Monday, November 22, 2010

Standing ovation!

Standing ovation!
Rey Marfil

Sa grand alumni homecoming ng University of the Phi lippines (UP) Law ng nakaraang Biyernes ng gabi sa Shangri-La Hotel, Makati City, ‘matalim’ ang nilalaman ng talumpati ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino laban sa ilang mahis­trado ng Korte Suprema -- isang nakakatawag-pansing eksena ang standing ovation sa hanay ng mga abogado matapos ‘pitikin’ ang pangongopya ng resolusyon.
Hindi lang iyan, makailang-beses natigil sa pagsasalita si PNoy at dumadagundong ang palakpakan sa 2nd floor ng Makati Shangri-La Hotel, animo’y isang malaking palabas sa teatro. Take note: halos tumagal ng 30-minuto ang 9-pahinang speech ni PNoy -- ito’y double space, naka-bold letters at 16 Arial font, alinsunod sa hard copy na ibinigay ng Radio-Television MalacaƱang (RTVM) sa MalacaƱang Press Corps (MPC).
Pinangasiwaan ng UP College of Law Silver Jubilarian Class of 1985 ang 2010 UP Law Grand Alumni Homeco ming at nag-uumapaw ang function room sa dami ng mga kilalang pulitikong nagsidalo, mapa-congressman o senador, as in “all-star cast”. Isa sa pinakamalakas pumalakpak -- si Senador Frank Drilon, chairman ng Senate committee on finance, matapos inanunsyo ni PNoy ang P100 milyong fa­culty development fund sa UP Law -- ito’y upang lalo pang paigtingin ang pagbabantay sa mga tiwali at kurakot. Tandaan: naging instrumento ang UP Law Center kaya’t napigilan ang maanomalyang $500 milyon Northrail project noong 2005.
Hindi matatawaran ang UP College of Law -- apat (4) na alumni ang naging Pangulo ng Pilipinas, isang dosena (12) ang naupong Chief Justice ng Supreme Court (SC) at marami ang nalikhang de-kalibreng kongresista at senador, katulad nina Se nate President Juan Ponce Enrile, Senator’s Miriam Santiago, Francis Pangilinan, Joker Arroyo at Chiz Escudero. Ang ama ni PNoy -- si dating senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr. -- ito’y produkto ng UP College of Law, hindi nga lang nakapagtapos.
***
Napag-usapan ang alumni homecoming, hindi lamang si PNoy ang nagtataka kung nasaan nagpuntahan ang mga abogado, katulad din sa naunang tanong ng Pangulo sa sarili nang dumalo sa reunion ng San Beda Law. Mismong si PNoy, napansin ang dumaraming pamilyang naghihintay ng hustisya, at inabuso subalit hindi masampahan ng kaukulang kaso o kaya’y nakabin bin ang kaso sa iba’t ibang korte at ilang dekadang natutulog.
Bagama’t dinaan sa biro ang paglalarawan sa iba’t ibang porma ng mga abogado, katulad ang ‘bihis-abogado’, ‘gupit-abogado’, ‘amoy-abogado’, ‘galaw-abogado’, ‘pormang-abogado’, nawa’y magbukas sa isipan ng mga abogado ang buod ng talumpati ni PNoy -- ang panawagang “maalala palagi kung paano maging abogado” at panindigan ang trabaho bilang tagapagtanggol ng katwiran at katotohanan, hindi sa anumang laki at liit ng sahod o kaya’y gara ng damit at sasakyan nito.
Sa kabuuan, matalas ang speech ni PNoy, animo’y niresbakan ang Supreme Court sa isyu ng pangongopya ng resolusyon -- ito’y harapang nakiisa sa laban ng UP College of Law, gamit ang litanyang ‘hindi dapat magsinungaling, hindi dapat mangopya at hindi dapat magnakaw o gumamit ng mga pagsusuring walang pahintulot o wastong pagkilala sa may-akda nito’. Ang resulta: binigyan ng standing ovation si PNoy at ilang minutong pinalakpakan.
Mas tumindi ang hiyawan nang maglitanya si PNoy -- “hindi rin dapat sinisindak o tinatakot ng mga nakatataas ang mga taong nais lamang na ipahayag nang malaya ang kanilang opinyon at ilantad ang katotohanan. Ang mga patakaran na nariyan na noon pang panahon ni Mahoma ay hindi dapat ginagamit para pagtakpan ang kasalanan ng mga naligaw sa baluktot na daan”. Maging pagsuporta sa live co verage ng Ampatuan trial -- binigyan si PNoy ng masigabong palakpakan ng mga ito. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: