Tuesday, April 17, 2012


Nasaan silang maiingay?
REY MARFIL
April 16, 2012

Muling sinusubok ng bansang China ang kakayahan nating mga Filipino na ipagtanggol ang karapatan ng Pilipinas sa inaangkin nating teritorya sa bahagi ng pinag-aagawang Scarborough (Panatag) Shoal.

Matibay ang paninindigan ng pamahalaang Aquino na sakop ng ating bansa ang Panatag Shoal dahil ito ay may layo lamang 124 nautical miles mula sa pinakamalapit na base point sa lalawigan ng Zambales.

Pasok ito sa 200 nautical miles Exclusive Economic Zone ng Pilipinas at Continental Shelf, ayon na rin sa Department of Foreign Affairs.

Nakaraang linggo, tinatayang walong malalaking bangkang pangisda ng China ang nakita ng ating mga Philippine Navy surveillance plane na nakaangkla sa Panatag Shoal. Dahil dito, pinadala sa lugar ang barko ng ating navy na BRP Gregorio del Pilar para magsiyasat.

Tatlong bangka na lamang ng China ang inabutan. Bilang bahagi ng proseso, umakyat sa nabanggit na mga bangka ang mga tauhan ng navy at sinuri ang laman nito. Dito’y nakita ang tone-toneladang giant clam shells o taklobo na nanganganib nang maubos.

Bukod pa riyan, nakita rin sa mga bangka ang iba pang uri ng mga isda gaya ng mga buhay na pating, mga coral at iba pang uri ng yaman-dagat na dapat sana’y iniingatan at hinahayaang mabuhay sa karagatan.

Hindi nga natuloy ang pagkumpiska sa mga yaman-dagat na kinuha ng mga mangingisdang Tsino, at hindi rin naipatupad ang pag-aresto sa kanila dahil sa “pagsaklolo” sa kanila ng dalawang Chinese maritime surveillance ship.

Hinarang ng dalawang barkong ito ang ating BRP Gregorio de Pilar, na siyang dahilan para magkaroon ng stand-off sa Panatag Shoal. Ang latest development, nagbawas ng barko ang China.

***

Napag-usapan ang stand-off, malinaw ang direktiba ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino, na resolbahin ang problemang ito sa “payapang” paraan. Bagaman masasabing higit na nakalalamang ang China sa aspetong militar, nakahanda ang ating gobyerno na ipaglaban ang ating karapatan at protektahan ang ating teritoryo bilang malayang bansa.

Ngunit sa giriang ito, hindi lamang isyu ng teritoryo ang nakasalalay. Sa natuklasang malaking bulto ng mga yamang-dagat na nasa bangkang pangisda ng China, kasama na rin dito ang usapin ng pangalalaga sa kalikasan.

Dapat tandaan na walong malalaking bangkang pangisda ang unang nakita sa Panatag Shoal pero tatlo na lamang ang inabutan. Anong malay natin kung ano at gaano karami rin ng mga higanteng taklobo at mga coral at isda ang natangay nila mula sa karagatan na sakop ng ating bansa

Habang tayong mga Pilipino’y nagpapakahirap na paramihin ang mga higanteng taklobo para hindi sila tuluyang mawala sa mundo, nakakalungkot isipin na walang habas na kinukuha ng mga mangingisdang Tsino’y ang laman-dagat sa karagatang hindi naman nila saklaw.

Ngunit ang ipinagtataka ni Mang Romy, bakit walang mga environmentalist group at maging ang mga militanteng mahilig mag-ingay sa kalye ang nagpoprotesta sa kalsada o kahit sa embahada ng Tsina para punahin at batikusin ang hindi lang panghihimasok sa ating teritoryo, kundi maging ang panggagahasa sa ating yaman-dagat?

Ngayo’y hindi na kailangan ng pamahalaang Aquino ang humingi ng suporta sa mga Pilipino na ipaglaban ang ating teritoryo bilang malayang bansa, at ipaglaban ang ating kampanya sa pangangalaga ng kalikasan.

Katulad ni Mang Romy, ang malaking katanungan din ng mga kurimaw: nasaan ang grupong nagpa-planking sa Mendiola at nakikipagpantintero sa mga pulis sa embahada ng Amerika?

Isang malaking kalokohan kung ang isyung ito’y gagamitin ng mga kritiko laban sa ating gobyerno samantalang mananahimik sila sa ginagawa ng mga Tsino.

Hindi masama na paminsan-minsa’y buhayin natin ang pagmamahal sa ating Inang Bayan at Inang Kalikasan, maliban kung kinalimutan ang mga aral ni Gat Jose Rizal at kasing-amoy na ngayon ng lamang-dagat ang karamihan?

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: