Tuesday, May 25, 2010

Mayo 20 2010 Abante Tonite


Tatlong itlog!
Rey Marfil

Nakakasukang isi­ping isa si Donya Consuelo, alyas Jamby Madrigal-Va­lade, sa sumisigaw ng dayaan gayong walang a­ngal nang ipasa ang poll automation sa Upper House.

Ang hirap kay Donya Consuelo, pala­ging naka-headphone sa session hall at kung sinu-sino ang kausap sa cellphone kaya’t nakakaligtaang bantayan ang mga ipinapasang legislative measures.

Hindi lang iyan, dalawa pang talunang presidentiables ang nauto -- sina JC delos Reyes at Nicanor Perlas, animo’y ‘tatlong itlog’ ang drama nang humarap sa publiko, siguro naman hindi pa nabubugok? Ni sa panaginip, ayokong isiping sinapian ng masamang espiritu ang misis ni Eric Valade kaya’t ina­kalang aabot ng milyones ang boto at hindi matanggap ang katotohanang 40 libong Pinoy lamang ang nabola ngayong eleksyon, maliban kung kaparte na rin sa ‘sinister plot’ ng MalacaƱang o meron nagdidikta para maideklarang failure of elections dahil tagilid ang standing sa tinatakbuhang posisyon?
Kesa kuwestyunin ang resulta ng poll automation, dapat pang magpasalamat si Donya Consuelo, aba’y kahit paano meron nautong botante at nagtiyagang ‘bumilog’ sa kanyang pangalan.

Kung nagkataong ma­nual counting pa rin ang sistema, sa malamang mas mababa ang nakuhang boto ni Donya Consuelo dahil posibleng mailipat sa ibang kandidato lalo pa’t naglipana ang mga katropa ni Garci sa Min­danao. Bago mag-elek­syon, malinaw ang resulta ng survey, ‘naka-pako’ sa 0.1% ang rating ni Donya Consuelo, as in kapiraso lamang ang makukuhang boto sa final count.

Ibig sabihin, walang kapag-a-pag-asang manalo ang ex-boss ni Atty. Gary Jimenez kaya’t mas makakabuting tigilan ang pagsisigaw ng dayaan kung puro affidavit ang ipinipresintang ebidensya.

Bago nakisawsaw sina Perlas at Delos Reyes sa pakulo ni Donya Consuelo, dapat kinausap si Boy Abunda at hiniram ang mahiwagang salamin para matauhan at hindi magmukhang ‘iyaking bata’.

Mantakin n’yo, feeling-mananalong pangulo si Delos Reyes at umaasang tatalunin ang mga nangu­ngunang presidentiables gayong mismong mga kababayan sa Olongapo, pinagtatawanan ang pagtakbong pangulo.

Ewan lang kung nakahipo ng kahit pakpak ng eroplano si Delos Reyes ngayong eleksyon, as in nagkaroon ng campaign sortie sa labas ng Olongapo? Maging si Perlas, nagpakasira sa pulitika at nagmumukhang ‘crying baby’ gayong hinahangaan ang magandang credentials, maliban kung nasemento na rin ang utak, katulad ng mga hollow blocks ng Gawad Kalinga kaya’t napaniwala ang sarili na uub­ra ang kandidatura? Kahit pa pagsama-samahin ang boto nina Donya Consuelo, Perlas at Delos Reyes, ma­ging boto nina Erap Estrada at Manny Villar, pa­nalo pa rin si Noynoy Aquino sa bilangan!
***


Napag-usapan si President Noy, sangkaterba nga­yon ang nag-apply sa gabinete, mapa-director, undersecretary (usec) at assistant secretary (asec). Ang nakakasuka lang, kung sino pang hindi nakatulong sa kampanya at palihim nagtatrabaho sa ibang kampo, ito pa ang pinakamasipag ma­ngulit para mabigyan ng posisyon sa MalacaƱang.

Li­ngid sa kaalaman ng publiko, sa panahong malaki ang agwat ni Noynoy sa survey, marami ang tumatambay sa headquarters ng Pinoy Lawyers sa Samar Avenue, Quezon City (likod ng GMA-7) at naglahong parang bula nang mauwi sa ‘statistically tied’ ang dalawa, as in tanging 3-sister ni President Noy, media team ni Senator Chiz Escudero at ilang Pinoy lawyers ang natira sa Samar Avenue.


Ang nakakatawa sa lahat, nang magbago ang standing at malaki ang ina­ngat ni President Noy kay Manny V sa SWS Pulse Asia, biglaang dumami ang tao sa Samar headquarters at nagsibalikan ang mga nag­lahong kumag.

At ngayong panalo si President Noy, alam n’yo bang halos magbanggaan ang balikat ng mga tao sa headquarters kaya’t naghigpit ng seguridad.

Take note: meron pang isang taga-Villar camp ang nakapasok sa headquarters kaya’t tatlong gate ang pino­postehan ng blue guard at mahigpit ang polisiyang “No ID, No entry” sa bawat pintuan.

Subukan n’yong pumasyal sa Samar headquarters, mismong Team Chiz na nagpapatakbo sa media campaign ni President Noy, nagtatanungan kung sino ang mga tumatambay sa pool side? Kaya’t aba­ngan kung meron iskerol ang mabibigyan ng kapangyarihan. (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: