Monday, November 8, 2010

Makatwiran si PNoy kay Pidol!

Makatwiran si PNoy kay Pidol!
Rey Marfil


Ngayong alas-2:00 ng hapon, igagawad ng MalacaƱang kay Rodolfo Vera Quizon, mas kilalang Dolphy ng Philippine cinema, ang pinakamataas na pagkilala at parangal bilang artista -- ang ‘Grand Collar Order of the Golden Heart Award’ -- ito’y gaganapin sa Rizal Hall at sasaksihan ng mga kapamilya ng tinaguriang “Hari ng Komedya”. Ang biruan ng mga tambay sa kanto: mag-yellow ribbon kaya si Mang Pidol?
Sa ilalim ng liderato ni Pangulong Ramon Magsaysay Sr., noong 1954, pinagtibay at itinatag ang Order of the Golden Heart -- ito’y pagkilala sa naiambag ng isang Pilipino para maiangat at mapaunlad ang mo ralidad, sosyalidad at kondisyong pang-ekonomiya ng mga mahihirap.
Hindi lingid sa kaalaman ng publiko kung gaano kalaki ang pangalan ni Mang Pidol sa local cinema, hindi lamang sa larangan ng pagpapatawa sa puting telon, entablado, pelikula at telebisyon kundi bilang mabuting mamamayan subalit ipinagkait ang pagkilala at parangal sa nagdaang administrasyon.
Si Mang Pidol, kilalang supporter ni Pangulong Joseph “Erap” Estrada noong 1998 presidential election, maging ng namayapang si Fernando Poe Jr., (FPJ) noong 2004 kaya’t nakulayan ng pulitika ang kawalang intensyong pagkalooban ng parangal bilang National Artist ni Pa ngulong Gloria Macapagal-Arroyo, ngayo’y kinatawan ng 2nd district ng Pampanga sa Kongreso.
Kasabay ang pagtatapos ng termino ni Mrs. Arroyo, nabaon din sa limot ang pagtutulak kay Mang Pidol bilang National Artist, ‘di hamak mas pinahalagahan ng nagdaang administrasyon ang sangkaterbang ‘massacre movie’ at komiks ni Carlo J. Caparas na ngayo’y ipinag harap ng tax evasion case ni Bureau of Internal Revenue (BIR) chair Kim Henares.
***
Napag-usapan ang pagiging National Artist, mas lalo pang lumabo ang tsansang mabigyang-parangal si Mang Pidol nang matalo ang sinuportahang presidential candidate ng nakaraang May 10 elections -- si Senador Manuel “Manny” Villar Jr., at naging laman ng mga intriga ang pag-etsapuwera kay Erapsky, kapalit ang malaking halaga na mariing pinabulaanan ng Comedy King.
Sa panahon ng kampanya, halos minu-minutong mapapanood sa telebisyon ang mukha ni Mang Pidol, animo’y commercial product kung iendorso ang pagboto kay Villar bilang Pangulo, kasama si Willie Revillame. Kapag nagbukas ng radyo, mas madalas pang mapakiking gan ang boses ni Mang Pidol keysa komentaryo ng anchor o kaya’y kantang ipinapatugtog ng disc jockey (DJ) sa FM station.
Makalipas ang limang (5) buwan, muling napag-usapan ang pangalang “Mang Pidol” sa peryodiko, hindi para mag-endorso ng pulitiko at mag-promote ng bagong pelikula o TV show kundi kikilalanin bilang isang Mabuting Pilipino. At nakakatuwang pagmasdan ngayong alas-2:00 ng hapon na makatabi ni Mang Pidol sa isang ‘photo op’ ang nakatunggali ng sinuportahang presidentiable -- si Pangulong Benigno Simeon “PNoy” Aquino III.
Ang ipinagtataka ng mga kurimaw kung bakit wala ni isang ‘Palace occupant’ ang nakapag-isip magbigay ng parangal kay Mang Pidol sa nagdaang dekada at taon kung sadyang matuwid ang kanilang administras yon -- ito’y isang patunay na walang pulitika at kumikilala sa katwiran si PNoy, anuman ang kulay ng T-shirt na isi nuot ng nakaraang eleksyon. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: