Friday, April 20, 2012



Halaga ng Philhealth!
REY MARFIL


Pinayagan ng Department of Justice (DOJ) ang admi­nistrasyong Aquino na legal na gamitin ang P8.3 bilyon para sagutin nang buo ang subsidiya ng Philhealth premiums sa mahihirap na mga pasyente.

Kapuri-puri ang hakbang na ito ng DOJ para magamit ang P8.3 bilyon sa todong subsidiya ng Philhealth sa naghihikahos nating mga kababayan. Tutulungan nito ang ang programa para sa kalusugan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquin­o na makamit ang “universal health care” para sa mga Filipino.

Bahagi ang halaga ng P12-bilyong alokasyon ng Nationa­l Health Insurance Program (NHIP) para sa mga mahihirap sa ilalim ng pambansang badyet ng 2012.

Umabot sa kabuuang 3.41 milyon ang kuwalipikadong benepisyunaryong tinukoy base sa pinakabagong database mula sa National Household Targeting System for Poverty Reduction ng Department of Social Welfare and Deve­lopment (DSWD).

Alam naman nating lahat na malaking hamon ang magkaroon ng dekalidad na suporta sa kalusugan para sa mga mahihirap na Filipino lalo’t marami sa kanila ang hindi kayang maipagamot ang kanilang mga sarili.

Siguradong mapapalakas ng pamahalaan ang programa nitong matulungan ang mga mahihirap na mga pasyente na mabigyan sila ng atensiyong medikal sa tulong ng programa at desisyon ng DOJ.

Hindi lang ‘yan, nakakatuwa ring marinig ang paninindigan ng administrasyong Aquino na ibigay sa bansa ang isang ekonomiyang pakikinabangan nang husto ng mga tao, lalung-lalo na ang mga mahihirap.

Talagang tinitiyak ng pamahalaan na magkakaroon ng kontroladong inflation rate o pagtaas ng mga bilihin bilang isa sa mga nangungunang prayoridad ng administrasyon.

Sa ipinalabas na pahayag ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) nitong Abril 4, patuloy na bumaba ang tinatawag na “year-on-year headline inflation” nitong Marso sa 2.6 porsiyento mula sa 2.7 porsiyento nitong Pebrero.

Base sa datos, nananatiling mababa ito sa target inflation rate ng pamahalaan na tatlo hanggang limang porsiyento para sa 2012 at pinakamababa naman sapul noong Setyembre 2009.

Ipinapakita lamang ang sinseridad sa pagiging sensitibo ng pamahalaan sa sentemiyento ng publiko kaugnay sa pagmahal ng mga bilihin at patuloy na tinitiyak na hindi masyadong maaapektuhan ang publiko ng hindi magandang takbo ng ekonomiya sa buong mundo, partikular ang mga mahihirap.

***

Napag-usapan ang aksyon ng gobyerno, tama lamang ang posisyon ng gobyerno na resolbahin kung sino ang legal na may karapatan sa pinag-aagawang mga isla sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng diplomatiko, legal at mapayapang paraan na maaaring magawa ng International Tribunal on the Law of the Sea (ITLOS).

Nangangahulugang nananatili ang paninindigan ng pamahalaan na maayos ang gusot alinsunod sa international laws. Walang duda na ang internasyunal na proseso at mga batas na pinanindigan ng mga bansang kasapi na igagalang ang makakatulong para maayos ang problema.

Hindi tayo dapat pumasok sa isang digmaan sa isyu lalo na at mayroong mga opsiyon na maaaring maresolba ang problema sa mapayapa at legal na pamamaraan. Pinakamaina­m na landas ang pag-usap ng dalawang bansa upang makaha­nap ng solusyon na kapaki-pakinabang.

At malaking tagumpay din sa kampanya laban sa kriminalidad at pagkakaloob ng hustisya ang pagkakahuli sa bansa ng tinaguriang most wanted man sa Australia na si Brett Ronald Maston.

Binabati natin si BI Acting Commissioner Abdullah Ma­ngotara matapos madakip si Maston sa tulong ng pinagsamang operatiba ng ahensiya sa ilalim ng fugitive search unit (FSU) at Southern Police District base sa warrant of deportation na inilabas ni BI Commissioner Ricardo David Jr. Instrumental ang pamahalaan sa hakbang na litisin at papanagutin si Maston sa kanyang naging mga krimen sa Australia.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: