Tamang daan! | |
Hindi makatwirang sisihin si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa krisis ng kuryente sa Mindanao bagkus ang Electric Power Industry Reform Act of 2001 (EPIRA law). ake note: isinabatas ang pasaway na EPIRA noong 2001 bilang isa sa pangunahing mga panukalang batas na isinulong ng dating administrasyon -- si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo. Simple lamang naman ang mga layunin ng batas na may kinalaman sa pagpapababa ng singil sa kuryente at bawasan ang pagkakautang ng National Power Corporation (Napocor). Sa ilalim ng batas, ibinenta sa ilalim ng administrasyong Arroyo ang mga ari-arian ng NAPOCOR para nga bawasan ang pagkalugi nito at magkaroon ng murang kuryente. Noong ipasa ang EPIRA noong 2001, walang problema sa Mindanao dahil sobra-sobra ang suplay sa kuryente na ibinibigay ng Independent Power Producers (IPPs). Binabayaran ng konsyumer, maging ang mga kuryente ng IPPs kahit hindi naman nakokonsumo ng mga tao. Nakakalungkot lamang na ang batas na ipinasa ng pamahalaan ni Mrs. Arroyo’y nagresulta ngayon para tumaas pa ang singil sa kuryente at magkaroon ng kakapusan sa suplay nito. Malinaw na hindi nakamit ang mga mithiin ng batas na ipinasa ng dating administrasyong Arroyo na mapababa ang singil sa kuryente dahil nanganak pa ito ngayon ng problema. Ang masakit pa nga ngayon, lalong tumaas ang singil sa kuryente at lumobo ang pagkakautang ng Napocor. Dapat buong suporta ang ibigay ng publiko sa mga hakbang ng administrasyon ni Mrs. Aquino na resolbahin ang krisis sa kuryente dahil inaani lamang nito ngayon ang mga kapalpakan ng dating administrasyon. At tama rin si PNoy sa pagsasabing hindi ang bansa ang magsisimula ng digmaan sa China kaugnay sa pinag-aawayang mga isla kung saan nagkaroon ng naval standoff noong nakalipas na linggo. Dapat hangaan si PNoy sa hindi pag-abandona sa paghahabol ng bansa sa Scarborough Shoal sa pamamagitan ng pagpapatuloy ng mapayapang pakikipag-usap sa China para maresolba ang problema na nag-ugat sa ilegal na pagpasok at pangingisda ng mga mangingisdang Tsinoy sa teritoryo ng Pilipinas. Maganda rin ang paniniyak ni PNoy na hindi hakbang ang pagsasanay ng militar ng bansa at Estados Unidos (US) para sa taunang “war games” ng Balikatan Exercises sa lalawigan ng Palawan na malapit sa pinag-aagawang mga isla upang hamunin ang China na pumasok sa isang kaguluhan. Hindi dapat isipin ng China na inilalagay sila sa isang “imaginary line” bilang target ng pagsasanay ng 7,000 pinagsamang mga sundalo ng dalawang bansa. Maganda ring suportahan ang panukala ni Sen. Joker Arroyo na pakinabangan ng administrasyong Aquino ang lahat ng suportang maaaring makuha nito mula sa US at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) upang ilunsad ang “diplomatic offensive” sa panibagong insidente ng panggigipit ng China. *** Anyway, panibagong malaking tagumpay ni PNoy sa kampanya nitong matuwid na daan ang pahayag ni Agriculture Sec. Proceso Alcala na posibleng magluwas ng bigas ang Pilipinas sa ibang mga bansa sa Asya sa unang tatlong buwan ng 2013 kung walang tatamang kalamidad. Hindi naman talaga imposibleng hindi na mag-angkat ng bigas ang bansa mula sa mga kapitbahay sa Timog Silangang Asya sa pamamagitan ng pagdepende na lamang sa lokal na produksiyon ng palay. At dahil nga sa mabuting pamamahala at magandang suporta sa mga magsasaka, maaari pang magluwas ng bigas ang pamahalaan bunsod ng inaasahang masaganang pag-aani ng palay sa 2013. Dahil ito sa mga makabagong teknolohiya sa mga magsasaka, maayos na post-harvest na mga pasilidad, at progresibong sistema ng patubig. Isa pang good news, nagbunga rin ang daang matuwid ni PNoy, maging sa pagsugpo ng mga magnanakaw ng sasakyan matapos bumaba ng malaking 49.5% ang insidente ng carnapping sa buong bansa nitong Marso 2012. Kapuri-puri ang magandang ipinapakita ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa paglansag sa mga sindikato ng carjacking. Base sa ulat ni Chief Supt. Leonardo Espina, direktor ng PNP-HPG, nakapagtala lamang ng 53 insidente ng carnapping noong nakalipas na buwan na malayo kumpara sa nangyaring 105 kaso ng pagnanakaw ng sasakyan sa parehong panahon noong nakalipas na taon. Nag-ugat ang pagbaba sa kaso ng carnapping sa ipinatupad na anti-carnapping na inisyatibo katulad ng paglalatag ng checkpoints sa lahat ng mga kalsada patungong pier, pagpapalakas ng koordinasyon ng anti-carnapping units sa mga distrito sa Metro Manila, at operasyon ng HPG SMS Info Text na sumasailalim ngayon sa eksaminasyon. Laging tandaan: “Bata n’yo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com) | |
No comments:
Post a Comment