(Part 1)
Hindi lang ‘naliligo sa bigas’ si National Food Authority (NFA) administrator Angelito “Lito” Banayo, bagkus, ‘lumalangoy’ sa dami ng eskandalong iniimbestigahan ang ahensya nito.
Isa sa reklamong natanggap ng inyong lingkod, ito’y nasa lamesa ngayon ni Banayo.
Narito ang kabuuang liham ng isang nagpakilalang “Matuwid Kong Anino” at nangyari ang lahat ng nakaraang administrasyon:
Magandang araw sa iyo, Sir Rey Marfil,
Matagal na akong naghahanap ng mapagsasabihan ng aking kaunting nalalaman sa operasyon ng mga magbibigas sa bansang ito
. ‘Di ko ko alam at ‘di rin ako nakakasigurado na ikaw nga ang taong iyon. Ika nga eh, “50-50” ang chance na isinusugal ko sa pagsusulat ko sa iyo.
Baka kasi katulad ka din ng iba na pagkakakitaan din ang impormasyon na ibibigay ko -- mga TRI-MEDIA na puro pansariling interes lang ang talagang pakay o kaya naman ay may kapamilya ka na masasagasaan kaya nag-iingat lang din ako.
Sindikatong nasyunal sa bigas kasi ang kakalabanin niyo eh.
Gayunpaman, magbabakasakali pa rin ako sa’yo. Ako ang Spy, ika nga. Alam ko na malapit ka naman kay PNoy (Pangulong Benigno Simeon ‘Noynoy’ Aquino III) at sa mga senador na ang talagang layunin ay pagbabago kaya magbibigay ako ng ideya sa iyo kung paano gagawin ang imbestigasyon ninyo.
Napanood ko nga pala iyong mga nagpapakunyaring mga farmer leaders daw.
Kung susuriin mo, parang totoo ‘di ba? Pero huwag kayong padadaya, ipa-background check sila.
Sila ang mga gumagamit sa mga farmers natin para maging importer ng bigas -- iyong dalawa nga eh andu’n sa NFA council pa.
Bakit ‘di ninyo ipagtanong kung sino sila?
Saan sila nanggaling?
May kaso ba sila dati?
Talaga bang farmers sila?
At bakit sila nag-i-import?
Bakit nga ba nag-i-import ang farmers natin?
‘Di ba, dapat sila ay nagtatanim para ‘di na tayo mag-import pa at magsusubsidiya ng bilyu-bilyon.
Balikan ang nakaraan, makikita ninyo kung paano nagamit at nalansi ang mga kawawang farmers na mga ito na pinapagamit ang kanilang pangalan, kapalit ng kaunting halaga.
Pero ang traders ay kikita ng milyun-milyon at makakaiwas pa sa pagbabayad ng buwis sa gobyerno, kakutsaba ng mga nangangasiwa sa importasyon.
Bakit ‘di ninyo ipagtanong sa Cebu? May media pa na naka-video daw nu’n eh?
Eto pa ang masakit na katotohanan Ka Rey, alam mo na ba, ngayong taong lang nagkaroon ng importasyon na naman para sa mga farmers?
Siguro naman, nabalitaan mo iyon?
Ano ba sa palagay mo ang totoong pangyayari sa likod nu’n?
Marahil, para sa iyo, balita lang iyon, pero ang totoo nu’n, may malaking anomalya (milyun-milyon) ang nangyayari du’n.
Una, sino ang mga nanalo sa bidding na ginawa ng NFA (na naman) du’n sa Cebu at Metro Manila?
Sino nga ba si “Ms. AT” na balita ko ay nanalo daw ng nakaraang eleksyon (local post).
Nanang ko po! Kawawa na naman ang mga constituents nitong ganid na ito ng Cebu at isang “Mr. SJ” ng Maynila?
Ano nga ba ang koneksyon nila sa dating opisyal Department of Agriculture (DA) at Malacañang, sa isang dating NFA officials may letrang “J”?
Bakit sila ganu’n kalakas at magkano ang tongpats niya sa mga NFA regional directors, assistant directors at mga pasimuno sa bidding?
Bakit ‘di ninyo kuhanin ang dokumento na magpapatunay kung kailan at ilan ang sumali?
Kaya makikita ninyo at maiimbestiga sila.
Iyong mga natalo du’n, sila mismo ang magpapatunay na kumita ang mga empleyado du’n.
Malakas ang loob nila noong April dahil alam nila na ‘di sila puwedeng tibagin at kuwestyunin.
Dahil ang nakaupo pa nu’n sa Palasyo ay ang mga ganid na katulad nila.
Abangan ang Part 2 sa Miyerkules. Laging tandaan: Bata niyo ko at Ako ang Spy niyo.
(mgakurimaw.blogspot.com)