Monday, September 6, 2010

Setyembre 01 2010 Abante Tonite

Tantanan si Ms. Raj
Rey Marfil


Sa gitna ng hostage drama, isang pangalang Maria Venus Bayonito Raj ang nagbigay ng karangalan sa Pilipinas at nakabawas sa tensyong nilikha ni dating Sr. Inspector Rolando Mendoza sa Quirino Grandstand.

Ang nakakalungkot, hindi makuntento ang ilan nating kababayan sa sagot ni Ms. Raj, animo’y pagkatatalino sa patimplak at kuwadrado naman ang pagmumukha.

Alas-tres kahapon, nag-courtesy call (Music room) si Ms. Raj kay Pangulong Benigno Simeon ‘PNoy’ Aquino III upang personal na ibalita ang pagkapanalo ng 4th runner-up sa Miss Universe beauty pageant na ginanap sa Las Vegas.

Hindi man naka-grand prize, walang ibang pinaka-winner sa lahat ng contestant kundi si Ms. Raj.


Subukang i-flashback ang kaganapan sa Binibining Pilipinas -- ito’y nakoronahan noong Marso 6, 2010 sa Araneta Coliseum at kinilala bilang pambato ng Pilipinas sa Miss Universe, subalit kaagad binawi ng organizer.

Hindi ba’t naging political issue ang pagkaka-dethroned? Kahit itanong niyo pa kay Senador Francis ‘Chiz’ Escudero na tumayo at nagtanggol sa kababayan nitong si Venus.


Mapa-vital statistics hanggang curriculum vitae, may ibubuga si Ms. Raj sa lahat ng katunggali, malinaw ang ‘35-22-35’ ang measurement, at 5 feet 9 inches (1.75cm) height.

Take note: Gra­duate ng Bachelor of Communication Arts (AB), major in Journalism at isang cum laude. Ibig sabihin, hindi ‘iskul bukol’ si Ms. Raj sa Bicol University -- ito’y nakapagtapos dahil sa scholarship kaya’t napaka-unfair ang panlalait sa ‘major, major answer’.


Maraming kauri si Ms. Raj sa buong mundo, ito’y nagmula sa isang pamilyang mahirap at lumaking walang ama, su­balit hindi naging balakid ang kahirapan upang magtagumpay sa buhay.

Lumaki at nagkaisip si Ms. Raj sa bahay-kubo -- gawa sa kawayan at anahaw ang dingding at bubong, walang elektrisidad at nakatirik sa gitna ng pilapil sa Bato, Camarines Sur, as in ‘hindi naramdaman’ ang ipinagmamala­king serbisyo ng nakaraang administrasyon dahil ninakaw lamang ito.
***


Napag-uusapan si Ms. Raj, hindi lang butas ng karayom ang dinanaan upang makakuha ng passport, US visa at makarating sa venue -- ito’y na-dethroned, isang linggo makaraang koronahan bilang Binibining Pilipinas-Universe, alinsunod sa desisyon ng Binibining Pilipinas Charities, Inc.

Ang isyu: Hindi magkakatugma ang ilang impormasyon sa birth certificate at personal account nito.


Sinibak si Ms. Raj ng organizer at pinalitan ng 2nd runner up -- si Helen Nicollete Henson dahil 17-anyos ang 1st runner up -- si Diane Elaine Necio, as in sabit sa age requirement.

Dito pa lamang, malinaw ang malaking kabulastugan sa panuntunan ng organizer. Kung sablay ang dokumento ni Ms. Raj, bakit lumusot sa screening committee at bakit hindi na-anticipate ang age requirement sa Miss Universe kapag nagkaproblema ang title holder sa pageant?


Kung hindi pa inulan ng petisyon, signature campaigns, Facebook fan pages, blogs, forums at petition letters, hindi mare-reinstate si Venus noong April 10, 2010.

Pagkatapos ibalik ang korona, panibagong dagok sa buhay ni Ms. Raj ang pagkuha ng pasaporte at kamuntikan pang hindi nakapagbiyahe sa US.

Sa gitna ng kompetisyon sa Miss Universe, nasawi sa aksidente ang kanyang best friend -- si Bb. Pilipinas-International 2009 Melody Gersbach sa Bula, Camarines.


Sa mga nangyari sa buhay ni Ms. Raj, pinaka-winner ang Pili­pinas sa Las Vegas -- ito’y nakapasok sa Top 5, kahit bangu­ngot ang nilikha ni Mendoza sa turismo ng bansa.

Kaya’t mas makakabuting tantanan ng ilang personalidad ang pagkuwestyon sa sagot ni Ms. Raj kung ‘puro kanto’ rin ang mukha at kahit pa-contest ng mga bading, hindi makasagot ng tama.

Laging tandaan: ‘Bata niyo ko at Ako ang Spy niyo’. (mga kurimaw.blogspot.com)

No comments: