Hindi kailangang college graduate para maintindihang ‘dating daan’ pa rin ang gustong tahakin ng ilang pulitiko at personalidad, malinaw ang matinding pagkagutom lalo pa’t ‘nawalan ng magandang kabuhayan’ sa nakaraang 65-days -- nangangahulugang mas dumami ngayon ang kritiko at kalaban ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III keysa nakaraang kampanya.
Eksaktong 66-days ng panunungkulan ni PNoy at nakakalungkot isiping hindi nakikita at naririnig ang pagsusumikap nitong ‘ituwid ang lihis na landas’ na naging institusyon sa nagdaang panahon, maliban kung madaming muta at tutule?
Mantakin n’yo, kahit nagawang mag-sorry sa Hong Kong at inako ang responsibilidad sa hostage tragedy, hindi pa rin makapag-move on at pilit winawasak ang imahe ng gobyerno.
Subukang i-flashback ang unang buwan ni PNoy sa Malacañang, tila nakalimutan ng mga kritiko ang tatlong Executive Order (EO) na nagsilbing ‘detergent powder’ upang ikula ang mga maling panuntunan ng dating occupant sa presidential residence -- ang paglikha ng Truth Commission (EO 1); pagpawalang-bisa sa lahat ng midnight appointment (EO 2) at pag-revoke sa Executive Order No. 883 (EO 2) -- ito’y natakpan lamang sa paghurumentado ni ex-Capt. Rodolfo Mendoza sa Luneta.
Para maging patas sa lahat ng government employees, isang memorandum circular ang nilagdaan ni PNoy noong nakaraang July para ideklarang bakante ang lahat ng puwestong inuukupahan ng mga co-terminus officials (MC 01 at MC 02).
Take note: sandamakmak ang undersecretaries (Usecs), assistant secretaries (Assecs) at consultant noong nakaraang administrasyon kaya’t lagpasan sa ‘salary cap’ ito.
Hindi lang iyan, ilang memorandum order (MO) din ang ibinaba ni PNoy upang ituwid ang paggastos at paghawak sa pondo (MO 01) -- ang paglilipat ng president’s social fund at special funds sa kontrol ng Presidential Management Staff (PMS), pinaka-latest ang inventory ng mga ari-arian sa lahat ng government owned and controlled corporations at financial institutions (MO 02), kalakip ang hangaring maiangat ang kita ng gobyerno.
***
Napag-usapan ang mga direktiba ni PNoy, anumang araw ngayong linggo, isang Executive Order (EO) ang magtatakda sa suweldo ng mga government owned and controlled corporation (GOCC’s) -- ito ang malaking rason kung bakit dumadami ang kalaban ni PNoy, aba’y maraming nawalan ng kabuhayan, gamit ang katagang ‘board of director’ sa iba’t ibang ahensya.
Kalokohan kung itatanggi ng mga ‘ex-housemates’ sa presidential residence na hindi naging ‘malaking gatasan’ ang ‘board seats’ sa iba’t ibang GOCC’s, mapa-pulitiko, kaibigan at kapamilya, maging ka-tropa sa media.
At ngayong itinutuwid ni PNoy ang sanga-sangang daan, asahang mas titindi pa ang banat ng mga kalaban lalo pa’t magtatatlong buwan nang luhaan.
Bagama’t isang malaking kapalpakan ang paghawakng hostage taking sa Luneta, ito’y kagagawan ng pulisya.
At kahit mas marami ang kabutihang ginawa si PNoy sa loob ng dalawang buwan, umaastang bulag at bingi ang mga kurimaw, as in pansariling interes ang iniisip sa bawat pagbuka ng bunganga sa harap ng mikropono at camera dahil mas mahalaga sa mga itong maibalik ang ‘monthly benefits’ na nawala.
Laging tandaan: Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment