Thursday, May 27, 2010

Mayo 27 2010 Abante Tonite

Nagpapataas-presyo!
Rey Marfil

Kahit anong ‘high-tech’ ng eleksyon, mapa-hologram o virtual pre­sence na pinag-aawayan ng ABS-CBN at GMA-7, iisa pa rin ang pag-uugali ng mga kongresista -- ito’y ‘iyakin’ kapag talunan, patunay ang canvassing sa Batasan, aba’y sariling draft reso­lution ang in-adopt ng Upper House, sangka­terba pa rin ang ‘rekla­mador’ kapag nakakakita ng camera at live cove­rage ng media gayong tatlong (3) oras nag-caucus para buuin ang panuntunan sa bila­ngan.

Kaya’t asahang abutin ng tatlong (3) araw bago mabuksan ang kauna-unahang election returns (ERs) at certificates of canvass (COCs).

Take note: mismong si Speaker Prospero Nograles -- ito’y talunang mayoralty bet sa Davao kaya’t hindi nakakapagtakang puro talunang kandidato sa Lo­wer House ang avid fan ni Koala Bear at ipini­pinta ang failure of elections upang makahirit ng pa­nibagong botohan, sa pag-aakalang mananalo sa replay.

Ni sa panaginip, ayokong isiping ‘huling-hirit sa tag-init’ ang pinaggagawa ng mga talunang kongresista, as in ‘nagpapataas-presyo’ at gustong ‘magpa-areglo’ kung kaya’t umaastang ‘askal’ sa kaliwa’t kanang pagtahol sa Lower House.

Hindi ba’t noong 2004 canvassing, bumaha ng salapi sa Batasan Complex kaya’t nauwi sa “noted” ang reklamo ng kampo ni Da King. Kahit itanong n’yo pa kay Senador Francis Pangilinan.

Ang pagkakaiba ngayon, peoples campaign ang puhunan ni President Noynoy Aquino kaya’t walang maaasahang pondo ang mga nagga-grandstan­ding sa Batasan.

Ni sa panaginip, ayokong isi­ping nagpaparamdam sa bagong administrasyon ang mga “iyakin” at pasaway sa bilangan upang mabigyan ng posisyon sa MalacaƱang lalo pa’t tambay sa loob ng tatlong (3) taon at walang gagatasang pork barrel dahil talunan.

Anyway, isang natatalong kandidato ang bumubuhos ngayon ng pondo sa canvassing at umabot sa media center hanggang desk ang special operations.


At kung hindi ba naman saksakan ng ‘kinamote’ ang ilang tauhan ni Erap Estrada, aba’y paniwala pa ring mana­nalo ang kanilang amo laban kay Aquino gayong tambak ng 6 milyon sa exit polls, maging sa final tally ng PPCRV at Comelec partial result.

Sa unang araw ng canvassing, ipinapakalat ng ilang tauhan ni Erapsky ang senaryong mananalo ‘via 200 thousands votes’ kapag naetsapuwera o naideklarang imbalido ang maraming presinto -- ito’y hindi kailangang ipagtanong kina Angel Gonong at Ferdie Ramos.

Sa halip pa­tulan ang pakulo ni Koala Bear, mas makakabu­ting gumising sa katotohanan ang mga bataan ni Erapsky at ipagpasa­lamat ang panalo ng mga anak (JV at Jinggoy) at dating karelasyon (Guia Gomez).

Mantakin n’yo, kahit kuwestyunable ang pagtakbo at na-convict sa plunder case, ito’y nakapang-uto pa ng 8 milyong Pinoy ngayong eleksyon, maliban kung may
“amats” ng Johnnie Walker Blue at napana­ginipang pinulot lamang sa basurahan ng PPCRV at Comelec ang resulta ng eleksyon?
***
Napag-usapan ang bagong administrasyon, hindi dapat pagdudahan ang diskarte ni Aquino sa pagpili ng mga makakasama sa palasyo, malinaw ang deklarasyon sa ambush interview, ‘mali-mali’ ang pangalang nagsusulputan sa peryodiko, maging sa text brigade -- ito’y pakulo lamang ng mga ‘atat’ makapuwesto.

Mismong embedded media, natatawa sa pakulo ng ilang naglalaway sa cabinet post, aba’y mahirap nga naman makalimutan ni Aquino nga­yong dumarami ang nagsusumite ng resume.

Ibig sabihin, huwag magpapaniwala sa ‘sabi-sabi’ at huwag ding ‘magtuturo’ dahil siguradong marami ang manununo sa hanay ng Hyatt 10. Tandaan: ang pagiging ‘low-key legislator’ o pagiging simple ni Aquino ang isa sa rason kung bakit minahal at ibinoto ng humi­git-kumulang 15 milyong Pinoy ngayong eleksyon.

At hindi rin lingid sa kaalaman ni Aquino ang katotohanang nagtraydor kay Mrs. Gloria Arroyo ang tinaguriang “Hyatt 10”. Hi­git sa lahat, peoples campaign ang nagpanalo kay Aquino at kung hindi nagkakakamali ang Spy, nawindang ang kam­panya ni Aquino sa
‘amateur handling’ ng Hyatt 10 members sa campaign matters at aroganteng-asal sa mga volunteers group (Pinoy Lawyers) na tahimik nagtrabaho para kay Noynoy, kahit walang bayad ito.

Uhaw sa pagbabago ang mga Filipino -- ito ang simbolo ni Aquino, isang malinis at matuwid kaya’t nanalo kahit samu’t sa­ring demolition job at black propaganda ang pinakawalan ng mga katunggali nito.

‘Ika nga ni Mon Samson, paano pagkakatiwalaan ang mga taong minsang tinalikuran at nagtraydor sa kanilang amo -- ito’y posible nga namang maulit sa panahon ni Aquino kung ibabalik sa posisyon. (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: