Friday, April 27, 2012




Malinaw ang pulso!
Rey Marfil






May panibagong tinik sa korona ni Supreme Court Chief Justice Renato Corona kaugnay sa isa pang survey na isinagawa ng Social Weather Station (SWS) kung saan lumilitaw na halos mayorya ng mga Pinoy ang pabor na gumamit ng pu
wersa para maalis siya sa puwesto sakaling iabsuwelto ng Se­nate Impeachment Court.
Sa Mayo 7, nakatakdang magpatuloy ang paglilitis ng Senado kay Corona na nais patalsikin sa puwesto ng mga kongresista dahil sa alegasyon na hindi ito naging tapat sa pagsusumite ng kanyang Statement of Assets, Liabilities and Networth (SLAN); at pagkampi sa mga kaso laban kay da­ting Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na kamuntikang nakatalilis palabas ng Pilipinas.

Ang naturang mga alegasyon ay mariing pinabulaanan ng punong mahistrado. Gayunman, hanggang ngayon’y wala pa ring malinaw na pahayag ang kampo ng punong ma­histrado kung isasalang ito sa witness stand para personal na sagutin ang mga bintang laban sa kanya.

Sa survey na ginawa ng SWS noong Marso 10 hanggang 13, lumitaw na 46% ng mga tinanong ang pabor na magkaroon ng people power para mapatalsik si Corona; 26% lang ang tutol at 25% ang hindi pa makapagdesisyon.

Pinakamarami sa pabor na magka-people power, ito’y nagmula sa Mindanao (56%), sumunod ang National Capitol Region (48%), balance Luzon (44%) at Visayas (36%). Ibig sabihin, halos buong rehiyon ang kontra sa pananatili ni Corona.

***

Napag-usapan ang survey, maliban sa malaking bilang ang nais na mawala sa puwesto si Corona, umabot din sa 63% ng mga tinanong ang naniniwalang may mga tagong kayamanan ang punong mahistrado. Kabilang sa mga alegasyon sa kanya ng prosekusyon ang pagkakaroon ng mga mamahaling condo unit na hindi isinama sa listahan ng kanyang ari-arian sa SALN.

May mga hinala rin na ipinangalan ni Corona sa kanyang mga anak ang ilang nabiling bahay at lote gaya ng nasa Amerika. Bagay na itinanggi rin ng punong mahistrado, sabay paggiit na may magandang trabaho ang kanyang anak at kayang bumili ng kanilang ari-arian.

Sa naturang survey ng SWS, 77% ng mga nakatira sa NCR ang nagpahayag ng paniniwala na may hidden wealth si Corona; 63% mula naman sa balance Luzon; 55% sa Visayas; at 61% sa Mindanao. Ibig sabihin, kahit rugby boys sa buong Pilipinas, ito’y naniniwalang may itinatagong yaman si Corona at naiintindihan ang itinatakbo ng impeachment trial.

Hindi lang ‘yan, umabot sa 58% ng mga tinanong ang naniniwala na sinadya ni Corona na tulungan ang mag-asawang ex-President Gloria Macapagal-Arroyo at dating First Gentleman Mike Arroyo, na makalabas ng bansa para makaiwas sa mga kasong isasampa ng pamahalaang Aquino, as in mayorya ng mga Pinoy ang naniniwalang may sabwatang naganap.

Naniniwala rin ang 57% ng mga respondents na tumanggap ng “special favor” si Corona gaya ng mga diskuwento para makakuha ng mga mamahaling condo unit at biyahe sa eroplano ito nama’y nababasa at nasusulat sa mga peryodiko bago pa man nagsimula ang trial.

Hindi ito ang unang survey na nagpapakita ng negatibong pagtingin kay Corona. Katunayan, sa magkahiwalay na survey ng SWS at Pulse Asia, lumitaw na hindi lang sumadsad, kundi bumulok na ang pagtitiwala ng publiko sa punong mahistrado.

Paliwanag ng mga kaalyado ng administrasyon, ang resulta ng mga survey ay hindi lamang pagpapakita na ayaw na nila kay Corona, kundi indikasyon din na hangad ng mga tao na magkaroon ng reporma at pagbabago sa pamunuan ng pinakamataas na hukuman sa bansa.

Anuman ang maging desisyon ng Senado sa kaso ni Corona, nawa’y magkaroon ng katuparan ang hangarin ng taong-bayan na tahakin din ng Korte Suprema ang tuwid na daan ng kasalukuyang administrasyong Aquino. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”.
(mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: