Malinaw ang ebidensya!
Rey Marfil
Hindi lang sampal kundi tadyak at bugbog-sarado ang inabot ng mga nag-aakusang nanalo si Pangulong Benigno ‘P-Noy’ Aquino III, sa pamamagitan ng manipulasyon sa poll automation, malinaw ang trust rating survey ng Social Weather Station (SWS) at walang dudang pinagkakatiwalaan ng nakakaraming Filipino ito.Sa kasaysayan ng mga naupong Pangulo, tanging si P-Noy ang nakapagtala ng 88% trust rating -- ito’y mas mataas sa lahat ng predecessors, simula taong 1989 at hindi kailanman natikman ng kanyang ina -- si Pangulong Corazon Aquino kahit pa naupo sa pamamagitan ng People Power Revolution.
Ibig sabihin, hanggang ngayon ‘siksik’, liglig at ‘umaapaw’ ang pagtitiwala kay P-Noy ng sambayanang Filipino kahit walang endorsement kay Bro. Mike Velarde ng nakaraang eleksyon.Ngayong naitala ni P-Noy ang 88% trust rating, siguro nama’y mananahimik sa isang tabi ang mga ‘reklamador’ sa presidential canvassing at tatanggapin ang katotohanang hindi pinagkakatiwalaan ng mga botante kaya’t umuwing luhaan ng nakaraang Mayo 10 ang mga ito, maliban kung patuloy pa ring nagha-hallucinate sa dapit-hapon kahit 0.2% ang nakuhang total votes sa Comelec?
Maging SWS, animo’y na-shock sa napakataas na trust rating ni P-Noy, aba’y nakapagtala lamang ng 4% little trust at 8% undecided -- ito’y hindi kailanman nangyari sa nagdaang administrasyon, simula nang ipauso ng SWS ang pagpulso sa publiko. Take note: mismong si Mrs. Aquino na naging instrumento sa pagbabalik ng demokrasya sa Pilipinas, ito’y nakapagtala lamang 42% trust rating noong September 1989 gayong mala-monster ang tingin ng publiko kay Pangulong Ferdinand Marcos sa pagwawakas ng Martial Law.
***
Napag-usapan ang trust rating, kahit napatalsik si Pangulong Joseph ‘Erap’ Estrada via Edsa Dos dahil sa corruption, nakakuha lamang si Mrs. Gloria Arroyo ng 60% trust rating hanggang sumadsad sa negative. Kundi nagkakamali ang mga kurimaw, pumalo sa 70% ang distrust rating ni Mrs. Arroyo, as in isa (1) sa sampung (10) Pinoy ang bad trip o walang tiwala sa misis ni Jose Pidal -- ito ang pinakamalala at nakakahiyang record ng isang Pangulo sa kasaysayan ng bansa.
Kung pagbabatayan ang 88% trust rating ni P-Noy, alinsunod sa SWS survey, may petsang June 25 hanggang 28, siyam (9) sa bawat sampung (10) Filipino ang bilib sa kakayahang pamunuan at iahon sa kahirapan ang bansa, as in isang tambay lamang sa kanto ang hindi makumbinsi ni P-Noy. Higit sa lahat, 53% ang naniniwalang tutuparin ni P-Noy ang ilang ipinangako ng nakaraang kampanya.
Kapag sinuri ang trust rating ni P-Noy, ito’y walang pinag-iba sa resulta ng May 10 elections, patunay ang nakuhang 91% net trust sa Visayas at Class ABC; 88% sa Luzon; 88% sa Metro Manila; at 84% sa Mindanao. Ang tanong lamang: ito ba’y naiintindihan ng ilang talunang presidentiables na pilit pinaniniwala ang kanilang sarili na depektibo ang flash card ng Comelec o kabilang sa 774 milyong illiterate?
Bagama’t malaking hamon sa lahat ng mga gabinete ang panatilihing mataas ang trust rating ng Pangulo lalo’t magkakaiba ang pinanggalingang organisasyon at sektor, isang bagay lang ang tinitiyak ng inyong lingkod hanggang sa dulo ng termino ni P-Noy, ito’y HINDI MAGNANAKAW taliwas sa mga pinauso ng mga pinalitan sa puwesto. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
http://www.abante-tonite.com/issue/july1410/opinions_spy.htm