Wednesday, April 18, 2012



‘Di bolero!
REY MARFIL

Nakararanas ng tatlo hanggang 10 oras na rotation brownout bawat araw ang ilang lugar sa Mindanao dahil sa kakulangan ng suplay ng enerhiya sa rehiyon. Kaya naman nagpatawag ng Energy Summit ang pamahalaan kamakailan para humanap ng panandalian at pangmatagalang solusyon sa problema.

Sa harap ng pribadong sektor at mga lokal na lider sa rehiyon na dumalo sa summit, inilatag ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino nang walang halong pambobola ang mga kailangang gawin para tuluyang masolusyon ang problema sa kakapusan ng suplay ng enerhiya.

Kilala sa pagiging matapat si PNoy kaya naman ipinaalam at sinabi niya sa harap ng publiko na kailangan ang mga bagong planta ng eherhiya sa ilalim ng pangangasiwa ng pribadong sektor. Pero ang dagdag na enerhiya’y ma­ngangahulugan din ng mas mataas na babayaran ng publiko.

Nakakalungkot lang isipin na kung minsan, ang matapat na katotohana’y sinasabotahe ng kasinungalingan ng mga taong kontra sa mungkahi na hindi nila gusto.

Sa harap ng pahayag ng Pangulo na kailangang magsakripisyo rin ang publiko sa pamamagitan ng dagdag na bayarin sa kuryente, may nagpakalat naman ng maling impormasyon na aabot daw sa P14 per kilowatt hour ang magiging dagdag na singil sa kuryente.

Ang maling impormasyo’y masyadong malayo sa nakalap na impormasyon ni PNoy na mayroon nang ilang koope­ratiba na nagbabayad ng karagdagang 50 hanggang 60 sentimos per kilowatt hour. Kaya naman kung magkakaroon ng mga bagong planta, imposibleng umabot sa P14 per kilo­watt hour aabutin ang dagdag na bayarin.

***

Napag-usapan ang kuryente, ang pagkakaroon ng mas malaking demand ng Mindanao sa enerhiya ay indikasyo­n ng pag-unlad. Dumadami ang kumpanya na nagtatayo ng negosyo sa rehiyon na nangangailangan ng kuryente -- ito’y katumbas ng dagdag na trabaho sa mga tao at dagdag na kabuhayan.

Pero habang tumataas ang demand sa eherhiya, hindi naman nadadagdagan ang mga planta ng magsusuplay ng kuryente.

Kung tutuusin, maging ang mga dati at kasalukuyang pinagkukunan ng enerhiya sa Mindanao na mga hydropowe­r na mahigit 50 taon na ang edad ay nagsisimula na ring mang­hina. Ang suplay sa kuryente sa mga hydropower ay nagmumula sa lakas ng tubig na bumabagsak sa mga talon.

Pero sa paglipas ng panahon at pagbabago ng klima sa mundo, lahat ay nagkakaroon ng katapusan. Kaya naman kailangang maghanap ng ibang paraan na maaaring magsuplay ng kuryente sa Mindanao, at malaki ang magiging papel dito ng pribadong sektor.

Gayunpaman, patuloy pa rin ang paghahanap ni PNoy ng panandiliang solusyon sa problema gaya ng paglalaan ng P2.6 bilyon para sa large-scale rehabilitation ng 59-year-old na Agus 6 hydropower plant, na nakadisenyo lamang na tumagal ng 30 taon. Kung sa usapang-kanto, daig pang matandang hukluban ang Agus 6 hydropower plant dahil nadoble ang edad.

Bukod dito, isinasailalim din sa rehabilitasyon ang Agus 2, at aayusin ang mga daluyan ng tubig para mapalakas ang agos nito papunta sa talon. Totoo ang problema sa kakula­ngan ng enerhiya sa Mindanao, na nangangailangan ng totoong solusyon kaya naman nagbigay si PNoy ng totoong sagot.

Marahil kung ibang lider ang nakaupo ngayon ay takot na ipaalam sa tao ang katotohanan, baka pagkatapos ng ginawang power summit, nanatili sa dilim ang mga dumalo nang walang malinaw na solusyon sa problema.

Sa simpleng arithmetic, hindi nambola at nagsinungaling si PNoy, hinarap ang problema at nagpakatotoo kahit unpopular sa publiko.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: