Tuesday, May 25, 2010

Mayo 25 2010 Abante Tonite

Tunay na maginoo
Rey Marfil

Ilang government officials sa ilalim ng Arroyo administration ang posibleng mabigyan ng trabaho, ito’y naka-base sa magandang performance at track record, malinaw ang pagiging “Healing President” ni incoming President Benigno Simeon ‘Noynoy’ Aquino III -- isang indikasyong “independent thinker” na marunong kumilala sa merito at talento, as in hindi idinaan sa emosyon ang paghuhusga sa mga tao.

Ang pagpapanatili sa mga matitinong “Arroyo appointees” ang nagpapatunay ng sinseridad sa paglilingkod at nagbibigay pag-asa sa publiko bilang “Unifying President” -- isang lider na nagbibigay-halaga sa merito at performance, hindi sa anumang konsiderasyon, katulad ng koneksyon at impluwensya sa pagpili ng mga gabinete o makakatulong upang maisakatuparan ang ipinangakong pagbabago.


Sa dami ng nagsusulputang pangalan bilang bagong gabinete, ilan sa “Arroyo appointees” ang naisasama sa ‘long list’ ni Aquino na pananatilihin sa kapangyarihan -- sina Health Sec. Esperanza Cabral, Energy Sec. Jose Ibazeta at presidential adviser on peace process Ging Deles, maliban kung makitaan ng ‘dumi’ sa kanilang opisina at hindi maayos ang pagkakawalis ng mga basura dahil nagmamadali lalo pa’t paalis ang kanilang Mam (Gloria) sa Malacañang? Take note: maraming aplikante ang nakapila sa labas ng Time Street, maging sa Balai, Cubao (Mar Roxas headquarters) at Samar Avenue, hindi pa kasama riyan ang tambay sa iba’t ibang coffee shops.

Kaya’t asahan ang matinding ‘sikuhan’ -- ito ang maingat na binabantayan at sinusuri ngayon ni Aquino sa pagpili ng mga makakasama sa presidential palace dahil kailangang iisa ang kumpas at synchronized ang pagkilos kapag pumasok ng Malacañang.


***
Napag-usapan ang “Arroyo appointees”, magandang sen­yales kay Philippine National Police (PNP) chief Jesus Verzosa ang posibleng pagpapalawig ng termino hanggang magretiro sa Disyembre.

Kahit nasampolan ng Kongreso sa ‘Euro General scandal’ sa unang buwan bilang PNP chief, nasubukan ang katapatan sa Konstitusyon at ipinakita ang husay upang protektahan ang kagalingan at interes ng mga mamamayan.

Ibig sabihin, puwedeng mabigyan ng ibang posisyon o security-related portfolio sa pagpasok ng Aquino administration.

Mantakin n’yo, kahit dumating sa puntong nameligro ang PNP career, ito’y nanindigan sa pinaniniwalaang posisyon.
Hindi lingid sa kaalaman ng publiko, naging target si Verzosa ng mga pagkilos upang masibak sa puwesto, aba’y pinag-init ang ulo ni Mrs. Arroyo nang sabihin nitong “Hindi susuporta ang PNP sa anumang balaking labag sa Saligang Batas at labag sa kalooban ng publiko” -- ito’y nangyari sa kasagsagan ng mga espekulasyong magkakaroon ng ‘failure of election’ na walang ibang agenda ang Malacañang kundi palawigin ang termino ng misis ni Jose Pidal.

Sa galit ni Mrs. Arroyo, hindi ba’t inisnab ang commencement exercises ng Philippine National Police Academy (PNPA) -- isang okasyong tradisyunal na dinadaluhan ng Pangulo.

Ang pinakamalupit sa lahat, hindi rin binanggit, as in “in-acknowledge” ni Mrs. Arroyo sa kanyang talumpati sa Philippine Army (PA) anniversary celebration ang presensya ni Verzosa, malinaw ang matinding pagka-bad trip dito.

At ngayong malinaw ang panalo ni Aquino, pinakamagandang ginawa ni Verzosa -- ito’y naghain ng courtesy resignation at epektibo sa June 30 kahit Disyembre magreretiro, kalakip ang pagsumite ng 15-point road map na magsisilbing gabay sa paghubog sa PNP bilang ‘world-class police force’ pagsapit ng 2030.

Simple lang ang gustong mangyari ni Verzosa, bigyang-laya si Aquino na makapili ng bagong PNP chief at hindi maipit ang bagong administrasyon sa dokumentong kanyang pinanghahawakan upang maisagawa ang reorganisasyon.

Ibig sabihin, tunay na maginoo si Verzosa -- ito ang isa sa kailangan ni Aquino kung nais itulak ang ‘high moral ground’, hindi lamang bilang PNP chief kundi sa ibang sangay o ahensya ng pamahalaan lalo pa’t malalim ang karanasan sa pagharap sa mga problemang pangseguridad na kinakailangan ng dagliang solusyon. (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: