Monday, April 16, 2012


Daang malinis!
REY MARFIL
APR 4, 2012
Isang matibay na positibong resulta ng malinis na pamamahala tungo sa matuwid na daan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang pahayag ng pagkilala ni Switzerland Ambassador to the Philippines Ivo Sieber sa maganda at umiiging oportunidad ng paglalagak ng negosyo sa bansa.

Sa paglulunsad ng mga aktibidad sa paggunita ng ika-150 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyon ng Switzerland at Pilipinas, sinabi ni Sieber na malakas at kahali-halina ang ang pagnenegosyo sa bansa.

Kinukumpirma lamang ng pinakamataas na diplomat ng Switzerland sa bansa ang mas “transparent” na pamamahala ni PNoy na patuloy na ikinakampanya ang pagputol sa red tape at paglaban sa katiwalian para mapalakas ang negosyo sa Pilipinas.

Umasenso ang relasyon sa palitan ng kalakal at pamumuhunan sa Switzerland bilang isa sa 10 nangungunang negos­yo sa Pilipinas.

Nananatiling matibay na mamumuhunan sa bansa ang Switzerland na nagsimulang magnegosyo sa Pili­pinas mahigit isang siglo na ang nakakalipas. Kabilang ang mga kumpanyang Swiss na NestlĂ© at Holcim na nasa likod ng pagkakaloob ng libu-libong trabaho sa bansa.

Hindi lang ‘yan, asahang mas maraming trabaho para sa mga Pilipino na magpapasigla sa ekonomiya ng bansa dahil sa mas mabilis na implementasyon ng administrasyong Aquino sa walong proyekto sa ilalim ng public-private partnership (PPP) program.

Inatasan na ni PNoy ang kanyang Cabinet economic cluster upang agarang aprubahan ang mga proyektong PPP para masimulan na ang trabaho. Nakakuha na ng mala­king suporta ang PPP sa hanay ng mga mamumuhunan para ipatupad ang paggawa ng bagong mga gusali, kalsada, tulay at pali­paran.

Partikular dito ang rehabilitasyon at pagpapaganda ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na talaga namang masikip na para sa maraming mga eroplanong bumababa at umaalis.

Meron ding pag-aaral na isinasagawa sa paggawa ng nautical highway para bawasan ang oras ng paglalakbay mula Luzon patungong Mindanao o gawing 15-oras mula sa kasalukuyang tatlong araw.

Sakaling maisakatuparan, mas mabilis na makakarating sa Metro Manila ang mga produkto sa Katimugang bahagi ng bansa na makakabuti sa mga aning agrikultural ng Mindanao.

Noong nakalipas na taon, binigyan ng pamahalaan ng basbas ang P1.4 bilyon na apat na kilometrong Daang Hari-South Luzon Expressway (SLEX) na proyekto sa ilalim ng PPP projects.

Inilista at inihanda rin noong 2011 ng administrasyong Aquino ang 10 proyekto na nagkakahalaga ng P127.8 bil­yon sa ilalim din ng PPP.

***

Napag-usapan ang reporma, isang halimbawa ang suporta ni PNoy sa pagbasura sa voters list sa limang lalawigang sakop ng Autonomous Region in Muslim Mindana­o (ARMM) at palitan ng bago at malinis na listahan para sa kagalingan ng interes ng napabayaang mga tao sa rehiyon.

Suportahan natin ang Commission on Elections (COMELEC) upang agarang maresolba ang suliranin sa double re­gistration sa ARMM na kinabibilangan ng mga lalawigan ng Maguindanao, Lanao del Sur, Tawi-Tawi, Sulu at Basilan habang nalalapit ang 2013 midterm elections upang matiyak na maigagalang ang tunay na boses ng publiko.

Isang magandang balita ang paghahatid ng makatotohanang reporma sa ARMM upang maalis na rin ang lumang problema sa double at multiple entries sa voters list.

Sumama tayong lahat sa paghahanap ng solusyon para matigil na ang flying voters, multiple votes, ghost voters, etc.

At dapat din tayong magpasalamat sa malakas na politi­cal will ni PNoy sa maigting nitong kampanya sa pamama­gitan ng Philippine National Police (PNP) na buwagin ang mga pribadong armadong grupo sa buong bansa, kabilang ang mga nasa ARMM.

Walang puwang sa modernong demokratikong lipunan ang mga armadong pribadong grupo na nagsisilbi ring mala­king panganib sa umiiral na prinsipyo ng kalayaan, demokras­ya at mga batas.

Hindi natin dapat payagan ang warlords at goons na lapastanganin ang buhay ng mara­ming mga Pilipino na ginagamit para magkaroon ng poder sa kapangyarihan.

Matitiyak din ng determinadong aksiyon ni Pangulong Aquino laban sa pagsugpo ng mga pribadong grupo ang mapayapa, ligtas at maayos na halalan.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: