Monday, April 16, 2012
Pulse: Guilty!
REY MARFIL
Mar 26, 2012
Tila kailangang baguhin ng kampo ni Supreme Court (SC) Chief Justice Renato Corona ang kanilang taktika sa pagdepensa sa Punong Mahistrado kung nais nilang makuha ang simpatiya.
Hindi kailangan ang SOCO team ni Gus Abelgas at lalong hindi kailangan pang gamitan ng siyensya at lohika ang impeachment trial para maintindihan ang pulso ng masa, malinaw ang katotohanan -- hindi nagsisinungaling ang ebidensya!
Kung paniniwalaan ang pinakabagong survey ng Pulse Asia, lumilitaw na halos kalahati ng mga Filipino ang naniniwalang guilty ang itinalagang Punong Mahistrado ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa ibinibintang ng prosekusyon na nagkasala ito sa bayan kaya dapat alisin sa kanyang posisyon.
Sa walong Articles of Impeachment o bintang kay Corona, tatlo na lamang ang itinira ng prosekusyon dahil sa paniwala nilang malakas na ang ebidensyang iniharap nila sa Senate Impeachment Court upang makuha ang boto ng mga senador na patalsikin ang Punong Mahistrado.
Isa sa tatlong reklamo na marahil ay lubos na tinututukan ng publiko -- ang alegasyon na nagsinungaling si Corona sa listahan ng mga ari-arian na kanyang inilagay sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN). At ngayo’y meron pang alegasyong nagmamantine ng bahay sa Amerika.
Bukod sa alegasyon ng prosekusyon na itinago ni Corona sa publiko ang laman ng kanyang SALN, lumilitaw na hindi rin kumpleto ang listahan ng ari-arian na inilagay sa SALN. Ang hindi pagdedeklara ng isang kawani -- lalo na ng opisyal ng gobyerno ng kanyang tunay na halaga ng mga ari-arian, ito’y labag sa batas.
Sa survey ng Pulse Asia na ginawa noong Pebrero 26 hanggang Marso 9, lumitaw na 23% ng mga Pinoy ang naniniwala na “maaaring” guilty si Corona, at 15% ang nakatitiyak na guilty ang Punong Mahistrado.
Ang naturang tala’y lubhang malayo sa isang porsyento (1%) na nagsabi na tiyak na walang kasalanan si Corona at apat na porsyento (4%) ang nagsabing “maaaring” inosente ang opisyal. Habang 43% naman ang hindi pa makapagdesisyon.
Hindi nakapagtataka kung makapagbigay na agad ng kanilang opinyon ang mga Filipino dahil nakapagsalang na rin naman ng kanilang testigo ang panig ng depensa. Bukod dito, lumitaw na walo sa bawat sampung Pinoy ang nagsabing sinusubaybayan nila ang paglilitis.
***
Napag-usapan ang survey, malaki rin ang paniniwala ng publiko na magiging patas ang mga senator-judge sa kanilang paglilitis at gagawing pagbibigay ng hatol sa Punong Mahistrado na sinasabi ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino III, sampu ng nakakaraming Filipino na inilagay sa pinakamataas na puwesto sa SC upang protektahan sa mga kaso si Mrs. Gloria Arroyo.
Katunayan, sinasabing muntik pang makatakas ng bansa si Mrs. Arroyo at mister nitong si dating First Gentleman Mike Arroyo dahil sa ipinalabas na temporary restraining order (TRO) ng ipinataw ng SC sa travel ban na ipinalabas ng Department of Justice (DOJ). Hindi ba’t meron pang report sa biglaang pag-uwi ng Pilipinas ni Corona mula Amerika para makasali sa en banc session?
Sa itinatakbo ngayon ng paglilitis, lumilitaw na nais ipakita ng depensa na kakaunti lamang ang ari-arian ni Corona at kaya nitong bilhin ang mga nabanggit na ari-arian. Ngunit nananatili pa rin ang isang importanteng usapin na hindi pa rin nasasagot ng Punong Mahistrado -- bakit hindi nakalista sa mga SALN ang naturang mga pag-aari nito?
Kaya naman sa huli, kailangan pa rin talagang paupuin ng depensa bilang testigo ang kanilang kliyente na si Corona para siya mismo ang magpaliwanag tungkol sa kanyang ari-arian, maliban kung meron itinatago o natatakot mapahiya sa national television dahil totoo ang lahat ng mga alegasyon?
Bilang mabuting mister, hindi dapat hayaan ni Corona na ang kanya lamang misis ang sumalang sa matinding pagtatanong ng prosekusyon at mga senador. Kung wala siyang itinatago, dapat harapin niya ang mga nag-aakusa sa kanya para malinis ang kanyang pangalan.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment