Tuesday, June 23, 2009

june 23 2009 abante tonite

‘Wag kalimutan ang atraso ni Duque!
Rey Marfil


Sa dami ng presidentiables, pinakamasuwerte si Chiz Escudero dahil walang “ka-effort-effort” subalit namamayagpag sa presidential survey, hindi katulad nina Manny Villar at Mar Roxas, halos mag-programa sa radyo at telebisyon sa dami ng political advertisement kada minuto, hindi pa rin ‘pang-Motolite’ ang pagpalo ng popularity rating, aba’y hindi ‘convincing’ ang result.

Mantakin n’yo, mas marami pa yatang oras ang commercial nina Villar at Roxas sa kabuuan ng programa keysa ibinabalita at komentaryo ng news anchor.

Kundi nagkakamali ang Spy, gumastos ng P200 mil­yon hanggang P500 milyon sina Villar at Roxas sa political advertisement samantalang ‘papitik-pitik’ lang si Chiz sa isang tabi subalit pasok sa Top 3.

Take note: Hindi pa nagdi-declare kung tatakbong Presidente sa 2010. Paano pa kung mag-40 sa October 10 si Chiz, hindi kaya sumadsad sa maputik na itikan at ma-gutter sa C-5 road ang popularity rating ni Manny o kaya’y mabalaho ang ‘Kori-Mar wedding’ bago ang November deadline ng Comelec?

At ng nakaraang linggo, umariba ang black propaganda laban kay Chiz, pinaka-latest ang ‘Chiz-Loren sticker’. Ibig sabihin, maagang ‘dinadaga sa dibdib’ ang ilang presidentiables kaya’t sinimulang wasakin ang imahe ni Chiz.

Kung meron labis nasaktan, walang iba kundi si Loren Sinta, aba’y ‘ikinahon’ sa Bise ang kaibigang matalik ni senador Edong Angara. Paano ang mga ‘mumun­ting pangarap’ ng magkaibigan kung si Chiz ang ilalarga?

At sa malamang, uminit ang ulo ni Ma’am Loren habang uma-attend ng climate change meeting sa Switzerland, siguradong meron staff nag-text kay Sinta!
***
Napag-usapan ang 2010, ni sa panaginip, ayokong isiping konektado sa senatorial ambition ni Health Sec. Francisco Duque ang pag­lawak ng swine flu. Mantakin n’yo, mapa-presidentiable o senatoriable, gumagastos ng milyones sa political advertisement upang i-angat ang awareness ng publiko samantalang libre si Duque, aba’y araw-araw laman ng telebisyon, radyo at peryodiko dahil napaka-init ang swine flu.

Kung pakikinggan si Duque, Pilipinas ang favorite ng A(H1N1) virus at pandemic ang arrive sa international community subalit kung susuriin ang pangyayari, wala naman namamatay sa virus, ma­liban kung ini-exagge­rate upang gumanda ang survey ratings?

Bago tumama ang A(H1N1) virus, isa si Duque sa napabalitang magsi-senador, malinaw ang infomercial sa radyo at telebisyon. Take note: ‘namakyaw’ ng advertisement si Duque at kahit simpleng pagbati ng ‘Happy Birthday’ kay Mrs. Arroyo, ito’y dinaan sa full page advertisement.

Ngayong pumutok ang swine flu, kulang na lang magpatawag ng press conference kada minuto ito. At meron pang nakaka-intrigang commercial ng alcohol product dahil tunog campaign slogan ni Duque ang spill. Hindi lang malinaw kung ‘Ok Dokie’ o ‘Ok Duque’ ang linya dahil boses lang ito.

Kaya’t hindi masisisi ang mga kurimaw kung pagduduhang ginagamit ni Duque ang A(H1N1) scare upang paba­nguhin ang imahe.

At ayoko rin isiping pinalalala ni Duque ang simpleng lagnat at trangkaso para meron sound bite kapag nagpapatawag ng press conference.

Tandaan: Si Duque ang rason kung bakit na-divert ang multi-bilyong OWWA fund noong 2004 election, gamit ang Philhealth- ito para pondohan ang health card na ipinamudmod sa mga botante mula sa kontribusyon ng mga OFWs.

Hindi lang iyan, si Duque rin ang pangalawa sa pinakamayamang gabinete, maliban kung tsismis lang ang pagkakaroon ng Porsche at Ferrari. Paglilinaw lang, hindi Ferrari na ipinamimigay sa gasoline station ang pag-aari ni Duque!