Hindi lang Metro Manila ang ‘makulay’ ngayong 2010 election, suriin ang banggaan sa Bulacan, aba’y naglalaban ang magkapatid, mag-ama, magkarelasyon at magkaibigan. At bago nagtapos ang taong 2009, pinakakontrobersyal ang San Jose Del Monte City, Bulacan, aba’y nagmatigas si Vice Mayor Reynaldo San Pedro at ayaw ipahiram ang susi ng City Hall kay Mayor Angelito Sarmiento gayong malinaw ang Comelec ruling.
Take note: Hindi naman pag-aari ni San Pedro ang kahit isang poste ng City Hall at lalong hindi nakapangalan ang mga pundasyon. Ni sa panaginip, ayokong isiping ‘nasarapan’ si San Pedro kaya’t pumalag ito, maliban kung naimpluwensyahan ng alak kaya’t iba ang pagkakaintindi sa katagang ‘order’ ni DILG Secretary Ronnie Puno, ‘di ba Asec Bryan Yamsuan?
Lingid sa kaalaman ng publiko, sampu ng mga taga-San Jose Del Monte, hindi lang magkaibigan ang turingan nina Sarmiento at San Pedro kundi ‘sanggang-dikit’, patunay ang pagiging magka-tandem noong 2007 election. Hindi lang ‘yan, usap-usapan din sa City Hall ang pagiging ‘Good Samaritan’ ni Sarmiento, aba’y ipinagpiyansa si San Pedro nang makulong sa panahong hikahos ang vice mayor.
Ang malungkot lang, nagbago ang lahat ng pansamantalang maupong alkalde si San Pedro at hawakan ang ‘susi’ ng City Hall, kapalit ng namayapang si Dr. Eduardo Roquero habang dinidinig ng Comelec ang protesta ni Sarmiento. Dahil magkaibigan at magka-tandem noong 2007, nagpalabas pa ng manifest of support si Sarmiento kay San Pedro bilang mayor, kasama ang mga konsehal nito.
Ang nakakagulat lamang, makalipas ang ilang araw pag-upo bilang Acting Mayor, nagkainteres si San Pedro, animo’y nagustuhan ang ‘tumilaok’ sa City Hall, aba’y ayaw lisanin ang puwesto kahit pinapaupo ng Comelec si Sarmiento bilang lehitimong alkalde dahil napatunayang nandaya si Roquero.
Ang malaking pagkakamali ni San Pedro, hindi ‘bopols’ ang mga taga-San Jose Del Monte kung ‘paawa effect’ ang motibo o gustong makuha ang atensyon ng botante kaya’t pinalagan ang pagbaba sa trono, maliban kung meron itinatagong baho kaya’t takot umalis ng City Hall lalo pa’t usap-usapan kung nasaan napunta ang P2.5 milyon sa loob ng ilang araw na pag-upo nito, ‘di ba Councilor Noli Boy?
***
Napag-usapan ang Bulacan, isang mayoralty candidate din ang sobrang ‘tulis’ dahil kung sinu-sino ang ‘naasembolan’, animo’y tandang kung dumiskarte sa mga kababaihan. Kahit sinong matipuhan, hindi pinaliligtas kaya’t hindi nakakagulat kung bakit obsession ang mag-alkalde dahil maraming bubuhayin at kailangang susustentuhan.
Mantakin n’yo, apat ang babaing ‘ibinabahay’ ni Mayoralty bet, animo’y kada kanto, ito’y meron inuuwian, aba’y walang binatbat si Brader, as in Jojo Ismael ng Philippine Broadcasting System (PBS)-Radyo ng Bayan.
Mantakin n’yo, mismong asawa ng kanyang pinsang overseas worker, ito’y ‘tinalo’ at hanggang ngayon, kinakasama ni Mayoralty bet ang bebot at binigyan pa ng trabaho sa sariling opisina. Hindi lang iyan, maging anak ng isang natalong Kapitana o barangay chairman sa kanilang lugar, ito’y nabiktima at naasembolan. Ang pinakamalupit sa lahat, meron rape case (statutory) na kinasasangkutan si Mayoralty bet at isang menor de edad na katulong ang biktima.
Kundi nagkakamali ang Spy, dinampot ng National Bureau of Investigation (NBI) si Mayoralty bet kaya’t malaking tanong kung anong nangyari sa kaso. Hindi lang iyan, nahulihan din ng unlicensed firearms ang isa sa bodyguard at konektado sa rebeldeng grupo. Kaya’t hindi nakakagulat kung malagay sa hot spot ng Comelec. (mgakurimaw.blogspot.com)
http://www.abante-tonite.com/issue/jan1210/opinions_spy.htm
No comments:
Post a Comment