Monday, April 16, 2012
Mas mabuting handa!
REY MARFIL
APIL 13, 2012
Hindi biro ang pinsalang maaaring idulot ng bahagi ng rocket na paliliparin ng North Korea sa kalawakan na posibleng bumagsak sa teritoryo ng Pilipinas.
Kaya naman matindi ang paghahanda ng pamahalaang Aquino tungkol dito.
Sa pagtaya ng mga opisyal ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC, maaaring umabot sa kasing laki ng refrigerator ang bahagi ng rocket na puwedeng bumagsak sa dagat o maging sa lupa ng Pilipinas.
Hindi natin masisisi ang pamahalaan na mangamba sa kaligtasan ng mga tao dahil ang paliliparing rocket ng NoKor ay nakabase lang sa “trajectory” o inaasahang destinasyon nito sa langit. Papaano nga naman kung pumalpak ang rocket at ma-overshoot o kapusin at sa Pilipinas ito bumagsak?
Dapat tandaan na mayroon na ring rocket sa US ang sumablay ng lipad at sumabog sa ere. ‘Wag ding kalimutan ang pagbagsak noong 1979 ng “SkyLab” sa karagatang sakop ng Australia. Kaya nga “test” dahil hindi sigurado at ‘di pa nasusubukan o nahahanap ang mga kasagutan?
Mula noong Abril 12 hanggang 16, nagpapatupad ng no-fly o kailangang i-divert ang ruta ng ilang eroplano sa bahagi ng himpapawid na sakop ng Pilipinas na posibleng bumagsak ang mga bahagi ng rocket ng NoKor.
Bukod sa pag-divert ng mga eroplano, ipagbabawal din ang paglalayag ng mga barko at pangingisda sa bahagi ng karagatan na maaaring bagsakan ng rocket debris.
Isipin na lang natin kung magkatotoo ang pagtaya na kasing laki ng refrigerator ang bahagi ng rocket na bumagsak sa isang pampasaherong barko? Malamang na mabutas ang barko at magdudulot ito ng matinding pinsala sa mga pasahero.
***
Napag-usapan ang test fire, simula umaga ng Abril 12, dapat maging mapagmatyag ang mga Pinoy, partikular ang mga nakatira sa bahagi ng Luzon sa mga bagay na maaaring bumagsak mula sa kalangitan.
Sakaling may piraso nga ng rocket ang bumagsak sa Pilipinas, mantakin na lamang kung sa bubungan ito ng mga bahay tumama at papaano kung hindi lang isa kundi maraming piraso pa?
Sa kabila ng peligrong maaaring mangyari, may ilang kritiko na pumupuna sa paghahanda ng administrasyon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino -- nagiging alarmist daw at overreacting ang gobyerno.
Pero ang tanong -- papaano kung tama ang pinapangambahang peligro? Papaano kung may madisgrasya at mabagsakan ng bahagi ng rocket? Sino ang sisisihin, hindi naman ang mga kritiko o nag-aambisyong mag-senador kundi ang gobyerno ni PNoy.
At kung sakaling mali nga ang gobyerno at walang bumagsak na bahagi ng rocket? May nawala ba sa ating mga Pilipino? Tingin ko’y hindi naman makakabawas sa pride ng mga Pinoy at lalong hindi magkakasakit ang mga ito.
Kung tutuusin, mas gusto ni PNoy na mali ang kanilang pagtaya para walang madisgrasya o masaktan. Dahil sakaling tama sila at may bahagi nga ng rocket na maligaw sa Pilipinas, natural na hindi maiiwasan na magkaroon ng takot at peligro sa kaligtasan ng publiko.
Dapat tandaan ang iba pang pangamba ng ilang bansa na baka ang tunay na pakay ng rocket launch ng NoKor, ito’y hindi para magpalipat ng satellite, kundi sukatin lamang kung hanggang saan ang kayang abutin ng kanilang rocket para mapaghandaan nila ang posibleng paggamit ng nuke bomb.
Anuman ang motibo ng North Korea sa rocket launch, mas mabuting handa ang mga Pinoy sa anumang senaryo kesa nakatunganga at hinihintay na matulala kapag nabagsakan ng mga nagliliparang bakal ang mga ito!
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment