Ang script ni Erapsky!
Rey Marfil
Kahit dropout sa Ateneo, maiintindihan ang mensahe ni Erap sa Christmas Party ng Senate media, walang pag-asang manalo si Loren Sinta bilang Pangulo kaya’t puntiryang kuning running mate ito. Ibig sabihin, ‘nakapako’ ang kaibigang matalik ni Edong Angara sa pagka-Vice President at manatiling No. 2 habambuhay, hindi lamang noong 2004 election kundi ngayong 2010. At kapag nagkataon, mauuwi sa ‘rematch’ ang bakbakan sa pagitan ni Uncle Noli kapag pinatos ang pagtakbong running mate ni Manny Villar. Ang tanong lamang ng mga kurimaw: Kaya bang tanggapin ng ex-wife ni murder suspect Tony Leviste ang katotohanang si Chiz Escudero ang magiging standard bearer ng Nationalist Peoples Coalition?Katulad ni Loren Sinta, mala-double insertion, as in ‘double time’ ang panliligaw ni Villar kay Vice President Noli De Castro Jr., bilang running mate sa 2010. Malinaw ang kawalan pag-asa ni Villar na makuha ang bendisyon ni Erap ngayong nasibak sa trono at walang ibang choice kundi makipag-alyansa sa alinmang organisasyon at mamirata ng kandidato. Sa ngayon, isa lang ang puwedeng bingwitin ni Villar - si Uncle Noli lalo pa’t madaling masilo kung pagbabatayan ang samahan sa Wednesday Group. Ang tanong lamang ng mga kurimaw: Papayag bang mag-Bise si Uncle Noli ngayong mas malakas sa survey kumpara sa lahat ng presidentiables?Sa umpisa, hindi pinangarap ni Erap mag-unite ang oposisyon at malaking katarantaduhan kung inisip ang pagkakaisa ng grupo gayong mismong ama ni Jinggoy ang nag-iikot at ipinangangalandakan ang pagtakbo sa 2010 election. Bago pa man pinalaya ni Mrs. Arroyo, sa bisa ng presidential pardon, naka-set ang utak ni Erap sa pagtakbo at gagamitin ang kawalang interes ng opposition presidentiables sa unification o ‘One Ticket scenario’ para mabigyang-katwiran ang pagbabalik sa trono. Kundi nagkakamali ang Spy, isa sa option, katulad ng kuwento sa ilang mediamen ni ex-Cong. Simeon Garcia, ngayo’y chief of staff ni Jinggoy, bago maglabas ng desisyon sa disqualification case ang Supreme Court (SC), aatras si Erap at ipapalit si Jinggoy, as in Estrada pa rin nga naman ang naka-pronta!
***
Napag-usapan ang survey, hindi lahat ng resulta, ito’y genuine. Hindi natin babangitin ang pangalan subalit isa sa mga presidentiable ang nagpaka-dalubhasa sa ‘pagdu-doktor’ ng survey result at meron pang nagka-cut and paste at binabago ang percentage para magmukhang malakas sa botante at umaangat ang popularity. Ang malupit sa lahat, meron isang presidentiable ang lumalaban ng ‘patayan ng istorya’ sa halos lahat ng newspaper, mapa-tabloid o broadsheets. Ang resulta: Kahit lehitimo ang reklamo, hindi lumalabas at nauwi sa puro ‘kahol’ ang kalaban. Ang katotohanan lamang, magastos ang kanyang formula at pinapataas ang ‘credit rating’ ng mga kurimaw.Ibig sabihin, niloloko ang sarili para bigyang-katwiran ang multi-milyon pisong ginagastos sa pagpapabango ng image gayong kulelat sa internal survey ng ilang organisasyon at religious group. Hindi natin babangitin kung anong sektor subalit malinaw sa in-house survey - sina Estrada, De Castro at senator Panfilo ‘Ping’ Lacson ang ‘top 3 contender’ sa 2010. Napakalayo ni Villar sa No. 4, kasunod sina Loren Sinta (No. 5), Chiz Escudero (No. 6), at Mar Roxas (No.7). Take note: kakapiranggot ang kalamangan ni De Castro kay Lacson, katulad din ni Erap kay Uncle Noli. Kaya’t marami pang pagbabago sa rating habang papalapit ang 2010. Kaya’t hindi malayong tumakbong Presidente ng homeowners association sa tabi ng Marikina River si MMDA chairman Bayani Fernando ngayong nangamoy-pusali at estero ang kanyang image kahit nanalo sa Celebrity Duets. Malay n’yo, magsanib-puwersa si Spikes King, as in gawing running mate ni Ely Pamatong sa 2010. Sa malamang, si Amay Bisaya ang unang senatorial bet! (www.mgakurimaw.blogspot.com)
Wednesday, December 24, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment