Monday, April 16, 2012


Lalo pang lumakas!
REY MARFIL
Mar 23, 2012
Asahang bubuti ang sistemang transportasyon sa bansa, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa Department of Transportation and Communications (DOTC) na bilisan ang pagtatayo ng konektadong mass transport network para mapabilis ang pag-unlad ng bansa.

Isang hakbang ang paglagda ni PNoy sa Executive Order (EO) No. 67 para malikha ang integrated at multimodal transport system sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP) bilang bahagi ng pangunahing programa ng pamahalaan sa pagpapayaman ng mga imprastraktura upang makamit ang magandang layunin.

Upang isulong ang pag-unlad ng ekonomiya, lubhang mahalaga ang pagkakaroon ng organisadong mass transportation system katulad ng mga bus at railways system.

Nasa mandato ngayon ng DOTC ang paglikha sa pa­ngunahing polisiya, plano, programa, koordinasyon, implementasyon, regulasyon at administratibong bagay sa promosyon, pagpapaunlad at regulasyon ng maaasahan at mayroong koordinasyong sistema ng transportasyon para sa mas mabilis, ligtas, at maaasahang serbisyo ng transportasyon.

Sa ilalim ng EO 67, kasama sa proyektong tatawagin bilang Integrated Transport System (ITS) ang pagtatayo ng dalawang (2) konektadong transport terminals na mayroong pandaigdigang pamantayan sa hilaga at timog na bahagi ng Metro Manila.

Hindi lang ‘yan, patuloy na lumalakas ang kumpiyansa ng mga mamumuhunan sa bansa dahil sa positibong u­lat sa pagsulong ng ekonomiya ng bansa at inaasahan ang ganitong pang-matagalang takbo para sa kapakinabangan ng maraming mga tao.

Inaasahan ito dahil sa matuwid na daan at malinis na kampanya kontra sa malinis na pamamahala ni PNoy. Kamakailan, umangat ang estado ng economic freedom ng Pilipinas base sa ranking ng Heritage Foundation at pagtaas ng lokal na stock ng bansa na umabot sa makasaysayang 5,000-point.

Umangat ng walong (8) ranggo ang Pilipinas upang maging 107th mula sa 115th posisyon noong 2011 at nakakuha ng Economic Freedom Score (EFS) na 57.1 ngayong taon base sa 2012 Index of Economic Freedom (IEF) na i­nilabas ng Heritage Foundation.

Inihayag ng Moody’s Investor Service ang ulat na nagpahayag ng tiwala sa patuloy na pagbaba ng utang ng Pilipinas na indikasyon ng tumataas na level ng kakayahan ng bansa sa usaping pinansiyal.

Pinatutunayan din ng ulat ng Moody’s ang epektibong kampanya ng administrasyon sa matalino at tamang paggugol ng pampublikong pondo at pangangasiwa sa mga pagkakautang ng bansa. Nakita rin ng Moody’s ang pagtaas ng 10 porsyento sa koleksyon ng buwis sa kabila ng kawalan ng bagong batas sa pagbubuwis upang pataasin ang koleksyon.

***

Napag-usapan ang aksyon, kahanga-hanga ang mabilis na pagkilos ni PNoy sa agarang pagpapatawag ng imbestigasyon at pagkaaresto sa mga suspek kaugnay sa pamama­ril kay Daily Tribune reporter Fernan Angeles.

Ipinapakita ng pamahalaan ang malaking malasakit nito at pagkaalarma sa nagaganap na karahasan laban sa mga kasapi ng media. At hindi rin lingid sa iba’t ibang media organization na mas maraming kaso ng karahasan ang walang kinalaman sa trabaho bagkus away-kapitbahay o kaya’y lihis sa gawain ng isang media.

Sa kabuuan, ang mahalaga’y ginawa ngayon ng gob­yerno ang lahat ng makakaya nito para tiyakin ang seguridad ni Angeles at pamilya nito. Hindi lingid sa kaalaman ng MalacaƱang Press Corps (MPC), maging sa maybahay ni Fernan ang ginawang aksyon at tulong ni PNoy -- ito’y hindi kailangan pang ipangalandakan. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: