Monday, April 16, 2012
Matunog ang pulso!
REY MARFIL
April 2, 2012
Kinumpirma lamang ng pinakabagong resulta ng Social Weather Stations (SWS) ang malakas na suporta ng publiko sa hakbang na patalsikin si Supreme Court (SC) Chief Justice Renato Corona sa tanggapan nito.
Nawa’y magsilbing gabay ang resulta ng SWS survey para lahat ng mga nagtitika ngayong Semana Santa at maaaring magsilbing daan sa posibleng resulta ng impeachment trial -- ito’y sapat para alisin ang anumang alinlangan sa pagiging tama at parehas ng reklamong pagpapatalsik.
Ipinakita ng SWS survey na 53% o mahigit sa kalahati ng populasyon ang nasisiyahan sa desisyon ng mga mambabatas na patalsikin si Corona at 73% ang gustong magkaroon ng hatol na “guilty” sa pinakamataas na mahistrado.
Dahil maraming Filipino ang umaasa ng conviction, dapat na talagang tumestigo si Corona sa paglilitis dahil nangangahulugan lamang ng mas matinding alinlangan sa kanya kung hindi haharap lalo’t 73% ng respondents sa SWS survey ang nananawagan sa kanya na personal na lumahok sa paglilitis.
Dapat lamang tumugon si Corona sa panawagan ng publiko na ibunyag ang lahat ng kanyang itinatagong kayamanan sa pamamagitan ng pagtungo sa witness stand.
Huling pagkakataon na ni Corona ang humarap upang ipaliwanag ang malaking misteryo ng kanyang mga kasamaan at napapanahon din na magbitiw siya sa tungkulin upang mapanatili ang respeto sa kanyang sarili at maibalik ang nadungisang tiwala ng publiko sa Hudikatura.
Katulad ng Pulse Asia survey na nagsasabing 47% ang nais na mawala si Corona sa posisyon, kaisa ang resulta ng SWS survey sa determinasyon ng Kamara de Representantes na alisin ang Punong Mahistrado dahil sa reklamo ng paglabag sa Konstitusyon, katiwalian at pagkakanulo sa tiwala ng publiko.
Mahirap talagang lituhin ang publiko at walang anumang antas ng panlilinlang o pagpigil na magagawa para sagutin ang tunay na katanungan na karapat-dapat pa bang maging Punong Mahistrado si Renato Corona? Mayroon pa bang tiwala ang publiko sa kanya?
Sumagot na ang publiko at malakas na “hindi” ang kanilang naging tugon base sa resulta ng iba’t ibang surveys.
Bukod sa SWS at Pulse Asia surveys, naghayag na rin ng damdamin ang iba’t ibang unibersidad sa kani-kanilang isinagawang surveys kung saan sinabi ng mayorya na hindi na karapat-dapat na manatili sa kanyang tungkulin si Corona.
***
Napag-usapan ang survey, public service is a public trust -- iyan ang sagradong paalala sa lahat ng mga nagsisilbi sa gobyerno lalo na ang mga namumuno sa ating bansa.
Mahalagang taglay nila ang tiwala ng mga tao dahil ang kapangyarihan nila ay nakadepende rin naman sa suporta ng mga mamamayan.
Kahit pa sa kaso ni Corona, na hindi naman inihalal ngunit itinalaga lamang ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, marapat pa rin na pinagkakatiwalaan siya ng mga mamamayan.
Ang posisyong hawak ni Corona ay panlima sa pinakamataas na posisyon sa pamahalaan -- kasunod ng Pangulo, Bise Presidente, Senate President at Speaker. Huwag naman sanang mangyari, pero sakaling magkakasama sa isang eroplanong bumagsak ang unang apat (4) na pangunahing lider ng gobyerno, sa ilalim ng Saligang Batas tungkol sa pila ng hahalili sa MalacaƱang -- ang Chief Justice ang magiging lider ng bansa.
Ngunit sa usapin ng impeachment trial na kinakaharap ni Corona, at mga naglalabasang alegasyon na hindi ito nagdeklara ng tamang ari-arian niya sa kanyang hindi isinasapublikong Statement of Assets, Liabilities and Networth, dumarami o kundi man ay mas marami ang wala nang tiwala sa Punong Mahistrado.
At kung susundin ang nauna pang survey na ginawa ng Pulse Asia nitong February 26-March 9, lumilitaw na anim (6) sa bawat 10 Pinoy ang ayaw na kay Corona. Sa naturang survey, 14% lamang ang pabor sa ginagawa niya at 58 percent ang hindi at 26% ang walang desisyon.
Sa survey ng Pulse Asia na halos kapareho ng SWS, lumilitaw din na 47% na mga Pinoy ang naniniwalang guilty siya sa ibinibintang sa kanya ng prosekusyon sa paglilitis sa impeachment trial.
Sa naturang bilang, 15% ang nakatitiyak na guilty siya at 33% ang nagsabing posibleng guilty ang opisyal.
Lubhang mataas ito kumpara sa limang porsyento na naniniwalang hindi siya guilty, at ang natitira ay wala pang nagiging desisyon.
Maging sa survey na ginawa naman ng Student Council Alliance of the Philippines (SCAP), lumitaw na majority sa mga tinanong na mag-aaral ay nagpahayag na wala na rin silang tiwala kay Corona.
Ang survey ay ginawa sa Ateneo de Manila University (ADMU), De La Salle University (DLSU), Ateneo de Davao University (ADDU), University of the East (UE) Manila at Tarlac State University (TSU).
Sa naturang survey, ang mga nagsabing wala na silang tiwala kay Corona ay 41 percent ng mga estudyante sa ADMU; 69.3 percent sa DLSU; 77 percent sa UE; 75.4 percent sa TSU; at 78.3 percent sa ADDU.
Sa ibang bansa na pinapahalagahan ang pananaw ng mga mamamayan at binibigyang pahalaga rin ang dignidad ng mga opisyal, ang pagbibitiw sa puwesto ang mabisang paraan upang makabawi at maibalik ang dangal ng isang opisyal na hindi na pinagkakatiwalaan.
Simple lang ang lohika kapag nawala na ang tiwala ng bayan -- anuman ang magiging desisyon ng Punong Mahistrado sa mga kasong dedesisyunan nito sa Korte Suprema’y paghihinalaan na ng mamamayan.
Bukod rito, mawawalan na rin siya ng morale ascendancy na manawagan sa mga tao o kahit ang mga nagtapos ng abogasya na gumawa ng mabuti kung hindi naman na siya pinapaniwalaan ng tao.
Nasa kamay ni CJ Corona ang desisyon kung nais niyang patunayan sa publiko na hindi siya “kapit-tuko” sa puwesto at hindi niya hiningi ang pinakamataas na puwesto ng SC para protektahan si Mrs. Gloria Arroyo sa mga kasong isasampa ng kasalukuyang administrasyon.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment