Monday, April 16, 2012
Sumablay?
REY MARFIL
Mar 19, 2012
Nagpresinta na ng testigo ang kampo ni Chief Justice Renato Coronado-Corona para kumbinsihin ang mga senator-judges na hindi siya dapat sipain sa Korte Suprema ngunit puna ng ilang tagamasid, tila mas lalong nadiin ang Punong Mahistrado sa kanilang ginawa.
Kabilang sa testigong isinalang ng depensa sa Impeachment Court -- si Mang Demetrio Coronado Vicente na lumilitaw na kamag-anak ni Corona. Ang depensa, binili ang 1,700 square meters na loteng pag-aari ng Punong Mahistrado sa Marikina sa halagang mahigit kalahating milyon lamang noong 1990.
Ngunit ang tila mahirap paniwalaa’y kung bakit pagkaraan ng 20 taon mula nang mabili ni Mang Demetrio ang lote, hanggang ngayo’y nakapangalan pa rin ang titulo nito sa misis ni Corona na si Cristina.
Kahit sabihin pa na may deed of sale ang lote at nakapangalan kay Mang Demetrio, ang higit pa ring pagbabatayan ay ang titulo nito. Dagdag pa diyan ang kinukuwestiyong lugar ng pagkakanotaryo ng naturang deed of sale.
Isa pang testigo ng kampo ng depensa ang kinilatis ng prosekusyon -- si Araceli Bayuga, na chief disbarment officer ng SC. Sa kanyang testimonya, lumitaw na kumita si Corona ng P21 milyon sa nakalipas na 10 taon nito sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno na kanyang pinaglilingkuran.
Maraming sumusubaybay sa impeachment trial ang natuto at nagkaroon ng kaalaman kung gaano kadami ang tinatanggap na benepisyo at allowance ng mga opisyal sa gobyerno -- gaya ng mga mahistrado ng SC, lalo na ang Punong Mahistrado.
Ngunit gaya ng testimonya ni Mang Demetrio, lumikha rin ng dagdag na katanungan ang testimonya ni Bayuga -- ibinubulsa ba ni Corona ang kanyang mga benepisyo at allowance na dapat ginagastos niya at nili-liquidate?
Meron kasing benepisyo ang mga opisyal gaya ng RATA (representation at transportation allowance) na kailangang gastusin at i-liquidate, katulad ang pagpapakita ng resibo na katibayan na ginamit ang allowance. Kung isinama nga naman ang naturang mga allowance, mukhang nadagdagan ang dapat ipaliwanag ni Corona sa korte at sa publiko.
Bukod pa diyan, kahit pa mapatunayan at mapagtibay na malaki nga talaga ang kinikita ng Punong Mahistrado at kaya niyang bumili ng mga mamahaling bahay at condo, may katanungan pa rin na kailangan sagutin si Corona -- bakit wala ang mga ito sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Networth.
***
Napag-usapan ang SALN, maging si Sen. Ping Lacson napuna ang “nawawalang” P5 milyon sa kabuuang halaga ng ari-arian ni Corona na isinasaad sa SALN nito. Bagay na pag-uukulan daw ng pansin ng depensa kapag nagpresenta pa sila ng katibayan.
Ang usaping ito ang pinakasentro ng isa sa tatlong Articles of Impeachment na pagbobotohan ng mga senator-judge. Nagsumite ba ng tama at makatotohanang SALN si Corona o hindi?
Dahil sa naging testimonya ni Mang Demetrio, kinakailangan ng depensa na iharap si Mrs. Corona upang suportahan ang testimonya ng una. Pero sa huli, kailangan pa ring isalang ang mismong Punong Mahistrado, upang ipaliwanag ang laman ng kanyang SALN, na siya mismo ang dapat magpaliwanag.
Wala pa tayo sa article tungkol sa pagkiling umano ni Corona kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, na muntik nang makalabas ng bansa noong Nobyembre dahil sa ipinalabas na TRO ng SC sa travel ban na ipinataw naman ng Justice department sa dating lider ng bansa.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment