Wednesday, September 15, 2010

September 15, 2010 Wednesday

Pinipilayan si PNoy!
Rey Marfil


Hindi kailangang maging pari o obispo para maintindihan ang bagong expose sa ‘jueteng payola’, ito’y nasa kamay ni retired Archbishop Oscar Cruz kung paano patutunayan ang lahat ng pagbibintang at akusasyon lalo pa’t simula nang mauso ang ‘bolahan’ sa panahon ng mga ‘prayle’, wala pang jueteng lord na nasampolan.
Sa nagdaang panahon, walang inatupag ang Kongreso kundi imbestigahan ang jueteng payola subalit walang resulta at inaamag ngayon ang sangkaterbang sworn statement at transcript of records sa archives. Ang rason: walang suporta sa publiko ang anti-jueteng campaign ng pamahalaan dahil likas sa Pinoy ang umasa sa suwerte na kahit buhay nito’y isusugal, makaahon lamang sa kahirapan.
Aminin o hindi ni Bishop Cruz, nasira ang buhay ng mga tumestigo sa jueteng scandal lalo pa’t nauuwi sa tsismis ang lahat ng kuwento sa pagtanggap ng payola ng mga taong-gobyerno. Ang malungkot sa lahat, pagkatapos ‘kumanta’, walang hanapbuhay ang mga testigo at pinakamasakit ang nangyari kay Boy Mayor, hindi ba’t pinalamig lamang ang isyu bago nilikida ito?
Maganda ang ipinaglalaban ni Bishop Cruz -- ito’y banal at makatwiran subalit hindi maitatago ang senar yong ‘nagagamit’ ng ilang masasamang elemento o kalabang grupo para itulak ang pansariling interes at wasakin ang imahe ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino lalo pa’t humupa ang tensyon sa hostage tragedy. Take note: anumang araw ngayo’y magsisimula ang imbestigasyon ng Truth Commission, hindi kaya ‘napalusutan’ sa intelligence report ang butihing arsobispo?
***
Napag-usapan ang intelligence report, naging banner story ng ilang pahayagan ang senaryong isang grupo ang nagmamaniobra sa usapin ng jueteng payola at walang ibang puntirya kundi ang mga ‘tapat’ na tauhan ni PNoy. Ang misyon: ‘pilayin’ si PNoy upang maipuwesto ang sariling galamay at tuluyang makontrol ang Palasyo, partikular ang mga makapangyarihang departamento.
Ni sa panaginip, ayokong paniwalaan ang naglabasang media reports na isang maimpluwensyang grupo ang nagmamanipula sa usapin ng jueteng payola -- ito’y isang malaking pagkakamali dahil siguradong may kalalagyan ang nagpakulo nito. Take note: ‘hindi lamang ngayon ipi nanganak’ si PNoy kaya’t mag-isip ang sinumang promotor bago pa sumabog sa mukha ang script.
Bagama’t hindi kukunsintihin ang tauhang mapapa tunayang sangkot, malinaw ang binitawang pahayag ni PNoy -- posibleng biktima lamang ng ‘namedropping’ ang ilang opisyal at hindi rin ibinabasura ang teoryang bahagi ng panggugulo ng mga kalaban sa pulitika ang jueteng payola lalo pa’t malapit nang magwakas ang paghahari ng mga ito.
“Meron din namang possibility siguro na may mga taong nagne-namedrop. That might be also part of the bigger plan ‘no, na gagawan kami ng isyu with regards to jueteng. But, at the same time, lahat ng mga kasamahan ng ating mga kalaban ay talagang alam na tapos na ‘yung maliligayang araw nila doon at baka naman pwede ring pang-delay ‘yun,” -- ito ang eksaktong sinabi ni PNoy, ewan lang kung hindi pa ‘ma-gets’ ng grupong gustong kontrolin ang Palasyo at takot mawala sa puwesto na sinangkalan ang ilang tao at isang organisasyon upang pa labasing ‘all-out ang support’ dito. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blog spot.com)

No comments: