Kung pagbabatayan ang pre-election survey ng Manila Broadcasting Company (MBC), walang pinag-iba sa ‘Ro-Ro system’ ang presidential bid ni Dick Gordon (1.3%), animo’y kasing-lalim sa pinaglubugan ng MV Baleno-9 ang nakuhang grado kapag ikinumpara ang popularity rating kay Noynoy Aquino (45.7%).
Ibig sabihin, kahit ilang timba pang laway ang ibuhos sa campaign trail, kakapusin ng hininga si Gordon bago makaahon sa May 10, 2010 lalo pa’t pang-comics lamang si Flash Gordon at ibang karakter (Transformer) ang nagta-transform. Kahit TV ads ni Gordon, napagod sa katatayo, iyon pa kayang lumangoy papunta ng pampang habang hila-hila si Bayani Fernando na isinusuka ng mga vendor?
Take note: maraming presidentiables ang kailangang tanggalan ng salbabida ni Gordon para makapag-survive sa laot, alangang puro kampay lang ang gawin nina Manny Villar (24.6%) at Gibo Teodoro (5.7%) para maagaw ang life jacket ni Noynoy?
Maging ang running mate ni Gordon -- si Bayani Fernando (3%), kapareho ang kapalaran sa pre-election survey ng radio station ni Mareng Imelda, as in Milky Rigonan (dzRH radio), animo’y pink fences na pinintahan ng green ni MMDA chairman Oscar Inocentes ang popularity rating nito.
Mantakin n’yo, naungusan pa ni Edu Manzano (3.1%) ng 0.1% ang mister ni Mayor Maria Lourdes Fernando gayong mali pa ang pagkaka-spell ng remittances sa TV ads ng LBC. Ang good news lang, tinalo ni Fernando sina Perfecto Yasay (0.4%), Jay Sonza (0.3%) at Dominador Chipeco (0.2%) sa vice presidential race.
Ang duda ng mga kurimaw, posibleng nakatulong ang ‘lampshade hat’ ng mga traffic enforcers ng MMDA, aba’y nabura ang pangalan ni Fernando sa pagiging consistent sa 2%, katulad ni Dick!
Sa kaso ni Dona Consuelo, alyas Jamby Madrigal (0.8%), ito’y dapat pang magsaya kahit walang nakuhang mana sa namayapang Tita dahil nakapag-advance ng campaign funds, aba’y konting hagis pa ng mga pulseras, malapit nang makakuha ng 1% sa presidential survey si Madrigal.
At least tinalo sina JC delos Reyes (0.2%), Oliver Lozano (0.1%), at Nicanor Perlas (0.1%), maliban kung gustong mapabilang ni Jamby sa hanay nina Ely Pamatong at Mark Jimenez na parehong bokya, as in itlog ang nakuhang grado sa MBC-DZRH survey?
Paalala lang kay Madrigal, huwag maghanap ng official receipt (OR) kung paano nauwi sa 0.8% ang marka, aba’y baka lalong mabawasan. Kaya’t asahang magpapabaha ng Spanish bread ang Pan De Pidro sa tambayan ng Senate reporters sa Public Relation Information Bureau (PRIB), aba’y siguradong maglulundag sa tuwa si Peter Sing!
***
Napag-usapan ang senatorial survey, maganda ang showing ng mga ex-senators -- sina Tito Sotto, Ralph Recto, Frank Drilon at Serge Osmeña, maging House contingent, katulad ni TG Guingona. Ang malinaw lang, mala-best actor category ang ending sa senatorial race, as in nagkakahugis ang agawan sa trophy nina Jinggoy Estrada at Bong Revilla bilang No. 1
Ang nakaka-bad trip lang, kung hindi BIMPO (batang itinulak ng magulang sa pulitika), kinakapital ng ilang senatoriables ang apelyido ng mga kapamilya para makatabi ng upuan sina ‘Boy Kornik’ at ‘Matet’ ng Upper House, katulad nina Sonia Roco, Ruffy Biazon, at Monmon Mitra.
Higit sa lahat, madaling makalimot ng publiko, aba’y pumapasok sa Magic 12 si Bongbong Marcos, animo’y hindi hinahabol ng gobyerno ang ill-gotten wealth ng pamilya.
Nakakalungkot isipin, hindi man lamang inisip ng mga respondents ang sinapit ng mga pamilyang inabuso at biktima ng Martial Law sa kamay ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Sabagay, hindi nako-convert sa boto ang survey, katulad noong 1995 elections, hindi ba’t namayagpag sa bilangan ang anak ng diktador subalit lagapak sa final tally? (mgakurimaw.blogspot.com)
http://www.abante-tonite.com/issue/jan0710/opinions_spy.htm
No comments:
Post a Comment