Cebu City --- Eksaktong 77-days, nagbalik si Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III sa lalawigang nagbigay ng isa sa pinakamalaking boto noong nakaraang eleksyon at muling nagkulay dilaw ang Cebu Coliseum, animo’y nagbalik-alala ang mga eksena noong nakaraang eleksyon, aba’y pasiklaban sa pakulo ang mga volunteers group, mapa-streamers o banderitas. Sa kauna-unahang pagkakataon, muling nagkasama sina PNoy at ex-senator Manuel Roxas II sa entablado, hindi para sa pangangampanya kundi para pasalamatan ang humigit-kumulang limang libong supporters na nagtipun-tipon sa Cebu Coliseum -- ito’y pinangunahan ng People Power Volunteer to Reform Cebu; The Yellow Movement of Cebu; Yellow Army Movement, Doctors for Noynoy, Tuloy Pinoy; Accountant’s for Noynoy at iba pang volunteers group. In fairness sa mister ni Korina Sanchez, ito’y napilitan lamang umakyat sa entablado para tabihan si PNoy dahil sa pang-uudyok o pamimilit ni DSWD Secretary Dinky Soliman. Ang nakakatuwa, ‘mabenta’ pa rin ang mga joke at hirit ni PNoy kahit makailang-beses nang narinig ng embedded reporters sa tatlong buwang campaign period. Ang pagsasalita ng local dialect ang pinakamabisa pa ring pang-aliw ni PNoy sa mga miron. Kahit pa tagaktak sa pawis at siksikan sa dami ng tao sa loob ng coliseum, animo’y isang musikang nakakahalina ang papuri sa mga Cebuano kahit pa bali-baliko ang pagkakabigkas. Mismong sa speech ni PNoy, ipinagmalaki ang botong nakuha sa lalawigan -- ito’y lagpas sa 50% at kinantiyawan ang mga kalaban na ‘nagparterhan’ lamang sa ‘tira-tira’ kaya’t halos magka-sprain ang kamay ng mga Cebuano sa kapapalakpak. *** Napag-usapan ang Cebu trip, naging produktibo ang pagbisita ni PNoy, kasama ang 10 cabinet officials -- sina DTI Sec. Gregory Domingo, DOF Sec. Cesar Purisima, NEDA Sec. Cayetano Paderanga, DA Sec. Proceso Alcala, DOT Sec. Aldaba Lim, DOE Sec. Rene Almendras, DPWH Sec. Rogelio Singson, DOTC Sec. Ping De Jesus at DSWD Sec. Dinky Soliman. Isang regional business leaders meeting sa Mariott Hotel ang dinaluhan ng mga gabinete ni PNoy at walang bahid ng hostage tragedy ang gumagandang ekonomiya, ito’y malinaw sa economic plans, alinsunod sa ginawang pakikipagdayalogo sa humigit-kumulang 120 local business leaders at economic managers. At pinakamabenta ang speech ni Sec. Almendras, aba’y nag-unahan ang mediamen, mapa-Cebu based o Malacañang Press Corps (MPC) dahil napaka-candid sa bawat detalyeng ibinubuga at hindi nakikipag-bolahan sa tunay na sitwasyon ng energy industry sa bansa kaya’t si Delon Porcalla ng Philippine Star, napadami ng isinulat. Take note: Buong maghapong busy si PNoy at ginabi sa pakikipag-meeting sa iba’t ibang lider, mapa-pulitika, negosyo at simbahan, maging sa Cebu-based media, hindi maitago ang kasiyahang nasolo sa lamesa ang Pangulo at naitanong ang mga isyung pangprobinsya. Anyway, naka-two question naman si Willard Cheng (ABS-CBN-Manila) bago natapos ang huntahan. Laging tandaan: ‘Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.’(mgakurimaw.blogspot.com)
|
No comments:
Post a Comment