Kung sino pang nakakariwasa sa buhay, ito ang napapaboran -- ganito ang estado ng mga rank and file employees ng Commission on Appointments (CA), aba’y mas inuna ni CA Secretary Arthur Tiu ang representation allowance and transportation allowance (RATA) ng mga direktor gayong mas kailangan ng mga ordinaryong empleyado ang rice subsidy allowance.
Ang nakakalungkot sa lahat, hindi lang na-delayed ang pagre-release ng food subsidy kundi kinaltasan ng P500 -- ito’y malinaw sa direktiba ni Budget director Fe Sevilla, gamit ang rasong ‘it is not mandate benefit’ gayong sa loob ng 10 taon ay nakalista sa payroll.
Kundi nagkakamali ang Spy, tanging mandated benefits ng mga senior staff, as in director level ang P7,833.33 extra ordinary and miscellaneous expenses (EME) at P12,600.00 representation allowance and transportation allowance (RATA), nangangahulugang P20,433.33 ang itinakda ng batas -- ito’y napakalayo sa P2,500 rice subsidy allowance ng rank and file employees.
Ang nakakalungkot sa lahat, nagawa pang kaltasan ng P500 ang food subsidy ng mga ordinaryong empleyado at inirasong P1,500 lamang ang mandated benefit. Take note: kung hindi pa nagsalita si Senate President Juan Ponce Enrile sa flag raising ceremony ng nakaraang Lunes, hindi maibabalik ang P500 na ipinakaltas sa food subsidy. Kahit itanong n’yo pa sa mga miyembro ng Commission on Appointment Secretariat Employees Association (CASEA).
Ang malaking kabulastugang nadiskubre ng mga kurimaw, umabot sa P38,650 non-mandate benefits ang tinatanggap ng humigit-kumulang 50 direktor, kinapapalooban ng P24,650 reimbursable additional transportation allowance at karagdagang P14 reimbursable additional extra and miscellaneous allowance.
Subukan n’yong i-check sa Cash Division, ito’y nai-release ng nakaraang January 18 samantalang ibinitin ang kakapiranggot na food allowance ng mga rank and file employees. Kapag binalikan ang records, napakalayo ang tinamasang benepisyo ng mga senior staff ng nakaraang Disyembre at pagkatapos magmantika ang mga bibig sa malaking nauwing benefits, inuna pa rin ang kanilang sarili sa non-mandated benefits. Talagang Onli in da Pilipins at siguradong ‘di palalagpasin ni Manong Johnny!
***
Napag-usapan si Manong Johnny, walang kasing-tapang ang boss ni “Mrs. Senator Yvonne Caunan”, aba’y harapang kinasahan ang naunsyaming kudeta na ipinapanakot ng grupo ni Manny Villar kapag pinakialaman ang 12 senador na nakapirma sa naunang resolusyong nag-absuwelto sa C-5 road scandal.
Lingid sa kaalaman ng publiko, kamuntikang napatalsik si Enrile bago pa man mag-Christmas break, pinakahuling pagtatangka ng grupo ni Villar noong nakaraang January 18, kasabay ang pagbabalik-sesyon ng Congress. Ang problema, walang ‘pumikit’ sa core group ni Manong Johnny -- sina Mar Roxas, Pong Biazon, Noynoy Aquino, Ping Lacson, Chiz Escudero at Jamby Madrigal, maliban sa “Mahal na Senador”, as in Loren Legarda na ngayo’y ka-jamming ni Villar sa Nacionalista.
Simple lang ang plano ng grupo ni Villar upang maharang ang committee report na nag-uutos na isoli ang P6.22 bilyon sa C-5 road scandal, iupo ang ‘kaibigang matalik’ ni Loren Sinta -- si Edong Angara. Dahil ‘number games’ ang Senate Presidency, kailangang maka-13 ang grupo ni Villar -- dito nagkalihis-lihis ang taktika at formula, aba’y pumalag si Migz Zubiri at Dick Gordon kaya’t hindi nakabuo ng numero ang kampo ni Villar.
Hindi lang iyan, ayaw sumama nina Jinggoy Estrada at Gringo Honasan kahit pa naunang pumirma sa resolusyong nag-absuwelto kay Villar, maging si Mr. Noted, as in Francis Pangilinan, ito’y nanindigan sa Liberal kaya’t banderang-kapos ang kudeta at nakakuha ng 12 pirma si Manong Johnny laban kay Villar. Iyan ang kuwento sa likod ng kudeta at dapat mag-ingat si Manong Johnny kay Angara, aba’y napasukan ng ‘Trojan horse’ ang majority bloc! (mgakurimaw.blospot.com)
http://www.abante-tonite.com/issue/jan2110/opinions_spy.htm
No comments:
Post a Comment