Sa labanan ng Senate Presidency, hindi isyu kung sino ang mahusay at matino dahil numero ang nagdidikta ng hahawak sa martilyo.
Sa senaryong magbabalik-Senate President si Manny Villar Jr. -- ito’y napaka-premature para makaagaw ng headline sa peryodiko dahil hanggang ngayon nagbibilangan sa Kongreso.
Kahit anong pagsasabing ‘independent’ ang Upper House, nananaig pa rin ang kapangyarihan ng MalacaƱang sa pagpili ng Senate President.
At kahit sinong lumagay sa katayuan ng “Simpleng Pangulo” -- si incoming President Benigno ‘Noynoy’ Aquino III, hindi gugustuhing madiskaril ang legislative agenda ng administrasyon lalo pa’t ‘mortal enemy’ noong nakaraang eleksyon ang makakatabi sa opening ng session, maliban kung handang magsabi ng ‘check’ sa State of the Nation Address (SONA) ito?
Malinaw ang mensahe ni Aquino sa TV ads patungkol sa ‘Ahas na landas’ -- ito’y patama kay Villar. Naimbestigahan sa pagda-divert ng C-5 road project si Villar at kung gustong ituwid ni Aquino ang ‘lihis na landas’, isang malaking kalokohan kung sasang-ayon sa kalsadang gustong tahakin ng mga dating kasamahan sa Upper House -- ang maibalik sa kapangyarihan ang gumawa ng ahas na daan. Mismong si President Juan Ponce Enrile, ‘hindi happy’ na makasama si Villar bilang majority at mas gugustuhin pang fiscalizer o minority kesya mabigyan ng committee chairmanship.
Ibig sabihin, napakaimposibleng mahila ng tropa ni Villar ang ibang independent minded, maliban kung ‘pikit-mata’ pa rin sa nilalaman ng committee report ng C-5 road project at manhid sa resulta ng eleksyon?
***
Napag-usapan ang ‘Simpleng Pangulo’ na hindi ‘kasing-Mahal ni Mrs. Arroyo, nakakalungkot isiping hindi nakakaunawa ang ilang Filipino sa sitwasyon.
Subukang dumaan sa Times Street, Quezon City, animo’y Department of Labor and Employment (DOLE) ang ‘ancestral house’ ng Aquino family, aba’y dumagsa ang humihingi ng trabaho, hindi lamang ang nag-uuntugang paksyon na ‘nagwa-water-water’ sa cabinet post bagkus ordinaryong mamamayan na kabilang sa lumolobong unemployment rate.
Ang hindi naiintindihan ng mga ‘walk-in applicant’, hindi pa naipuproklama si Aquino at walang mandato para ipagkaloob ang ‘special request’ ng mga ito. Magiging epektibo lamang ang pagiging Pangulo ni Aquino sa Hulyo 1 at kailangan pang iproklama ng Kongreso bago mag-Hunyo 30, nangangahulugang isa pa rin senador ang posisyon kaya’t huwag ipagtaka kung ire-refer ang lahat ng request sa kanyang opisina sa Senado.
Anyway, isang malaking sampal sa mga nang-iintrigang hiwalay sina Noynoy at Shalani dahil sabay ang magboypren nanood sa premiere night ng pelikulang “Noy” sa Rockwell noong Biyernes ng gabi (May 28) -- ito’y pinagbidahan ni Coco Martin.
Kumpleto ang Aquino family na nanood ng Noy film at hila-hila ni Joshua palabas ng sinehan ang tiyuhin.
Sa ambush interview ng embedded media, halos ilang minutong karga ni Noynoy si Baby James at napilitan lamang ipasa sa aide dahil nagyayang umuwi.
Hindi rin nakitaan ng iringan sina Kris Aquino-Yap at Shalani dahil mismong TV host ang umakay sa girlfriend ng kanyang Kuya, as in hawak ang kamay ng lady councilor papalayo sa media.
Take note: magkasama sa sasakyan sina Noynoy at Shalani ng umalis sa Rockwell. Ang hindi nga lang malinaw kung saan dumiretso ang magboypren para mag-dinner.
At habang naghihintay ang embedded media na lumagpas si Noynoy sa red carpet dahil exclusive ng ABS-CBN ang buong event at animo’y nabili ng mga ipinadalang security personnel ang buong Rockwell, nagbiro si Sandra Aguinaldo (GMA-7 reporter) sa umpukan ng mga embedded media na hindi kailanman sasabay sa convoy ni Noynoy dahil hindi gumagamit ng ‘wang-wang’ sa kalye at nagtatiyagang pumila kaya’t nagkanda-traffic patungong Rockwell.
Ang pagiging simple ang isa sa ugali ng papalit kay Mrs. Arroyo, hindi abusado at gustong maranasan ang hirap ng mga ordinaryong mamamayan, katulad ng ginawang pagpila ng 4-oras sa botohan noong Mayo 10.
Maging sa panahong kongresista at bagong upong senador, isa lamang si Noynoy sa sumusunod sa pila kaya’t madalas sermon ang inaabot ng mga ‘police escort’ kapag sumasalubong sa kalsada.
Higit sa lahat, mas mahal pa ang pantalon ng kanyang ‘top aide -- si “Asec Zaldy Dela Yola” dahil naka-Levi’s. (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment