Tuesday, January 5, 2010

january 5 2010 abante tonite

‘Reenacted President’
Rey Marfil


Hindi nakakagulat kung reenacted budget ang unang buwan sa taong 2010, ito’y nakahiligan ni Mrs. Gloria Arroyo, si­mula nang maupo sa palasyo, maliban kung puntiryang gawing campaign fund ngayong 2010 elections ang maitatalang sa­vings ng ilang departamento? Sa ilalim ng re­enacted budget, malaya ang misis ni Jose Pidal na i-realign ang pondo, partikular ang napondohang proyekto sa ilalim ng 2009 budget.

Ang masakit sa panig ng mga senador, ito’y ilang linggong nagpuyat at gumi­sing ng maaga para maka-attend sa budget deli­beration subalit wala ring silbi ang ginawang pagsusunog ng kilay dahil nasunod pa rin ang kagustuhan ng palasyo at hindi pi­nirmahan ang General Appropriations Act (GAA) of 2010 bago naghiwalay ang taon.

Mantakin n’yo, hindi man lamang ikinunsidera at inisip ni Mrs. Arroyo ang edad ni Senate Presi­dent Juan Ponce Enrile, ito’y halos ‘tulog-manok’ noong Disyembre para lamang gampa­nan ang nakaatang na trabaho. Hindi nga maintindihan ng Se­nate reporters kung na­tutulog pa si Manong Johnny, aba’y inaabutan na ng tilaok ng mga manok sa kalsada pagkaga­ling sa budget deliberation, pagkatapos papasok pa ng maaga para buksan ang session hall.

Hindi bale si majority leader Migz Zubiri, ito’y puwede pang lumaban ng puyatan kahit magdamagan sa floor. Kahit itanong n’yo pa sa tatlong (3) marinong sina Henry Austral, Enrique Bello at Emyr Macato ng MT Euro Swan, aba’y palaging naka-online at avid readers ng Tonite kahit naglalayag sa North Atlantic Ocean at English Channel.

Sa kabuuan, mabibi­lang sa daliri ang nagpu­yat at nagtrabaho para ipasa ang 2010 budget bago mag-Christmas break ang Kongreso - ito’y sina Enrile, Zubiri, Edong Angara (finance committee chair), Ping Lacson, Noynoy Aqui­no, Mar Roxas, Chiz Escudero, Jinggoy Estrada, Loren Legarda at Nene Pimentel.

Take note: sumakit ang ulo ni Edong kay Noynoy, aba’y ultimo singkong duling hinimay kaya’t panay hirit ng time out ang kaibigang matalik ni Loren Sinta dahil walang maisagot ang mga department heads. Iyong ibang senador, aba’y ‘nag-apa­risyon’ lang kaya’t kinabahan ang ilang kasamahan dahil inakalang merong pinaplanong insertion at merong pumasok para lamang banatan ang kalaban sa pulitika.
***
Napag-usapan ang 2010 budget, maliban kina Manong Johnny at Se­nator Migz, nag-aksaya lamang ng laway ang tatlong (3) kasamahang senador upang himayin ang P1.54 trilyong 2010 budget - sina Ping Lacson, Mar Roxas at Noynoy Aquino, aba’y ibinalik ng mga kaporal ni Mrs. Arroyo sa Lower House ang lahat ng tinapyas at realignment nang isalang sa bicameral conference committee.

Pagkatapos tanggapin ni Edong Angara (finance chair) ang suhestyon ni Lacson na ili­pat sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang P1 bil­yong alokasyon ng Auto­nomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), naiba ang kuwento sa bicam at ‘nagka-tongpats’ pa ang pork barrel ng mga mam­babatas, as in mula P200 milyon, nauwi sa P400 mil­yon ang pinagpartehan.

Sa kabilang banda, walang dapat ikagulat ang publiko kung obsession ni Mrs. Arroyo ang reenac­ted budget kada taon aba’y walang pinag-iba sa kanyang presidency ang ‘moro-moro’ sa budget deli­beration. Ang nakakasuka, meron pang pasumpa-sumpa si Mrs. Arroyo sa harap ng bantayog ni Jose Rizal noong 2003 na hindi tatakbong Pangulo pero naiba rin ang kuwento noong 2004.

Ang malungkot, humirit pa ng 1 mil­yong boto ang mommy ni ‘Lion King’ kay Virgilio Garcillano at kinasangkapan ang mga hene­ral upang paboran ang presidential bid nito, hindi pa kasama diyan ang government funds na na-divert. Kundi pa limitado sa isang termino ang presidency, sa ma­lamang reenacted Presi­dent si Mrs. Arroyo nga­yong 2010 lalo pa’t walang intensyong bumaba sa trono. Mantakin n’yo, nagkaugat na ang mga paa sa Malacañang, tumakbo pang congresswoman ng Pampanga. Talagang ‘Onli in da Pilipins’. (mgakurimaw.blogspot.com)

http://www.abante-tonite.com/issue/jan0510/opinions_spy.htm




No comments: