Hindi kailangang maging UP graduate upang maintindihang ‘guilty’ si Manny Villar Jr., sa C-5 road scandal -- ito’y malinaw sa rekomendasyon ng Committee of the Whole. Kahit pagbabaliktarin ang sitwasyon at ilihis ng Nacionalista Party (NP) sa political scenario, kasing-linaw ng ‘gin bulag’ ang katotohanang nalugi ang gobyerno sa proyekto at meron kailangang isoli ang boss ng katukayo ni Joselito Cayetano -- ito’y nagkakahalaga ng P6.22 bilyon, animo’y nangulimbat ang pambato nina Gilbert Remula at Atty. Adel Tamano.
Ang nakakatawa lamang, iisa ang kapalaran nina Villar at ex-senator Renato Cayetano, aba’y parehong naisalang sa ethics probe. Kaya’t hindi nakakapagtaka kung halos magpakamatay sa kadidepensa ang katukayo ni Joselito dahil sumabit din sa code of conduct of ethical standards ang tatay nito.
Konting ‘flash back’ sa nakaraan, hindi nag-iisa si Villar sa naparusahan, patunay ang pagkasuspendi kay dating Senate President Jose Avelino isinangkot sa kasong tax evasion. Sa halip sagutin ng maayos ang reklamo, hindi ba’t nagbitaw ng makasaysayang katagang “what are we in power for?” noong 1949 kaya’t pinagbakasyon ng isang taon?
Mismong si Senate President Juan Ponce Enrile, ito’y naisalang sa ethics probe noong 1988 dahil sa ‘unpaliamentary remarks’, mas malupit nga lang ang kaso ni Villar, aba’y P6.22 bilyon ang isyu at hindi rin barya ang P80 milyon BW Resources scam ng matandang Cayetano. Take note: Laway lang ang puhunan ng ama nina Pia, Ren-Ren, Lino at Alan Peter. Higit sa lahat, staff ng matandang Cayetano ang misis ng katukayo ni Joselito (Cong. Lani Cayetano) sa panahong naimbestigahan sa ethics ang father-in-law.
Alinsunod sa committee report: Nilabag ni Villar ang Section 9 ng Republic Act 6713 nagsasabing “a public official or employee shall avoid conflicts of interest at all times.” Ika ni Gus Abelgas ‘hindi nagsisinungaling ang ebidensya’.
Sa apat na buwang pagdinig ng Committee of the Whole, napatunayan ang lahat ng reklamo ni Donya Consuelo, alyas Jamby Madrigal, aba’y pangalan ni Villar ang ‘nasusulat at nababasa’ kung sino ang stockholder ng Adelfa Properties Inc., may-ari ng Golden Haven Memorial Park at Azalea Real Estate Corporation, ngayo’y Brittany Corporation; nagtulak sa Las Piñas-Parañaque Link Road Project at DPWH C-5 Road Extension Project na dumaan sa pag-aaring subdibisyon at sumingil ng mas mataas sa road right of way. Kung ididetalye ang iba pang ebidensya, baka mauwi sa magazine ang buong kolum.
***
Napag-usapan ang C-5 committee report, ito’y konektado sa naunsyaming kudeta noong nakaraang Enero 18. Ang nakakatawa lang, nagkamali ng diskarte ang tropa ni Villar at naisama sa ‘boycott drama’ si Senator Miriam Santiago na hindi marunong magsinungaling sa media. Ang eksaktong deklarasyon ni Miriam sa Kartada Escalera (dzXL radio) noong nakaraang Sabado:
“At para lang sana hindi matuloy na basahin ang report na iyan sa plenary session namin, nagsipag-boycott kami nu’ng Tuesday ba ‘yun? Na sabay-sabay kami mag-absent na pare-pareho kami may engagement o ako naman ay may sakit. Aminin ko na, na pinakiusapan kami na kung pwede ‘wag muna kami pumasok para maramdaman ni Sen. Enrile na ayaw ng aming grupo na parusahan ang aming kapwa na pare-parehong personalidad ay tumatakbo pagka-President”.
Iyon nga lang, iba ang spin ng katukayo ni Joselito, kailangan palitan si Enrile ng isang kasamahang meron pang natitirang 3-taon termino, gamit ang senaryong magkaka-failure of election.
Isa pang nakakatawang spin ng Nacionalista, ‘dumidikit’ daw kay Noynoy Aquino si Villar, alinsunod sa huling Social Weather Station (SWS) survey. Kapag sinuri ang numero, double digit pa rin ang kalamangan ni Noynoy kahit pa pagbali-baliktarin ang senaryo. Sa “special two-man survey”, nakapagtala ng 52% si Aquino habang 44% si Villar -- ito’y malabong mangyari dahil sampu (10) ang presidentiables.
Sa senaryong tinanggal ang pangalan ni Erapsky, si Aquino (49%) pa rin ang nanguna sa survey at pangalawa si Villar (38%), as in 11% ang abante. Kahit pa tinanggal si Gibo, hindi pa rin matinag si Aquino (45%) at pangalawa pa rin Villar (35%), malinaw ang 10% kalamangan ni Noynoy. Iyon nga lang, iba ang lumalabas sa kakamping tabloid. (mgakurimaw.blogspot.com)
http://www.abante-tonite.com/issue/jan2610/opinions_spy.htm
No comments:
Post a Comment