Tuesday, March 9, 2010

marso 9 2010 abante tonite

Umepekto ang rigodon!
Rey Marfil

Sa pinakahuling pre-election survey ng Pulse Asia, may petsang Pebrero 21 hanggang 25, nabawi ni Noynoy Aquino (36%) ang malaking kalamangan habang bumagsak si Manny Villar Jr. (29%) -- ito’y natapyasan ng 6% at napunta kay Erap Estrada (18%), maging si Gibo Teodoro (7%), isa pang nakinabang sa paghina ng mister ni Cynthia Villar dahil nadagdagan ng 2% kumpara sa 5% noong January survey.

Sabagay, kahit taong-grasa, hindi pa nakaranas maligo sa dagat ng basura at kahit mayaman, ito’y nakaranas mamatayan ng kapatid o kaya’y makatu­log sa silya lalo pa’t nalasing, sino aber ang maniniwala sa drama ni Villar? Ang masakit lamang na katotoha­nan, animo’y ‘na-maso’ si Bro. Eddie Villanueva dahil napako sa 2%, maging si Dick Gordon (1%), nag-aksaya lamang ng sangkate­rbang laway sa TV ads, aba’y hindi naging consistent sa 2% at nabawasan pa! Ne­vermind si Jamby Madrigal, ito’y wala pa namang TV ads na inilalabas.

Maging sa vice presidential race, halos runaway winner si Mar Roxas (43%) at kamuntikan pang nangalahati ang kalamangan sa kaibigang matalik ni Edong Anga­ra, aba’y nagkasya lamang sa 27% si Sinta, as in Loren Legarda.

Ibig sabihin, hindi maramdaman ng publiko ang ‘Alagang Loren’ sa campaign sorties, katulad ng mensahe sa TV ads. Kaya’t huwag ikagulat kung maungusan ni Jojo Binay si Sinta lalo pa’t unti-unting umaangat sa survey. Hindi bale si Bayani Fernando, ito’y walang pakialam sa survey dahil mas importante ang pag-videoke sa rally, katulad din ni Edu Manzano, aba’y balitang mas marami pang oras sa pagpapagawa ng bahay kaysa makipag-kamay sa tao.

Isa lang ang malinaw kung bakit nabawi ni Aquino ang kalamangan -- ito’y epek­to ng bagong ‘think tank’ sa campaign headquarters ng Liberal. Subukang mag-flashback, sa panahong si ex-DepEd Sec. Butch Abad ang nagtitimon sa Noy-Mar team up, ma­ging sa panahong nakikialam ang tropa ni ex-President Franklin Drilon, sampu ng civil society na nagmamarunong sa Liberal camp, pabagsak ang popularity ratings ni Aquino dahil hindi naipapaabot sa tao ang tunay na mensahe ng liderato nito.

Ibig sabihin, epektibo ang strategy ng grupo nina ex-senator Serge OsmeƱa at ex-presidential adviser Lito Banayo, sampu ng mga tauhan nina opposition senators Chiz Escudero at Ping Lacson na nag-takeover sa operasyon.
***
Napag-usapan ang 2010 elections, animo’y itinadhana ang numerong ‘53’ ni ex-se­nator Vicente ‘Tito’ Sotto III. Kung susuriing mabuti ang listahan o balota ng Comelec nasa dulo ang let­rang “S” subalit mas ikinatuwa ni Sotto ang kinalag­yan ng kanyang surname, ito’y favorite number, hindi dahil pang-Escalera ang da­ting kundi tatak ng kanyang lolo ang numero 53. Li­ngid sa kaalaman ng publiko, maliban sa mediamen na nakikinabang sa Republic Act (RA) No. 53 -- ito ang kauna-unahang batas ng lolo ni Tito Sotto --si dating senador Vicente Sotto noong 1st Congress kaya’t ‘Sotto Law’ ang Press Freedom Law.


Take note: malaki ang impluwensya ng dalawa pang Escalera brothers sa mga botante -- sina Joey de Leon at Vic Sotto, hindi pa kasama ang endorsement nina Boy Abunda at Kris Aquino!


http://www.abante-tonite.com/issue/mar0910/opinions_spy.htm






No comments: