Sa tindi ng naramdamang sama ng loob at pagka-bad trip ngayong eleksyon, pinag-tripan ng isang miyembro ng Kongreso ang kanyang sarili at pinagbuntunan ang buhok nito.
Hindi maiwasang kaawaan ng mga kurimaw ang solon, sa pangunguna ng TONITE Spy matapos makitang nanlumo sa kanyang sarili ang mambabatas, animo’y sinakluban ng langit at lupa ito.
Sukdulan hanggang Visayas region ang pagkadismaya ng solon sa resulta ng eleksyon kung kaya’t pinagdiskitahan ang sarili para ilabas ang nararamdamang sama ng loob, hindi lamang sa hanay ng mga kaibigang nagsilipatan ng sinuportahang manok.
Dala ng matinding depression, napagdiskitahan ng solon ang kanyang sarili, sa pamamagitan ng pagtabas sa kanyang buhok, as in kulang na lamang magpakalbo at sundan ang “pambansang hairdo” na nais ipauso ni incoming President Benigno Simeon ‘Noynoy’ Aquino III.
Kung hindi lamang iniisip ang magiging kalalabasan ng kanyang hitsura, posibleng pina-upaw ng solon ang buhok o pinatanggal ang lahat ng hibla sa ulo para ipakita at iparamdam sa buong mundo ang matinding pagkadismaya at sama ng loob nito.
Hindi nagustuhan ng solon ang kinalabasan ng eleksyon dahil kumpiyansang makukuha ang pinupuntiryang dami ng boto subalit iba ang resulta ng automation at hindi matanggap ang kamalasang sinapit ngayong eleksyon.
Tanging ipinagpasalamat ng mga tauhan, sampu ng mga kaibigang tapat sa solon, bumagay sa mambabatas ang bagong style ng gupit o hairdo kaya’t nakahinga nang maluwag pagkalabas ng salon.
Maging malalapit na tauhan at kaibigan ng solon, harapang inamin sa mga mediamen na sinadya ng mambabatas ang magpagupit at ibahin ang “looks” dahil sa matinding depression at gustong ipakita ang pagrerebelde sa nakuhang boto nito.
Clue: Bagama’t hindi kuwestyon ang husay ng solon, sadyang hindi para sa kanya ang tinakbuhang posisyon dahil dalawang beses nang sumemplang sa eleksyon. Kung kelot o bebot, ito’y meron letrang “A” sa kabuuan ng pangalan at apelyido, as in Ang hirap ng buhay kapag natalo (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment