Monday, April 16, 2012


Walang nabago!
REY MARFIL
APRIL 11, 2012
Nanatiling mataas at kahanga-hanga ang positibong 49% satisfaction rating ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino, base sa pinakabagong resulta ng Social Weather Stations (SWS), as in ipinapakita ng pinakabagong satisfaction rating ng Pangulo sa SWS survey ang patuloy na malaking suporta ng publiko sa ginagawa ng Punong Ehekutibo.

Malinaw ang ebidensiya, kahit anong spin ang gawin ng mga kritiko ni PNoy, sampu ng mga hindi makapag-move on sa resulta ng 2010 presidential election at never heard sena­toriables sa hanay ng mga tagapagtanggol ni Mrs. Arroyo, maganda pa rin ang satisfaction rating ng Pangulo kung saan pito sa 10 Pinoy ang bilib sa kanyang performance.

Ayon sa SWS First Quarter Social Weather Report na isinagawa nakaraang Marso 10 hanggang 13, lumabas na 68% ng mga Pilipino ang kumbinsido sa ginagawa ng administras­yong Aquino at tanging 19% ang diskuntento -- ito’y maliit na numero kumpara sa mayoryang bilib kay PNoy, maliban kung “kinamote” sa arithmetic ang mga kritiko?

Mataas pa rin ang satisfaction ng Pangulo at “Very Good” sa ABC at E -- ito’y nangangahulugang nauunawaan ng Middle Class ang mga panlabas na dahilan sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo habang naniniwala ang Class E na napapakinabangan ang Social Safety Nets ng pamahalaan.

Kung bumaba man nang bahagya ang satisfaction rating ng Pangulo, ito’y inaasahan lalo pa’t sa kasaysayan ng bansa, talagang bumababa ang satisfaction rating ng mga nakalipas na Pangulo habang papalapit ang kalagitnaan ng kanilang termino.

Pangalawa, nakita rin sa nakalipas na tatlong buwan ang pagsirit sa presyo ng langis kung saan walang kontrol ang Pangulo. Lumabas din na isinagawa ang survey sa kasagsagan ng petisyon para sa dagdag na pasahe sa jeep.

Hindi lingid sa karamihan ang katotohanang idinidikta ng mga puwersa sa internasyunal na merkado ang presyo ng mga produktong petrolyo, katulad ng mga nagaganap na kaguluhan sa ibang bansa.

Take note: walang sariling pinagkukunan ng langis ang Pilipinas kaya’t nakatali ang kamay ng gobyerno sa galaw ng international market.

Higit sa lahat, hindi naman nagpapabaya si PNoy at ipi­nagpapatuloy ang pagsusulong sa mga kapaki-pakinabang na reporma sa bansa kahit hindi ito maging popular sa publiko -- ito’y malinaw sa resulta ng SWS survey.

Sa panahong sumikad at sumipa na nang husto ang Pantawid Pasada program o subsidiya sa mga pampublikong tsuper, kasama ang mababang implasyon at umaasensong oportunidad sa sektor ng agrikultura at mga iniluluwas na mga produkto, inaasahang manunumbalik ang mas mataas pang performance rating ni PNoy.

***

Napag-usapan ang aksyon ng gobyerno, walang duda ang kasipagan ni PNoy, isa lamang sa maraming patotoo ang inspeksiyon sa pangunahing transport terminals nakaraang Lunes Santo bago umalis ng bansa para dumalo sa taunang pagtitipon ng mga lider sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at paggunita sa ika-45 anibersaryo ng samahan sa Cambodia.

Ginamit ni PNoy ang kanyang panahon para tiyakin ang kahandaan ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na ipatupad ang kanilang kaukulang tungkulin at misyon upang makamit ang ligtas at walang sakunang pagsalubong ng publiko sa Mahal na Araw.

Personal na tiniyak ng Pangulo na nasa maayos ang lahat at ginagawa ng mga ahensiya ng pamahalan ang mga bagay-bagay na dapat na gawin ng mga ito. Nagsagawa ng inspeksiyon si PNoy sa bus terminals, pier at paliparan para tiyakin ang kaligtasan ng mga Pilipino at maging ng mga turista na magtutungo sa mga lalawigan.

Bukod sa mga pampublikong terminals, inatasan din ng Pangulo ang Philippine National Police (PNP) at iba pang law enforcement agencies na tiyaking ligtas ang mga simbahan at ibang mga lugar ng pagsamba, mahahalagang mga lugar, mga embahada, mga pasyalan, malls, mga komersi­yal na establisimiyento at iba pang pampublikong mga lugar.

Maganda ring marinig ang pagtataya ni PNoy na malaki ang positibong pinagbago sa mga paghahanda sa seguridad at daloy ng trapiko ngayong Mahal na Araw.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

3 comments:

Anonymous said...

Bago ang lahat nais ko lang magkomento sayong mga isinusulat, magkano ang bayad sayo ng Abnoy mong kakampi...masyado kang sipsip sa amo mo huwag kang ganyan maging patas ka sa mga mambabasa....Hinde ka nakakatulong sa mga mamayan kaya huwag mong gamitin ang pagiging manunulat mo para papogiin si abnoy aquino...sumusobra kana

Anonymous said...

Bago ang lahat nais ko lang magkomento sayong mga isinusulat, magkano ang bayad sayo ng Abnoy mong kakampi...masyado kang sipsip sa amo mo huwag kang ganyan maging patas ka sa mga mambabasa....Hinde ka nakakatulong sa mga mamayan kaya huwag mong gamitin ang pagiging manunulat mo para papogiin si abnoy aquino...sumusobra kana

Anonymous said...

Bago ang lahat nais ko lang magkomento sayong mga isinusulat, magkano ang bayad sayo ng Abnoy mong kakampi...masyado kang sipsip sa amo mo huwag kang ganyan maging patas ka sa mga mambabasa....Hinde ka nakakatulong sa mga mamayan kaya huwag mong gamitin ang pagiging manunulat mo para papogiin si abnoy aquino...sumusobra kana