Monday, April 16, 2012


Buhay ang negosyo!
REY MAFIL
APRIL 9, 2012
Isang matibay na positibong resulta ng malinis na pamamahala tungo sa matuwid na daan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino III ang pagkilala ni Switzerland Ambassador to the Philippines Ivo Sieber sa maganda at umiiging oportunidad ng paglalagak ng negosyo sa bansa.

Sa paglulunsad ng mga aktibidad sa paggunita ng ika-150 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyon ng Switzerland at Pilipinas, sinabi ni Sieber na malakas at kahali-halina ang pagnenegosyo sa bansa.

Kinukumpirma lamang ng pinakamataas na diplomat ng Switzerland ang mas “transparent” na pamamahala ni PNoy na patuloy na ikinakampanya ang pagputol sa red tape at pag­laban sa katiwalian para mapalakas ang negosyo sa Pilipinas.

Kabilang sa mga kompanyang Swiss ang Nestlé at Holcim na nasa likod ng pagkakaloob ng libu-libong trabaho sa bansa.

Umasenso ang relasyon sa palitan ng kalakal at pamumuhunan sa Switzerland bilang isa sa sampung (10) nangu­ngunang negosyo sa Pilipinas. Ibig sabihin, nananatiling matibay na mamumuhunan sa bansa ang Switzerland na nagsimulang magnegosyo sa Pilipinas, mahigit isang siglo na ang nakakalipas.

Hindi lang, asahang mas maraming trabaho para sa mga Filipino na magpapasigla sa ekonomiya ng bansa dahil sa mas mabilis na implementasyon ng administrasyong Aquino sa walong (8) proyekto sa ilalim ng public-private partnership (PPP) program.

Inatasan ni PNoy ang kanyang Cabinet economic cluster upang agarang aprubahan ang mga proyektong PPP para masimulan na ang trabaho. Nakakuha ng malaking suporta ang PPP sa hanay ng mga mamumuhunan para ipatupad ang paggawa ng bagong mga gusali, kalsada, tulay at paliparan.

Partikular dito ang rehabilitasyon at pagpapaganda ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na talaga namang masikip na para sa maraming mga eroplanong bu­mababa at umaalis.

Meron ding pag-aaral na isinasagawa sa paggawa ng nautical highway para bawasan ang oras ng paglalakbay mula Luzon patungong Mindanao o gawing 15 oras mula sa kasalukuyang tatlong (3) araw.

Sakaling maisakatuparan, mas mabilis na makakarating sa Metro Manila ang mga produkto sa Katimugang bahagi ng bansa na makakabuti sa mga aning agrikultural ng Mindanao.

Noong nakalipas na taon, binigyan ng pamahalaan ng basbas ang P1.4 bilyon na apat na kilometrong Daang Hari-South Luzon Expressway (SLEX) na proyekto sa ilalim ng PPP projects.

At inihanda rin noong 2011 ng administrasyon ang sampung (10) proyektong nagkakahalaga ng 127.8 bil­yon sa ilalim din ng PPP.

***

Napag-usapan ang good news, tunay na reporma ang maibibigay ng suporta ni PNoy sa pagbasura sa voter’s list sa limang (5) lalawigang sakop ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) at palitan ng bago at mali­nis na listahan para sa kagalingan ng interes ng mga napaba­yaang rehiyon.

Suportahan natin ang Commission on Elections (Comelec) sa agarang pagresolba sa double registration sa ARMM na kinabibilangan ng Maguindanao, Lanao del Sur, Tawi-Tawi, Sulu at Basilan ngayong nalalapit ang 2013 midterm elections -- ito’y upang matiyak na maigagalang ang tunay na boses ng publiko.

Magandang balita ang paghahatid ng makatotohanang reporma sa ARMM upang maalis na rin ang lumang problema sa double at multiple entries sa voter’s list.

Sumama tayong lahat sa paghahanap ng solusyon para matigil na ang flying voters, multiple votes, ghost voters, at iba pang nagsusulputang multo tuwing eleksyon.

Hindi lang ‘yan, dapat ipagpasalamat ang malakas na political will ni PNoy kaugnay sa maigting nitong kampanya na buwagin ang mga pribadong armadong grupo sa buong bansa, kabilang ang mga nasa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Walang puwang sa modernong demokratikong lipunun ang mga armadong pribadong grupo na nagsisilbi ring ma­laking panganib sa umiiral na prinsipyo ng kalayaan, demokrasya at mga batas.

Hindi natin dapat payagan ang warlords at goons na lapastanganin ang buhay ng maraming mga Filipino na ginagamit para magkaroon ng poder sa kapangyarihan.

Matitiyak din ng determinadong aksyon ni PNoy laban sa pagsugpo ng mga pri­badong grupo ang mapayapa, ligtas at maa­yos na halalan.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: