Monday, April 23, 2012
Pangaral ni Midas!
REY MARFIL
Sa kabila ng pagiging bakasyon ng Impeachment Court at pahinga ang paglilitis kay Chief Justice Renato Corona, sumundot ng tirada ang tagapagsalita ng Korte Suprema laban sa administrasyon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino.
Nagpahaging ng paninisi si SC spokesperson Midas Marquez na ang MalacaƱang ang rason kung kaya’t may mga pagkakataon na hindi na sinusunod ang mga kautusan ng korte tulad ng pagpapataw ng temporary restraining order o TRO.
Ginawa ni Marquez ang patutsada sa Palasyo habang nasa Baguio ang mga mahistrado ng SC at nagsasagawa ng media forum -- ito’y nangyari ilang araw matapos lumabas ang mga survey na nagpapakita ng subsob na trust rating ni Corona at mababang kumpiyansa ng publiko sa institusyon ng Korte Suprema.
Naglatag ng ilang halimbawa si Marquez ng umano’y mga insidente ng pagsuway sa utos ng korte gaya ng patuloy na pagputol ng puno sa Baguio City sa kabila ng TRO; ang ‘di pagkilala ng isang eskuwelahan sa Cebu sa utos ng korte na payagang makasama sa graduation rites ang isang babaeng estudyanteng nasangkot sa “bikini” photo issue; at ilan pa.
Sa mga pangaral o pagli-lecture ni Marquez, tila naging masamang halimbawa ang MalacaƱang nang hindi sundin ng Department of Justice ang ilang kautusan ng korte gaya ng TRO sa travel ban na ipinataw kina dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at sa pagsusuri sa sasakyan na nasangkot sa ambush ng isang opisyal ng NBI.
Ang tila nakalimutang suriin ni Marquez ang mga kontrobersiyang ibinabato sa pinuno ng institusyon na posibleng nagdudulot ng bahid sa kredibilidad ng hudikatura -- ang mismong namumuno sa kanila -- si CJ Corona -- ito’y “Nababasa at Nasusulat” sa reklamong isinampa sa Upper House!
***
Napag-usapan ang presscon ni Marquez, hanggang sa kasalukuyan (bagaman nakabakasyon ang impeachment trial) nakabitin pa rin at nanatili ang alegasyon ng prosekusyon sa punong mahistrado na nandaya ito sa isinumiteng listahan ng kanyang mga ari-arian sa Statement of Assets and Liabilities and Networth.
Patuloy ang katanungan sa isipan ng marami kung ginamit nga ba ni Corona ang kanyang mga anak na “dummy” sa mga biniling ari-arian gaya ng mamahaling condo?
Kung totoo ba na inilagay siya ni Mrs. Arroyo sa kanyang posisyon ngayon bilang pinuno ng SC para protektahan ang dating Pangulo sa mga inaasahang kaso na isasampa ng kasalukuyang administrasyon?
Ngunit bago pa man ang impeachment, may mga dapat nang ipaliwanag ang SC sa publiko tungkol sa mga desisyon na ilang ulit na nagpapalit-palit ng desisyon na may kinalaman sa labor dispute ng isang airline.
Ang pabagu-bagong desisyon ay natural na magbigay din ng hindi magandang impresyon sa isipan ng publiko kung patas nga ba ang mga mahistrado.
Gaya na lamang ng mabilis na desisyon ng SC nang magpalabas ng TRO sa travel ban na ipinataw ng DOJ laban kay Arroyo; na ilang oras lang matapos mailabas ang TRO ay kaagad na nagtungo sa airport ang dating Pangulo, kasama ang mister nitong si dating First Gentleman Mike Arroyo para lumipad palabas ng bansa.
Ang tanong: ganito ba kabilis ang SC sa pagpapalabas ng desisyon sa lahat ng petisyon na ipinaparating sa kanila?
Gaya na lamang ng pagkuwestiyon sa ipinalabas na kautusan noon ni Mrs. Arroyo na nagdedeklara ng martial law sa Maguindanao noong 2009.
Bagaman ang petisyon na kumukuwestiyon sa legalidad ng idineklarang martial law ni Mrs. Arroyo ay nangyari noong 2009, nakakatawang isiping naglabas lamang ng desisyon ang SC nitong Marso 2012 na nagbabasura rin sa petisyon dahil “moot” na ito dahil tumagal lamang ng ilang araw ang naturang batas militar.
Sa halip na maghanap ng sisisihin sa mababang kredibilidad ng SC at hindi pagsunod ng ilan sa kautusan ng korte, ang dapat gawin ni Marquez -- linawin sa publiko kung anong hakbang ang gagawin ng hudikatura o mga mahistrado para maibalik ang tiwala ng publiko sa institusyon.
Laging tandaan: “Bata n’yo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment