San Francisco, USA --- Sa halagang P25 milyon, nakapag-uwi ng 18 libong trabaho si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino III at paunang ‘bonus’ ang $434 milyong grant ng Millennium Challenge Corporation (MCC) -- ito’y libreng financial assistance ng Amerikano, as in hindi kaila ngan pang kumain sa maluhong Le Cirque Resto o matulog sa magarbong hotel sa Waldorf Astoria para makapag-uwi ng malalaking ‘hamburger at hotdog’. Hindi biro ang ginawang paglalako ni PNoy sa imahe ng Pilipinas at mismong mediamen na nagko-cover sa US trip, ito’y hindi magkandaugaga kung paano pagkakasyahin ang kanilang oras para makunan ang bawat dadaluhang event ng Pangulo, simula Setyembre 21. At bago sumapit ang ‘big day’ sa 65th United Nations (UN) General Assembly (September 24) kung saan pinalakpakan ng mga Pinoy, bagsak ang balikat ng mga reporter sa dami ng trabaho at dagdag-problema ang magkaibang time zone lalo pa’t advance ng 12-hours ang Pilipinas sa paglabas ng diyaryo. Sa 7-day trip ni PNoy, ilang media ang bumigay sa huling araw ng coverage, ilan dito’y napilitang umaasa sa in-house crew at meron nagkasakit dahil magkakadikit-dikit ang activities ni PNoy at wala nang mapagsisingitan pang oras upang makunan ang ilang bilateral meeting sa United Nations (UN) General Assembly. Anyway, nakadagdag pang sakit sa ulo ng mga reporter ang sobrang traffic sa New York. Ang magandang balita lamang, alinsunod sa kuwenta ni Pareng Ely Saludar (dzXL radio anchor), tinatayang 18 libong trabaho ang naisara ni PNoy sa loob lamang ng isang araw (September 23). Mantakin n’yo, sinimulan ni PNoy ang pangungumbinse ng mga kapitalista sa CitiGroup Center, pinakamalaki ang washing facility, leather wear manufacturing facility at garments expansion ng Coach and Luen Thai Holdings Ltd. -- ito’y magbibigay ng 7 libong job opportunities. Ang GE Health and Century Properties nakausap ni PNoy na kilalang brand manufacturer ng transformational medical technologies (General Electric Company), ito’y magtatayo ng world-class medical IT faci lity sa Pilipinas at magpapalakas sa medical tourism industry. Take note: 4 libong construction workers ang kakailanganin sa P3 bilyong proyekto. Ang may-ari ng Headstrong Inc., nakipag-courtesy call kay PNoy, ito’y nangangailangan ng 1 libong specialized software engineers at specialist, maging ang senior vice president ng SPi Global, ibinalita kay PNoy ang karagdagang 1 libong empleyado sa business process outsourcing (BPO), pinakamarami ang Sutherland Global Services, aba’y 5 libong Pinoy ang bibigyan ng trabaho sa Iloilo, Cavite, Tarlac Marikina at Camarines Sur. *** Napag-usapan ang traffic, ‘di hamak isusumpa ng mga taga-Metro Manila ang traffic situation sa New York dahil walang galawan ang sasakyan kapag dumaan ang sangka terbang secret service na hindi naman ‘secret’ dahil panay ang sigaw sa kalye. Take note: hindi uubra ang ‘no wang-wang policy’ ni PNoy dahil kaliwa’t kanan ang serena at blinker. Ang biruan ng ilang media, walang ibang matutuwa sa New York kundi si Joel Locsin dahil puro lakad ang gagawin sa kalye. Bagama’t ordinaryong tanawin ang traffic sa New York at nakasanayan ang maglakad sa kalye, mas lumalala ang sitwasyon dahil sa UN General Assembly, aba’y kailangang tumabi sa kalye o kaya’y huminto kapag dumaan ang convoy ng visiting head of state. At walang ibang maririnig sa kalye si Maro chief Paolo Espiritu kundi ang boses ng secret service na sinasaway ang mga tao. Ang pagkakaiba nga lang sa Pilipinas, hindi pagpapawisan ang kili-kili ng mga New Yorker dahil malamig ang kanilang weather kahit summer. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
|
No comments:
Post a Comment