Monday, April 16, 2012
Madaming bago!
REY MARFIL
Mar 21, 2012
Hindi matatawaran ang paninindigan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na isulong ang modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) lalo pa’t kaliwa’t kanan ang kalamidad at pagpaparamdam ng mga kalapit-bansang umaangkin sa teritoryo ng bansa.
Bibili ang gobyerno ng mga gamit ayon sa makabagong teknolohiya para magawa ng militar ang trabaho nitong protektahan ang mga Filipino.
Sa katunayan, nakuha ng pamahalaan ang apat (4) na W-3A Sokol Combat Utility Helicopters, sa pamamagitan ng inisyatibo ng administrasyong Aquino para mapabilis ang implementasyon ng AFP Modernization Program.
Umabot sa P28 bilyon ang nabili ng pamahalaan para sa makabagong kagamitan ng militar sa nakalipas na labing-walong (18) buwan o sapul nang maupo sa kapangyarihan si PNoy kumpara sa P33 bilyong nailaan ng mga nakaraang administrasyon o nakalipas na 15-taon.
Dagdag ang apat na bagong combat helicopters sa maipagmamalaki ng Philippine Air Force (PAF) na kanilang magagamit sa search at rescue, medical evacuation at combat utility missions.
Bahagi ng P2.8 bilyong kontrata ng AFP at PZL-SWIDNIK ang pagdating sa bansa ng apat na bagong combat helicopter.
Napag-usapan ang modernisasyon, suportado ng oposisyon ang panukala ng Movement 188 o grupo ng pro-impeachment solon, sa pangunguna ni Eastern Samar Rep. Ben Evardone na palakasin ng Department of Budget and Management (DBM) ang seguridad ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa pamamagitan ng pagbili ng bulletproof at bombproof na sasakyan sa gitna ng tumitinding pandaigdigang banta ng terorismo.
Tama lamang sa DBM na maglaan ng pondo para bumili ng espesyal na mga kotse upang palitan ang binahang sasakyan kaya napilitan ang Punong Ehekutibo na gamitin ang personal nitong kotse sa kanyang pang-araw-araw na trabaho.
Sa katunayan, ipinanukala pa ng oposisyon sa pangunguna ni House Minority Leader at Quezon Rep. Danilo Suarez na bumili ang pamahalaan ng bagong jet upang tiyakin ang kaligtasan ni PNoy sa mga paglalakbay nito sa himpapawid.
Talaga namang non-negotiable ang kaligtasan ng Pangulo at reasonable na bumili ng sasakyan para matiyak ang kanyang seguridad at mabigyan ng dignidad ang posisyon nito.
Sa usapin ng pambansang seguridad lalung-lalo na sa Pangulo, hindi dapat pinag-uusapan ang presyo o magagastos.
***
Asahang sisipa pa ang ekonomiya matapos makapagtala ang local stocks ng bagong pinakamataas nitong record nang magtapos ng mas mataas sa psychological 5,000-point level ng nakaraang Biyernes, pinakamalinaw na indikasyon ng pagpapakita ng mataas na kumpiyansa ng mga mamumuhunan sa ekonomiya ang magandang lagay ng stock market.
Umangat ang pangunahing Philippine Stock Exchange index (PSEi) ng 1.57 porsyento o 77.69 points nang magsara ito sa all-time high na 5,016.30.
Hindi lang ‘yan, asahan ding bubuti ang sistemang transportasyon, base sa kautusan ni PNoy sa Department of Transportation and Communications (DOTC) na bilisan ang pagtatayo ng konektadong mass transport network para mapabilis ang pag-unlad ng bansa.
Isang hakbang ang paglagda nitong nakalipas na Pebrero 21 ni PNoy ng Executive Order (EO) No. 67 para malikha ang integrated at multimodal transport system sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP) bilang bahagi ng pangunahing programa ng pamahalaan sa pagpapayaman ng mga imprastraktura upang makamit ang magandang layunin.
Upang isulong ang pag-unlad ng ekonomiya, lubhang mahalaga ang pagkakaroon ng organisadong mass transportation system katulad ng mga bus at railways system.
Sa ilalim ng EO 67, kasama sa proyektong tatawagin bilang Integrated Transport System (ITS) ang pagtatayo ng dalawang konektadong transport terminals na mayroong pandaigdigang pamantayan sa hilaga at timog na bahagi ng Metro Manila.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment