Hindi pa man naipu-proklamang Pangulo, maagang hinuhusgahan ng mga ‘talunang kritiko’ ang liderato ni incoming President Benigno ‘Noynoy’ Aquino III, malinaw ang ‘crab mentality’ kaya’t walang asenso dahil nadikit sa katawan ng bawat Pinoy ang matinding inggit.
Bagama’t paalala ang gamot sa taong nakakalimot, hindi napapanahong ‘singilin’ si Aquino sa mga sinumpaang pangako noong nakaraang kampanya lalo pa’t hindi pa nakakatapak ang kahit hinliliit sa Malacañang.
Hanggang ngayon, meron ginagawang ‘last minute effort’ ang mga kaporal ni Mrs. Arroyo para idiskaril ang pag-upo ni Aquino, pinaka-latest ang ‘no proclamation scenario’ ni House Speaker at out going Davao Congressman Prospero Nograles Jr., animo’y naghahanap ng damay dahil hindi lang durian ang pinakain ng mag-amang Duterte sa mayorality race kundi alikabok.
Sa kasagsagan ng kampanya, ginawang pangwasak kay Aquino ang “Kamag-anak Inc.” -- ito’y kaparte sa demolition job na pinakawalan ng katukayo ni Joselito Cayetano, gamit ang TOPAK (trapo, oportunista at kamag-anak inc.).
At ngayong pinag-uusapan ang bubuo sa gabinete ni Aquino, balik sa dating gawi ang pag-atake ng mga kritiko, hindi lamang sa social networking sites, mapa-chat room sa Yahoo Messenger o Facebook bagkus sa iba’t ibang media forum na dinadaluhan ng mga talunang kandidato, katulad ang alegasyong magbabalik ang ‘Kamag-anak Inc.’ sa palasyo -- ang cabal ng mga malalapit na kamag-anak ni dating Pangulong Cory Aquino na sangkot sa graft and corruption. In fairness kay Aquino, malinaw ang kanyang deklarasyon, hindi puwedeng humawak ng posisyon ang sinumang kamag-anakang nasa 4th degree.
Kung Spy ang tatanungin, napaka-bias ang ganitong panuntunan, paano kung sobra-sobra sa kakayahan ang isang kamag-anak, ito ba’y mananatiling tambay na lamang habang-buhay?
Lingid sa kaalaman ng publiko, meron isang salita at lalaking kausap si Aquino kaya’t asahang pagtitibayin ang malaking tiwalang ibinigay ng humigit-kumulang 15 milyong Pinoy ngayong eleksyon, partikular ang seryosong pagtupad sa campaign slogan -- “Kung walang corrupt, walang mahirap” maging ang catch phrase “Hindi ako magnanakaw” na nagtakda ng tenor sa kanyang matagumpay na kampanya. Madaling sabihin pero mahirap gawin ngunit para kay Aquino, ito’y isang campaign rhetoric na madaling lapatan ng karampatang aksyon dahil malinis ang kanyang record sa buong panahong nakaupo sa Kongreso, bilang kongresista at senador sa loob ng 12-taon, malinaw ang kolektibong imahinasyong nabighani sa campaign mantra ang mga Pinoy.
Ibig sabihin, si Aquino ang “the real thing” sa “Good vs Evil campaign theme”.
***
Napag-usapan ang “Kamag-anak Inc.”, bakit isinesentro lamang kay Aquino ang ganitong pagbatikos gayong sangkaterbang pulitiko ang ginagawang ‘pamana’ sa mga anak, apo hanggang manugang at balae ang posisyon sa gobyerno.
Hindi kailangang magpakalayu-layo ng tingin ng mga nagpapakilalang matuwid na kongresista at senador, aba’y katabi lamang ng upuan ang mga ito.
Kung hindi pa minalas ang kapatid ng katukayo ni Joselito Cayetano -- si Taguig congressional bet Ren-ren Cayetano ngayong eleksyon laban kay Congressman-elect Freddie Tinga, tanging si Lino Cayetano (director) ang naiba ng propesyon.
Mantakin n’yo, hindi man lamang kinikilabutang ‘tumahol’ ng ‘kamag-anak inc.’ si Alan Peter gayong ka-seat mate sa Upper House ang Ate Pia nito.
Sa katatapos na eleksyon, kung hindi Ortega ang namayani sa La Union, “Ganito rin sa Makati at buong bansa ngayon”, mapa-Vice President (Jojo), Congresswoman (Abigail) at pagka-alkalde ng lungsod (Junjun), hindi ba’t puro Binay ang apelyido? Walang pinag-iba rin sa mga Ejercito-Estrada -- kung nanalo si Erapsky, simula pagka-Presidente, senador (Jinggoy), kongresista (JV) at mayor (Guia Gomez), iisa ang surname.
Kung meron naiba -- si Guia Gomez dahil ex-girlfriend at hindi puwedeng palitan si Dra. Loi bilang first lady. Hindi lang iyan, balik din sa tatlo ang mga Cayetano, hindi ba’t asawa ng katukayo ni Joselito ang nanalong alkalde ng Taguig -- si Lani Cayetano na dating staff ng namayapang si senador Renato Cayetano na nasangkot sa BW resource scandal at naimbestigahan ng committee on ethics? Take note: laway lang ang puhunan ng ama ni Alan Peter subalit kumita ng P80 milyon.
Ika nga ni First Gentleman Mike Arroyo sa ‘voice clip’ na madalas iparinig sa radio patungkol kay Pidro, hindi ba’t humirit pa ng dagdag ang senador, gamit ang katagang “Kulang pa Tito”? (mgakurimaw.blogspot.com)