulin ng sistema ang parusahan at panagutin ang mga nagkasala. Paano natin makukuha ang solusyon kung hindi man lang natin matukoy kung ano ang problema?
Kung may isang Komisyon na nakatutok sa mga ali­ngasngas ng korupsyon nitong nakaraang dekada, natural naman pong mas mabilis nating maaabot ang ninanais nating liwanag.
Ang pinakamahalagang layunin nito: Bigyang-liwanag ang anumang sadyang hinarang ang pagsisiwalat, at patuloy pang itinatago ng mga nakinabang sa lumang sistema.
Ang sabi po ng Konstitusyon, anim na taon dapat mamalagi ang isang administrasyon. Paano natin tatratuhin na hindi naiiba ang isang administrasyon na halos dalawang terminong nanungkulan?
Kung administrasyon ka — na lumagpas-lagpas na nga sa inaasahan natin ayon sa batas, ‘di ba naiiba ka nga sa lahat? Nararapat lamang na natatangi ang batayan para sa isang natatanging administrasyon.
Ang tanong ng ilan: Inaapi ba natin ang nakaraang administrasyon o pinipili lang nating isulong ang interes ng mga inapi at ninakawan?
Kaninang alas-5:47 hapon (Miyerkules) lang nakara­ting sa amin ang kopya ng desisyon. Mahaba-haba ang opinyon, kailangang pag-aralan nang masinsinan ito, at pag-isipan kung ano ang mabuting gawin.
Mga eksperto na po ang nagsabi — ang pangkaraniwan ay lumalabas ang kopya ng pormal na desisyon sa mismong araw ng pagpahayag nito. Pinagtalo lang po yata ang magkabilang panig. Nagpapasalamat na lang po at hindi kami inutusan na isauli ang lahat ng nalikom na ebidensya.
Abangan sa Lunes ang huling bahagi ng pahayag ni PNoy. Laging tandaan: Bata nyo ko at Ako ang Spy nyo (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, December 8, 2010

December 8, 2010

Aksyon-PNoy sa OFWs!
Rey Marfil


Dalawa lamang kada sampung katao ang diskuntento sa performance ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III, alinsunod sa Pulse Asia survey na may petsang Oktubre 20 hanggang 29 -- nangangahulugang walong Pilipino ang bilib sa diskarte nito. Kaya’t siguradong mainit ang ulo ng mga kritiko sa buong linggo, aba’y ‘wa epek’ ang pang-iintriga dito.
Sa kabuuang 1,200 respondents na tinanong ng Pulse Asia, nakapagtala ng 79% approval rating si PNoy at ta­nging 3% ang diskuntento habang 18% ang nag-iisip kung anong grado ang ibibigay sa Pangulo -- ito’y maaari pang makumbinse, depende sa takbo ng panahon lalo pa’t tamang direksyon ang tinatahak ng administrasyon.
Kung susuriin ang 79% performance rating ni PNoy sa kauna-unahang survey ng Pulse Asia ngayong taon, halos walang pagbabago ang popularidad nito. At kung pagbabatayan ang 43% votes na nakuha sa nakaraang 2010 presidential elections at ikukumpara ang approval ra­ting, lumalabas pang dumami ang nagtitiwala sa Pangulo.
Hindi man aminin ng mga kritiko ni PNoy -- ito’y nagugulumihanan sa sitwasyon, aba’y kahit anong pang-iintriga sa love life ng Pangulo at akusahang “OJT” (on the job training) ang mga kinuhang katuwang sa pagpatakbo ng gobyerno, walang epekto -- isang patunay na mas gugustuhin ng publiko ang isang bagito kesa sa eksperto dahil siguradong bihasa rin sa pagnanakaw ito.
Ang pagiging transparent sa bawat aksyon at walang bahid ng katiwaliang pamumuno ang malaking rason kung bakit ‘very good’ ang grado ni PNoy sa loob ng limang buwang panunungkulan nito -- ilan lamang sa katangiang hindi nakita sa mga naunang naupo sa palasyo. Take note: Hindi lang ‘bagyo’ ang humagupit kay PNoy sa unang tatlong buwan -- ito’y kinuyog ng mga kalaban at ginawang ‘hurricane’ ang Quirino siege.
***
Napag-uusapan ang impresibong performance rating ni PNoy, na-impress din ang overseas Filipino workers (OFWs) sa awarding rites ng 2010 Model OFW Family -- ito’y naglaan ng P1 bilyong reintegration fund sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) kaya’t dumagundong ang palakpakan sa loob ng Sofitel Hotel.
Sa pamamagitan ng loan program, katuwang ang Land Bank of the Philippines (LBP) at Development Bank of the Philippines (DBP), makakapagsimulang magnegosyo ang isang OFW -- ito’y kukunin sa P1 bilyong reintegration fund at kakapirangot lamang ang interes na sisi­ngilin. Ang misyon ni PNoy -- mabawasan ang nangi­ngibang-bansa lalo pa’t hindi biro sa isang anak o magulang ang mawalay sa pamilya -- ito ang pinakamalungkot na eksenang nakikita sa labas ng paliparan.
Ang good news lamang, hindi nagtatapos sa pagpapautang ang inakong responsibilidad ni PNoy -- magsasagawa ng seminar ang gobyerno tungkol sa financial li­teracy at money management upang mailagay sa tamang negosyo ang puhunang hihiramin. Sa ganitong paraan, hindi magkakamot ng ulo ang isang OFW kahit walang kuto at balakubak lalo pa’t hindi eksperto sa pagnenegosyo ang karamihan.
Hindi lang iyan, magkakaroon ng karagdagang 54 help desks sa iba’t ibang lungsod at bayan upang pa­ngalagaan ang kapakanan ng mga OFW -- ito’y hiwalay sa naunang 554 help desks. Laging tandaan: “Bata niyo ko at Ako ang Spy niyo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, December 6, 2010

December 6, 2010

Ibalato kay PNoy!
Rey Marfil


Kahit anong uri ng pang-iintriga ang pakawalan ng mga kritiko, hindi maitatangging gumanda ang imahe ng Pilipinas sa international community at bumuti ang ekonomiya sa maikling panahon ng panunungkulan ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III -- hindi kailangan ang expertise ng mga alagang Scene of the Crime Operatives (SOCO) ni Gus Abelgas upang makitang umangat ng 1.2% ang local stocks sa huling yugto ng taon.
Ang usapin ng kidnapping sa Basilan -- ito’y na-handle ng maayos ng gobyerno, patunay ang mabilis na aksyon upang mapalaya ang sampu sa labing-dalawang villagers na dinukot ng nakaraang linggo, maging ang pagsasampa ng tax evasion case ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa tatlong ex-MWSS governing board members, maimpluwensiyang nilalang sa nagdaang administrasyon at ilan pang persona­lidad na hindi nagbabayad ng tamang buwis.
Ngayong Kapaskuhan, inaasahang mababawasan ang trapiko sa kahabaan ng EDSA, alinsunod sa ‘Christmas lane’ na ipinapatupad ng Metro Manila Development Authority (MMDA). Higit sa lahat, nagkaroon ng ceasefire sa pagitan ng gobyerno at New People’s Army (NPA) -- ito’y magtatagal ng labing-walong araw, simula Disyembre 16 hanggang Enero 3 -- pinakamahaba sa loob ng 10 taon.
Maliban sa 18-day ceasefire at Suspension of Military Ope­rations (SOMO), pinayagan ni PNoy na makauwi si National Democratic Front (NDF) founding chairman Luis Jalandoni at noong nakaraang Sabado, ito’y nakatapak sa Pilipinas matapos alisin ang hold departure order (HDO) -- isang patunay kung gaano kaseryoso si PNoy sa peace talks. Kaya’t ‘mapapa-blow’ ng candle si GRP peace panel chair Alex Padilla sa breakthrough.
***
Bago mag-weekend, isang panibagong ‘good news’ ang bumandera sa pahayagan -- inokupahan ng Pilipinas ang No. 1 spot sa business process outsourcing (BPO) industry, as in ‘iniwanan sa kamotehan’ ang bansang India na matagal ng namamayagpag sa karera -- ito’y kinapos ng 20,000 emple­yado para mapanatili ang korona sa BPO industry, simula ng ilunsad noong 2001 sa Pilipinas.
Sa kaalaman ng publiko, nakapako sa No. 2 spot ang Pi­lipinas sa BPO industry at siyam na taong nakabuntot sa India, subalit sa maikling limang buwan ni PNoy, nakapagtala ng 350,000 strong Filipino workforce sa call centers kum­para sa 330,000 ng India -- isang pagpapatunay kung gaano kalaki ang kumpiyansa at pagtitiwala ng mga foreign investors sa Aquino administration.
Bilang aksyon upang mapanatili ang kumpiyansa sa gobyerno, mas lalo pang pag-iibayuhin ng Aquino admi­nistration ang pagsugpo sa ‘red tape’ at pagiging transparent sa lahat ng transaksyon, kabaliktaran sa nagdaang 9 na taon. Isang paunang aksyon ang pagbibigay ng sapat na kasanayan sa mag-aaral ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Department of Education (DepEd) -- ang tamang pagtuturo ng wikang Ingles.
***
Napag-uusapan si PNoy, mismong ‘women’s group’, sa pangunguna ni Gabriela Partylist Rep. Luzviminda Ilagan ang nagsabing ‘walang masama’ kung ma-link sa iba’t ibang bebot ang Pangulo -- ito’y isang binata at walang pananagutan, maliban sa ‘Inang Bayan’ na pinakasalan sa loob ng anim na taon. Ibig sabihin, walang nilalabag na batas at hindi rin ‘impeachable offense’ ang makitang nakikipag-date sa resto. Kaya’t mas makakabuting ibalato kay PNoy ang usaping ‘love life’ lalo pa’t hindi papangarapin ng sinumang nilalang ang “Blue Christmas” ngayong taon. Laging tandaan: “Bata niyo ko at Ako ang Spy niyo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, December 3, 2010

December 3, 2010

Almendras, tutulay sa alambre!
Rey Marfil

Sa taong 2011, inaasahang kikita ng $13 bilyon ang Information and Communications-Business Process Outsourcing (IT-BPO) at maaaring pumalo ng $100 bilyon sa taong 2020, katumbas ang 20% market share sa pandaigdigang industriya -- ito ang malaking rason kung bakit nag laan ng P62 milyon si Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III sa public-private partnership (PPP).
Sa inauguration rites ng tatlong bagong pasilidad ng IBM-Philippines sa UP-Ayala TechnoHub, Commonwealth Avenue, Quezon City, malinaw ang mensahe ni PNoy -- binawasan ng IT-BPO sector ang dumaraming tambay sa kanto, patunay ang nalikhang 650 libong trabaho noong 2009 at $9 bilyong kinita dito.
Kundi nagkakamali ang mga kurimaw, dinidedma lamang ang IT-BPO sector noong 2001 subalit ngayong panahon, magiging back-office sector -- ito’y kumuha ng 86 na libong tauhan sa IT-BPO sector at humigit-kumulang 40 libo ang nakapasok sa IT outsourcing ngayong taon. Take note: 10.2% ang naiambag ng IT-BPO sector sa service sector noong 2009 -- ito’y binubuo ng 49.5% sa gross domestic product (GDP) at ngayong 2nd quarter, pumalo sa 3.2%.
Malinaw ang pakay ni PNoy -- ipagpapatuloy ng gobyerno ang paglinang sa IT-BPO sector at nasa kamay ngayon ng Commission on Information and Communications Technology (CICT) ang bola. Kung gaano kaseryoso si PNoy sa IT-BPO sector, malinaw ang inilaang P62 milyon sa Business Processing Association ng Pilipinas (BPAP), sa pamamagitan ng PPP program.
Nasa ilalim ng kasunduan ng BPAP at CITC ang BPAP Talent Caravans, Pilot Plan ng National Competency Assessment Test (NCAT) ng Entry-Level BPO Talent; Expanded Learning ng IT Services (ELITES), Teacher Training at Capacity Building sa Health Information Management Outsourcing Industry -- katuwang ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
***
Napag-uusapan ang partnership, napakagandang ehemplo ang pagkakapit-bisig ng Department of Energy (DOE) at Renewable Energy Coalition (REC) upang paunlarin ang renewable energy sector lalo pa’t kinakapos sa power supply ang Pilipinas -- ito’y nagpatawag ng 2-day Renewable Energy Conference sa Dusit Thani Hotel, simula Disyembre 2 at pangunahing paksa ang mga polisiya at aksyon.
Simula ng maisabatas ang Renewable Energy Act noong 2008, ngayon lamang naging seryoso ang energy department, sa ilalim ng pamamahala ni Secretary Rene Almendras -- ito ang pinakamalaking pagtitipon ng mga stakeholders na pinangangasiwaan ng Renewable Energy Coalition. Mantakin niyo, tinatayang 247,00 megawatt ng renewable energy ang hindi nagagamit ng Pilipinas, alinsunod sa pag-aaral ng US National Renewable Energy Laboratory.
Kung pag-uusapan ang renewable energy, hindi lang napag-iiwanan sa ‘kamotehan’ ang Pilipinas kundi na baon sa burak -- ito’y isa sa global community o 100 bansa na sumumpa at nangakong magsusulong ng renewable energy subalit pupugak-pugak ang energy system. Hindi lang iyan, No. 2 sa pinakamalaking producer ng geothermal energy sa buong mundo ang Pilipinas subalit nakakalungkot isiping kinakapos sa power supply.
Noong nakaraang taon, bumaba sa 42.13% mula 45.58% noong 2001 ang renewable energy shares, ma ging ang power generation -- ito’y bumagsak sa 32.5%, malayo sa 37.29% noong 2001. Mabuti lang, meron isang Secretary Almendras si PNoy na handang tumulay sa alambre, masolusyunan lamang ang problema sa kakulangan ng supply sa kuryente. Laging tandaan: “Bata niyo ko at Ako ang Spy niyo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, December 1, 2010

December 1, 2010

Mapagsamantalang airlines?
Rey Marfil

Sa latest survey ng Social Weather Station (SWS) -- hindi nagsisinungaling ang ebidensya at kahit anong uri ng pang-iintriga ang ipinupukol kay Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino -- ito’y ‘very good’ kumpara sa gradong ‘very bad’ ni ex-President Gloria Macapagal-Arroyo, malinaw ang nakuhang positive 64% ni PNoy at napakalayo sa negative 45% ng nagdaang administrasyon.
Kapag ikinumpara ang naitalang satisfaction rating sa lahat ng naupong Pangulo -- binura ni PNoy ang lahat ng record, nangangahulugang nasa tamang landas ang pagtitimon at sobrang kuntento ang sambayanang Filipino sa diskarte nito. Take note: public satisfaction ang pinapulsuhan ng Business World sa SWS, as in pulso ng publiko sa pamamahala ni PNoy. Sa malamang, mainit ang ulo ng mga kritiko ni PNoy ngayong Pasko.
Sa kabuuan, 3% ng respondents ang nagsabing ‘very good’ ang performance ni PNoy at bumaba lamang sa 64% dahil meron 9% ang diskuntento -- ito’y napakalayo sa 36% ni ex-President Joseph “Erap” Estrada noong November 1998 -- ang may hawak ng record sa satisfaction rating. Ibig sabihin, hindi lang talon ang ginawa ni PNoy kundi takbo para malampasan ang nakakarimarim at nakakahiyang sa tisfaction rating ni Mrs. Arroyo noong Marso.
***
Napag-usapan ang Pasko, nawa’y bukas ang puso at isipan ng mga airline companies lalo pa’t pagbibigayan ang diwa ng Pasko -- hindi pananamantala sa kahinaan ng publiko, katulad ng reklamong natanggap mula sa isa nating kababayan sa abroad, aba’y ginagawang ‘gatasan’ ang mga balikbayan o overseas Filipino workers (OFWs) gayong ‘bayani’ kung tawagin ang mga ito.
Mr. Rey,
I and rest of my co-employee here in Qatar never missed to read your column at Abante Tonite. Can you take this matter on your column, hope that Airline Industry will wake up, so the President PNoy.
If you can take a look, airfare coming out from Manila on the dates of December 23 and December 24 is so expensive, seems the airline industry taking this opportunity as a milking time for travelers. Instead of giving discounts on the 24th of December for airfare rates, it make life worsen. It’s the maximum airfare (regular fare they are costing). Whoaaa!!! After December 25, cost of airfare goes down coming out of Manila to local destination.
Take a look at the on-line booking of Manila -- Bacolod on December 23 and December 24. Whoaaa… big time. The cost is double. What happened to our kababa yans, missed their connecting flight coming from abroad or the domestic helpers having a budget pocket money chancing the flight.
Can you believe that it is much cheaper to take a flight from Manila to Hong Kong, Thailand and Singapore compare to the airfare of Manila-Bacolod on dates December 23 and December 24.
Appreciate if you can post in your column or make as a headline.
Regards,
Joel Lazaro Piccio
Qatar

Bilang tugon, makakaasa si Mr. Piccio, hindi palalagpasin ni PNoy ang pananamantala ng ilang airline companies ngayong Pasko -- ito’y isang lihis na landas na kailangang ituwid ng gobyerno. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mga kurimaw.blogspot.com)